SINAUNANG MESOPOTAMIA: KABIHASNANG AKKADIAN, BABYLONIAN, ASSYRIAN AT CHALDEAN NG MESOPOTAMIA
Ang lupain ng Mesopotamia ay karaniwang nakalantad sa pananalakay ng pangkat ng mga nomad at iba pang barbaro mula sa disyerto. Ang mga pangkat na ito na nagtagumpay sa kanilang pananalakay ay nagtatag din ng mga estado sa lupain.
Ang mga Akkadian ay pangkat ng mga Taong Semitic na pinamunuan ni Sargon l. Si Sargon I ang kinikilalang kauna-unahang dakilang pinuno sa kasaysayan ng pangkat Semitic. Siya ang nagtatag ng kauna-unahang imperyo sa daigdig. Ang imperyo ng mga panahong ito ay tumutukoy sa pinag-isang pangkat ng mga kaharian sa ilalim ng kapangyarihan ng iisang hari o monarko. Pinuksa ni Sargon I ang kapangyarihan ng mga Sumerian sa ilalim ni Lugal-zaggisi at pinag-isa ang buong Sumeria sa ilalim ng kanyang pamumuno. Sakop ng kanyang imperyo ang kalakhang bahagi ng Fertile Crescent mula Elam, isang sinaunang kaharian sa silangan ng Tigris. Ang Elam sa kasalukuyan ay ang Timog-kanlurang Iran.
Nang mamatay si Sargon l, siya ay pinalitan ng kanyang apo na si Naramsin (2270-2233 BCE). Ang kaharian ay higit pang pinalawak ni Naramsin hanggang sa masakop nito ang Hilagang Assyria. Bunga nito, siya ay itinanghal bilang "Hari ng Ikaapat na Bahagi ng Daigdig."