SINAUNANG MESOPOTAMIA: KABIHASNANG AKKADIAN, BABYLONIAN, ASSYRIAN AT CHALDEAN NG MESOPOTAMIA
Ang kapangyarihan ng mga Akkadian sa Mesopotamia ay humina sa pagpasok ng pangkat ng mga Amorite. Tulad ng mga Akkadian, ang mga Amorite ay nagtatag din ng sentralisadong pamahalaan sa Babylonia, sa bahaging ibaba ng Mesopotamia na dating Sumer at Akkad.
Ang Babylonia ay naging tanyag sa pamumuno ni Hammurabi. Ipinagawa ni Hammurabi ang mga kanal at dike ng Sumer at Akkad upang makapamuhay nang masagana ang kanyang mga nasasakupang lungsod-estado. Nagpagawa rin siya ng mga palasyo at templo na alam niyang kagigiliwan ng kanyang mga nasasakupan.
Ang pinakamahalagang ambag ni Hammurabi sa kabihasnan ay ang kanyang kodigo ng mga batas na tinawag na "Kodigo ni Hammurabi". Ito ay naghahayag ng mataas na batayang alituntuning pampamahalaan. Ito ay may 15 siglo nang ipinatutupad sa lungsod-estado ng Babylonia bago pa lumabas ang batas ng mga Romano. Sa panahon ng kanyang panunungkulan, iniutos ni Hammurabi na isulat ang mga batas sa mga tableta upang maayos na maipabatid ito sa mga tao. Ang isa sa mga tabletang kodigong ito ay natagpuan noong 1901 sa Susa, isang matandang lungsod sa Iran.
Saklaw ng kodigo ni Hammurabi ang pampolitika, panlipunan, at pangkabuhayang organisasyon ng Babylonia. Tampok sa kodigo ng batas na ito ang paraan ng pagpaparusang naaayon sa prinsipyong Lex Talionis o "mata para sa mata at ngipin para sa ngipin."
SUSA
LEX TALIONIS
Ang pamilya ang batayan ng lipunang Babylonia. Binubuo ang lipunang ito ng mga maharlika o hari't pari, mga manggagawa at mangangalakal, at mga pangkaraniwang magsasaka at alipin. Ang karamihan sa mga Babylonian na magsasaka ay nag-aalaga rin ng mga hayop, naghahabi ng tela, at natuklasang higit na masigasig na mga mangangalakal.
Tulad ng mga Sumerian, ang buhay ng mga Babylonian ay nakasentro rin sa kanilang relihiyon. Si Marduk ang kinikilala nilang pangunahin at pinakamakapangyarihang Diyos.
Ang haliging bato ay may nakaukit na katauhan ni Hammurabi kasama si Shamash, ang kinikilalang Diyos ng katarungan sa Babylonia. Nakaukit naman sa harapang ibabang bahagi nito ang mga inskripsiyong binubuo ng may 282 batas na may kinalaman sa pag-aari, pangungutang, pamilya, pagaasawa, at iba pang patakaran sa pag-uugali.