SINOCENTRISM
SINOCENTRISM
Ang kaisipang sinocentrism ay tumutukoy sa paniniwala at pilosopiya ng mga Tsino na ang China ang pinakasentro ng daigdig, ang itinuturing na ”Gitnang Kaharian." Isa sa mga dahilan kung bakit nalikha sa isipan ng mga Tsino ang paniniwalang ito ay ang heograpiya ng bansa.
Ang China ay halos nahihiwalay sa mga bansa sa silangan ng Pacific Ocean at nahihiwalay sa ibang lupain ng Eurasia ng nagtataasang hanay ng mga bundok, talampas, disyerto, at mga anyong tubig. lpinalalagay ng mga sinaunang Tsino na ang mga pangkat ng tao sa hilaga, timog, at kanlurang bahagi ng kanilang bansa ay mga barbaro na walang nalinang na kabihasnang tulad ng sa kanila.
Sa mapang ito, ang China ay matatagpuan sa sentro ng daigdig. Ito ay naliligiran ng anyong tubig (maitim na bahagi) na puno ng mga kahariang pulo, kasama ang Japan. Sa loob naman ng puting bilog matatagpuan ang iba pang bansa na tinawag nilang ”Country of Giants". Ang kasunod na maitim na bahagi naman ng mapa ang tinatawag nilang “Universal Ocean" na ang lawak ayon sa kanila ay hindi mawari.
MAPA NG HUANG RIVER AT YANGTZE RIVER
Ayon pa sa sinaunang paniniwala mga Tsino, ang mundo ay binubuo ng 100 bansa, kung saan ang 25 nito ay napaliligiran ng karagatan, ang 45 ay nasa kabila ng karagatan at ang 30 naman nito ay nasa kabila pa ng susunod na karagatan. Ang apat na karakter sa itaas, ibaba, at magkabilang gilid ng mapa ang nagtuturo ng direksiyon ang dalawang linya na animo'y sanga ng puno sa mapa ay ang Huang River na nasa hilaga at Yangtze River sa timog.
PAPEL, PULBURA, PARAAN NG PAGLILIMBAG AT MAGNETIC COMPASS
Bukod sa heograpiya, buong tayog ding ipinagmamalaki ng mga sinaunang Tsino ang naabot nilang tagumpay na higit na nauna sa iba pang lupain sa daigdig. Buo ang kanilang paniniwala na ang kanilang mga tuklas tulad ng papel, pulbura, paraan ng paglilimbag, at magnetic compass ay higit na nakapagdulot ng pagbabago sa daigdig. Naniniwala rin ang mga Tsino na sila ay nakabuo ng isang kakaiba at walang kapantay na kultura sa loob ng mahigit na 3,000 taon. Bunga ng kaisipang ito, ang sinumang dayuhang mapayapang bumibisita sa China noong unang panahon ay malugod nilang tinatanggap sa imperyo upang mamulat sa kabihasnang kanilang naitatag. Gayunpaman, hindi naman naaayon sa kanilang kultura ang mangibang bansa upang palaganapin ang kanilang paniniwala at kabihasnan dahil naniniwala sila na ang kulturang Tsino ay maipagmamalaki at tiyak na tatanggapin at yayakapin ninuman nang walang pasubali anumang uri ng panghihikayat.