Panunumpa ng mga ETUlay Tutors

Etulay Tutors Kami

Kaming mga ETUlay Tutors ng Kagawaran ng Edukasyon

buhat sa Luzon, Visayas, at Mindanao

ay pinagbubuklod ng iisang adbokasiya at layunin:

Ang maihatid sa bawat tahanang Pilipino ang edukasyon

sa kabila ng mga hamon ng pandemya .

Gagamitin namin ang aming kakayahan, talino, husay, at lakas;

Gugugol kami ng oras at panahonat personal na interes

sa kapakanan ng kabataan; upang mailatag ang daan

patungo sa mas magandang kinabukasan ng mga kabataan.

Kami ay buong pusong nanunumpa sa harap ng sambayanang Pilipino at ng Diyos

na patuloy naming paiigtingin ang paggabay at pagtuturo sa kabataang Pilipino;

Itataguyod ang simulaing makapaglingkod sa bayan bilang ETUlay

Isusulong ang pagkakaroon ng libre, dekalidad, at para sa lahat na edukasyon;

Palalaganapin ang kaalaman sa pamamagitan ng paggamit ng teknolohiya at telebisyon;

Sisiguruhing ang edukasyon ay hindi lamang makapagpapataas ng marka,

bagkus ay makapagpapabago sa takbo ng buhay at pamumuhay ng kabataang Pilipino;

Pagniningasin ang diwa ng bayanihan at pagkakaisa

sa patuloy na pagseserbisyo sa kabila ng mga balakid at pagsubok;

Patutunayang walang pandemya o pandaigdigang krisis at kalamidad

ang makapipigil sa pagsulong at paglago ng edukasyon sa bansa.


Kasihan nawa kami ng Panginoon