Ang Dinastiyang Sung ay tinatag ni Sung Tai-tsu. Sa panahon ng mga Sung, ang teritoryo ng imperyo ay muling lumiit. Hindi na nakuhang bawiin ng mga Sung ang mga lupaing nasakop ng mga dayuhan noong panahong humina ang kapangyarihan ng Tang. Sa kabila nito, ang imperyo ay naging matatag, makapangyarihan, at masagana. Ang mga panahon ng Tang at Sung ay kinakitaan ng malaking pagsulong. Naging masagana ang agrikultura at lumago ang pondong pananalapi ng China. Ngunit kasabay ng pag-unlad, dumoble naman ang dami ng mga tao sa kalakhang imperyo. Ang bawat isa sa sa sampung lungsod ng China ay nagtataglay na ng isang milyong katao sa panahong ito.
DUMOBLENG TAO SA KALAKHANG IMPERYO
Upang matugunan ang pangangailangan ng malaking populasyon, ipinagutos ni Sung Tai-tsu ang pagpapatupad ng Green Sprout Act. Sa pamamagitan ng batas na ito, ang mga magbubukid ay pinautang ng pamahalaan ng butil na maaaring bayaran matapos ang anihan. Ang sumunod na emperador ng Sung ay nakapag-angkat ng ibang uri ng butil ng bigas mula sa Vietnam. Ang butil na ito ay higit na mabilis anihin. Ang paraan ng pagsasaka at pag-aani ng butil ay maayos na itinuro ng mga opisyal ng pamahalaan sa buong imperyo. Bunga nito, ang mga Tsino ay nakapag-ani ng bigas ng dalawang beses sa isang taon.
Ang Silk Road na dating binabantayan ng mga hukbo ng kaharian ng Tang ay hindi nabawi ng mga Sung mula sa mga Juchen o barbarong Manchu, na sumalakay at nagtatag ng kanilang imperyo sa hilagang bahagi ng China. Upang mapag-ibayo ang kanilang pakikipagkalakalan, nilinang ng mga Tsino ang kanilang kaalaman sa paglalakbay sa karagatan.
Noong taong 900 BCE, ang Dinastiyang Sung ay ginambala ng mga Khitan, isang pangkat ng mga Mongol. Kapalit ng taunang suhol na buwis, ang pangkat ng mga Khitan ay nangako sa emperador na hindi na muling magagambala. Ngunit sa pagdaan ng panahon, ang pangkat ng mga barbarong ito ay hindi na napigilan ng suhol at tuluyang sinakop ang Kai-yang, ang kabisera ng Sung.