SINAUNANG KABIHASNAN SA TSINA
Nang matuklasan ang Taong Peking sa China, pinaniwalaang ang kasaysayan ng China ay nagmula pa noong Panahong Paleolithic. Ang kabihasnang itinatag sa mga lambak ng Huang Ho River o Yellow River at Yangtze River ay nagkaloob sa daigdig sining, siyensiya, pilosopiya, at kasanayan sa pamamahala.
Sa kabila ng mga likas na hadlang na naghihiwalay sa China sa ibang lupain, ang bansa ay hindi rin nakaligtas sa pananakop ng mga tagalabas mula sa hilaga at kanlurang bahagi. Sa loob ng mahabang kasaysayan nito, ang China ay paulit-ulit na naging biktima ng pananalakay ng mga barbaro at iba pang dayuhan.
Nagsimula ang kasaysayan ng China sa ilalim ng Dinastiyang Shang noong 1532 BCE. Nang mahukay ng mga arkeologo ang Anyang na kabisera ng Shang, natuklasan nilang mataas na ang uri ng pamumuhay ng mga taong nanirahan dito. Ang natuklasang oracle bone sa Anyang ay patunay na mayroon ng sistema ng pagsulat ang mga tao noong panahon ng Dinastiyang Shang.
Ang mga relikang itak, kampanilya, at iba pang gamit na natuklasan dito ay pawang mga yari sa tanso. Ang mga natuklasang gamit sa pag-aalay, tulad ng naglalakihang lalagyan ng pagkain at alak ay patunay na ang kabihasnang ito ay mayroon na ring relihiyon. Pinagsamang animism at pagsamba sa ninuno ang pinaniniwalaang naging gawaing paraan ng pananampalataya noong panahon ng Shang. Ang animism ay tumutukoy sa paniniwalang ang lahat ng bagay sa kapaligiran ng tao, may buhay man o wala ay may kaluluwa. Ang paniniwalang ito ang itinuturing na pinakasinaunang paniniwala nagmula pa noong Panahong Paleolithic.
Natuklasan din ng mga arkeologo na ang mga lungsod ng Shang ay naliligiran ng nagtataasang bakod na nagsisilbing pananggalang sa mga mandarambong at mananalakay. Tulad ng mga Sumerian, ang mga bakod na ito ay patunay ng kasanayan ng mga pinunong Shang na magpakilos at mangasiwa ng malaking bilang ng lakas manggagawa.
Ang mga mamamayan sa panahon ng Dinastiyang Shang ay nahahati sa pangkat ng mga maharlika, mga noble, at magbubukid. Ang maharlikang angkan ang siyang nagmamay-ari ng mga lupain, ang mga noble naman ang siyang namamahala sa mga sakahan at nagbabayad ng buwis sa pamahalaan, at ang mga magbubukid ang nagsasaka ng mga taniman.
Sa ilalim ng Dinastiyang Shang, ang mga taong may kasanayan sa paggawa ng mga kagamitan ay naninirahan sa labas ng nababakurang lungsod. Natuklasang ang mga ito ay gumagawa nang mga sandata, alahas, at iba pang gamit ng mga maharlika. Ang bronze, jade, bato, at mga buto ang mga materyales na ginagamit sa panahong ito. Natuklasan din ng mga mananalaysay na ang mga taong ito ay naghahabi na rin ng telang seda na ginagamit sa paggawa ng mga kasuotang tanso na damit at sapatos na burdado. Gumagamit na rin noon ng kaolin, isang uri ng puti at pinong luwad sa paggawa ng mga paso o plorera. Seramik (ceramics) ang tawag sa mga produktong ito.
Ayon sa mga mananalaysay, gawi na noong panahon ng Dinastiyang Shang ang pakikipag-usap sa kanilang mga ninuno sa pamamagitan ng dibinasyon o panghuhula. Naniniwala sila na ang pagkakasakit, hindi mainam na panahon, hindi masaganang ani, at iba pang suliraning nakaaapekto sa ilang indibidwal at lipunan ay palatandaan na may espiritu ng ninunong nagagalit.
Sa pagkakataong ito, kinakailangang gumanap ang isang opisyal na aristrokata ng isang pakikipag-usap sa mga ninuno sa pamamagitan ng dibinasyon. Ito ay ginagawa sa pamamagitan ng scapulimancy o paggamit ng butong paypay ng mga hayop o kaya ay bahay ng pagong bilang sulatan ng mensahe o tanong. Ang mga tinawag na oracle bone. Dito nila isinusulat ang kanilang mga tanong na sumusunod: