Antas ng Pag-unawa sa Pagbasa ng Panitikang Pilipino ng mga Mag-aaral ng Ika-7 Baitang sa Siena College of San Jose, Inc.: Batayan para sa Makabuluhang Interbensyon
Mananaliksik: Deseo, John Patrick, Rafols, Frances Nicole G.Alondres, Kcathy O., Escala, Noemi M.
Abstrak
Ang mataas na antas ng pag-unawa sa pagbasa ay isang kasanayang dapat taglayin ng bawat mag-aaral ano mang nibel ang kinabibilangan nila. Ito ang susi sa ganap na tagumpay nila sa akademya na dadalhin sa kanilang piling larangan. Subalit, ang ganitong bisyon ay taliwas sa kasalukuyang kalagayan ng bawat mag-aaral sa bansa, sang-ayon na rin sa iba’t ibang datos mula sa iba’t ibang ahensya o sektor ng edukasyon. Ang pag-aaral na ito ay isinagawa upang tasahin ang kabuoang antas ng pagbasa gayundin ang antas sa iba’t ibang dimensyon ng pagbasa; literal, inferential, at critical. Gumamit ng disenyong deskriptibo-kwantitatibo ang pananaliksik na ito at ang Philippine Informal Reading Inventory (Phil-IRI) kit bilang instrumento at pamantayan sa pagbibigay ng deskripsyon sa mga datos. Gamit ang purposive non-probability random sampling ay nakuha ang tatlumpong (30) kalahok na sumailalim sa pagtatasa ng kanilang komprehensiyon. Lumabas na ang mga mag-aaral na nasa ikapitong baitang ay nabibilang sa independent na antas sa dimensyong literal na nagtamo ng 90.00%, independent sa dimensyong inferential sa datos na 80.83% at frustration sa dimensyong critical na may 33.33% na nangangahulugang bigo sa pag-unawa sa pagbasa at pagsagot sa tanong na kritikal. Ayon sa resulta, ang kabuoang antas ng pag-unawa ng mga mag-aaral ay nasa instructional level o 68.05% kung saan ang mga mag-aaral ay nakikinabang o umaasa sa direktang instruksiyon sa pagbasa mula sa kanilang guro (Flippo,2014). Batay sa resulta ay inirerekomenda ng mga mananaliksik ang nabuong programang interbensyon upang mabigyang lunas ang suliraning kinahaharap ng mga mag-aaral.
Susing Salita: Antas ng pag-unawa; dimensyon sa pagbasa; literal, inferential; critical; independent; instructional; frustration; interbensiyon.