A. Mga salitang kalimitang napagpapalit ng gamit
1. Nang at Ng
Gamit ng nang
a. katumbas ng salitang 'when" sa Ingles
Halimbawa: Nang pumutok ang bulkan, marami ang nabago.
b. tagapagpakilala ng pang-abay na pamaraan
Halimbawa: Tumakbo siya nang matulin.
c. tagapagpakilala ng pang-abay na pamanahon
Halimbawa: Umalis siya nang maaga.
d. tagapag-ugnay ng pandiwang inuulit
Halimbawa: Magsanay nang magsanay upang gumaling.
e. katumbas ng "so that", "in order to” sa Ingles
Halimbawa: Magsaya nang hindi agad tumanda.
f. pinagsamang pang-abay na NA at pang-angkop na NG
Halimbawa: Tapos nang magturo ang guro.
Gamit ng ng
a. katumbas ng "of' sa Ingles
Halimbawa: Maliwanag ang sinag ng araw.
b. tagapagpakilala ng tagaganap ng pandiwa
Halimbawa: Ginamot ng bata ang sugatang aso.
c. tagapagpakilala ng layon ng pandiwa
Halimbawa: Namitas ng bulaklak ang mga hardenero.
d. pang-ukol na kasingkahulugan ng 'sa"
Halimbawa: Umuuwi ako ng probinsya tuwing katapusan.
2. May at Mayroon
Gamit ng May
Gamitin ang may kapag susundan ng sumusunod:
a. pangngalan - May aklat sa ilalim ng mesa.
b. pandiwa - May kumakatok sa pinto kagabi.
c. pang-uri - May mahalimuyak na amoy.
d. pang-abay - May tatlong taon na siyang nawawala.
e. panghalip panao na paari - Naroon siya sa may kaniyang silid.
f. pantukoy na mga - May mga araw na makulimlim.
Gamit ng Mayroon
a. Gamitin ang mayroon kapag susundan ng mga sumusunod:
i. kataga - Mayroon na bang sweldo si Gaymore?
ii. panghalip panao na palagyo - Mayroon ka ba nito?
iii. panghalip pamatlig - Mayroon iyang binabalak gagawin.
iv. pang-abay na panlunan - Mayroon sa bundok ang ganyan.
b. panagot sa katanungan
Halimbawa: "May proyekto ka na ba?' "Mayroon."
c. bilang pangngalan na nangangahulugang mayaman.
Halimbawa: Sa kilos pa lang makilala na kung sino ang mayroon.
3. Kung at Kong
Ginagamit ang kung bilang pangatnig na panubali. "if" sa Ingles
Halimbawa: kung uuwi ka na ay sabihan mo ako.
Ang kong ay panghalip na panao sa kaukulang paari.
Halimbawa: Ang pinakamamahal kong aso ay pumanaw na.
4. Daw at Din; Raw at Rin
Gamitin ang daw/din kapag ang salitang sinusundan ay nagtatapos sa katinig
Halimbawa: May labanan daw ng salita ang mag-asawang artista.
Gamitin ang raw/ rin
Kapag ang Salitang sinusundan ay nagtatapos sa patinig.
Halimbawa: May enkwentro raw sa Marawi kamakailan.
5. Pinto at Pintuan
Pinto ang inilalapat sa puwang upang hindi ito mapagdaanan
Halimbawa: Gusto ko ang bagong kulay ng pinto.
Pintuan ang puwang sa dingding o pader na pinagdaraanan.
Halimbawa: Huwag kang tumayo diyan sa pintuan
6. Hagdan at Hagdanan
Hagdan ang inaakyatan at binababaan
Halimbawa: Mabilis niyang tinakbo ang mga hagdan.
Hagdanan ang kinalalagyan ng hagdan
Halimbawa: Inaalis tuwing gabi ang hagdanan ng kubo.
7. Bitiw at Bitiwan
Ang salitang bitiw/bitiwan (pandiwa) ay ang pagkawala o pag-alis sa pagkakahawak ng isang bagay o pangyayari.
Halimbawa: Huwag kang bumitiw para hindi ka mawala.
Ang salitang bitaw (pangngalan) ay nauukol sa sasabunging manok.
Halimbawa: Sa pula ang bitaw ni Mang Gusting kaya siya natalo.
Ang bitawan ay tumutukoy sa lugar ng pagdarausan ng salpukan ng manok
Halimbawa: May nakita akong pulitiko sa bitawan ng manok.
8. Ikit at Ikot
Ginagamit ang ikit para maipakita ang kilos mula sa labas patungo sa loob.
Halimbawa: Nakadaming ikit kami bago nakapasok sa kuweba.
Ang ikot naman ay kilos mula sa loob patungo sa labas.
Halimbawa: Nakailang ikot muna bago kami nakalabas ng parke.
9. Imik at Kibo
Ang imik ay ginagamit sa pagsasalita o pangungusap .
Halimbawa :Hindi siya nakaimik sa tanong ng ama.
Ang kibo ay ginagamit sa pagkilos.
Halimbawa: Hindi siya kumikibong nakaupo sa gilid
Hindi lamang sa tao nagagamit ang kibo
Halimbawa: Huwag ninyong kibuin ang mga bulaklak sa puntod.
10. Kata at Kita
Ang kata ay ikaw at ako
Halimbawa: Kailan kata magkasamang luluwas ng probinsiya?
Ang kita ay ikaw
Halimbawa: Pangarap kong makasama kita sa aking pag-uwi,
11. Kina at Kila
Ang kina ay maramihan ng kay. Walang salitang kila.
Halimbawa: Pakidala ang mga aklat kina Vilma at Jenny
12. Taga at Tiga
Taga ang dapat gamitin. Walang unlaping tiga. Gumagamit ng gitling kapag sinusundan ito ng pangngalang pantangi.
Halimbawa: Taga-Baguio ang bisita ng aming kapit-bahay
Ako ang tagalaba tuwing Sabado at Linggo.
Naiiba ang unlaping tig- na ginagamit kasama ng mga pamilang:
Halimbawa: tig-isa, tigalawa, tigatio, tig-apat, atbp.
13. Kapag at kung
Ipinakikilala ng kapag ang isang kalagayang tiyak.
Halimbawa: Umuuwi siya sa probinsiya kapag bakasyon niya,
Ipinakikilala ng kung ang di-katiyakan ng isang kalagayan
Halimbawa: Hindi niya tiyak kung sa Sabado o Linggo siya uuwi.
14. Kung Di at Kundi
Ang kung di ay galing sa salitang " kung hindi" o "If not".
Halimbawa: Wala ka na sanang maaabutan kung di ka pa dumating.
Ang kundi naman ay "except".
Halimbawa: Walang sinuman makagagawa nito kundi siya lamang.
15. Habang at Samantala
Ginagamit ang habang sa kalagayang walang tiyak na hangganan
Halimbawa: Magtiis mamaluktot habang maiksi ang kumot.
Ginagamit ang samantala sa kalagayang may taning, o pansamantata
Halimbawa: Makikitira muna ako sa bahay nina kuya samantalang wala pa akong tawag mula sa bago kong amo.
Samantala din ang ginagamit sa lambisan ng dalawang kalagayan
Halimbawa: Si Darwin ay tumakbo samantalang si Mario ay naglakad na lang.
16. Dahil, Dahil sa Dahil kay at Dahilan
Ang dahil ay pangatnig.
Halimbawa: Hindi siya nakasama dahil sumakit ang tiyan niya.
Ang dahil sa o dahil kay ay pang-ukol.
Halimbawa: Hindi siya nakasama dahil sa sakit ng tiyan niya.
Ang dahilan ay pangngalan.
Halimbawa: Sakit sa tiyan ang dahilan ng pagkaospital niya.
17. Abutan at Abutin
Abutin ang isang bagay
Halimbawa: Abutin mo ang iyong pangarap.
Abutan ng isang bagay
Halimbawa: Abutan mo ng tulong ang kapatid mo.
18. Agawin at Agawan
Agawin ang isang bagay sa isang tao/hayop.
Halimbawa: Huwag mong agawin ang tanging kaligayahan niya.
Agawan ng isang bagay ang isang tao/hayop.
Halimbawa: Ibig agawan ng laruan ni Charies si Armando.
19. Bilhin at Bilhan
Bilhin ang isang bagay
Halimbawa: Bilhin natin ang pangarap na regalo ni Mica.
Bilhan ng isang bagay
Halimbawa: Bilhan natin ng regalo si Nanay at Tatay.
20. Bumili at Magbili
Ang bumili ay "to buy”
Halimbawa :Mainam bumili ng sariwang strawberry mula La Trinidad.
Ang magbili ay "to sell o magbenta”
Halimbawa: Ang pangunahing ikinabubuhay ng mga taga-Benguet ay magbili ng sarili nilang tanim na gulay.
21. Hatiin at Hatian
Ang hatiin ay partihin o" to divide"
Halimbawa: Hatiin mo sa sampung bahagi ang lupain ng iyong ama.
Ang hatian ay o ibahagi "to share" sa Ingles
Halimbawa: Hatian natin ang lahat, maging ang mga wala ngayon.
22. Hinagis at Inihagis
Hinagis ng isang bagay
Halimbawa: Hinagis ng tinapay ni Daniel si Irene. (hinagisan)
Inihagis ang isang bagay
Halimbawa: Inihagis ni Donna ang bola nang malakas kay Juanita.
23. Ibayad at pagbayad
Ang ibayad ay pagbibigay ng bagay bilang kabayaran.
Halimbawa: Paglalaba ang ibabayad ko sa hiniram kong pera.
Ang ipagbayad ay pagbabayad para sa ibang tao
Halimbawa: Ipagbayad mo nga muna ako sa nagastos ko sa hospital.
24. Kumuha at Manguha
Ang kumuha ay to get"
Halimbawa: Kumuha siya ng mga aklat na babasahin sa biyahe.
Ang manguha ay "to gather, to collect"
Halimbawa: Mangunguha muna kami ng datos mula sa barangay para sa amin ginagawang papel bago kami magbakasyon
25. Linisin at Linisan
Linisin ang isang bagay na maaaring tanggalin.
Halimbawa: Linisin ninyo ang kalat bago pa man may madulas.
Linisan ang pook o lugar
Halimbawa: Linisan ninyo ang bahay at darating na ang may-ari.
26. Magsakay at Sumakay
Ang magsakay ay magkarga “to load”
Hambawa. Nagsakay ng sampung basket na patatas ang Pajero
Ang sumakay ay “to ride”
Halimbawa: Sumakay na tayo sa anumang daraang bus.
27. Napakasal at Nagpakasal
Ang napakasal ay “got married”
Halimbawa: Napakasal ang kapitan sa kaniyang sekretarya.
Ang nagpakasal ay “caused the wedding"
Halimbawa: Ang mayor ang nagpakasal sa dalawang empleyado
28. Operahin at Operahan
Ang operahin ay para sa tiyak na bahagi ng katawan na titistisin.
Halimbawa: Operahin bukas ang bukol sa dibdib ni Charlie
Ang operahan ay tumutukoy sa tao.
Halimbawa: Ooperahan na si Charlie bago lumipat ang taon
29. Pahirin at Pahiran
Ang pahirin ay pag-aalis o “to wipe off”
Halimbawa: Pahirin mo ang dungis sa mukha ng bata.
Ang pahiran ay paglalagay o "to apply something"
Halimbawa: Pahiran mo ng langis ang likod niya pagkaligo niya.
30. Subukin at Subukan
Ang subukan ay pagtingin nang palihim (pagmanman)
Halimbawa: Ayaw kong subukan ang ginagawa nila pag wala ako.
Ang subukin ay pagtikim at pagkilatis (try)
Halimbawa: Subukin mo ang tatag ng kaniyang pananampalataya.
Subukin natin ang kaibhan ng bagong produkto nila.
31. Suklayin at suklayan
Suklayin ang buhok ng sarili o ng iba
Halimbawa: Suklayin mo nga nang maayos ang buhok mo. Camille.
Suklayan ng buhok ang ibang tao
Halimbawa: Suklayan mo nga Rosa ng buhok si lola pagkaligo niya.
32. Walisin/Walisan
Halimbawa: Walisin nga ninyo ang mga tuyong dahon sa bakuran.
Walisin ang isang bagay na maaring tangayin ng walis
Walisan ang pook o lugar
Halimbawa: Sana ay mawalisan ang aklatan dahil maalikabok na.