Napakahalagang pag-aralan ang iba't ibang terminolohiyang pangwika na ginagamit natin sa ating pakikipag-ugnayan. Ang mga ito ay nakatala sa ibaba:
Linggwista - isang taong nagsasagawa nang maagham na pag-aaral ng wika. Ang Linggwista ay ang taong nagpakadalubhasa sa isang wika. Inaalam niya ang pinagmulan ng salita (etymology), kung bakit ito nagamit at ano ang tamang paggamit nito sa pangungusap. Sa madaling salita, linggwista ang siyang nakaiimbento ng isang salita na siyang magagamit natin sa ating ugnayang panlipunan.
Linggwistika - ang maagham na pag-aaral ng wika. Gaya ng mga kursong pinagkakadalubhasaan ngayon sa pamantasan at dalubhasaan, ang linggistika ay isang kurso ng maagham na pag-aaral ng wika. Dito nakapaloob hindi lamang ang bawat salita sa isang partikular na wika, kundi maging ang pinagmulan ng wikang iyon at ang kaugnayan nito sa iba pang laganap na wika sa isang partikular na lugar o pook.
Lingua Franca - ang tawag sa pinakamalaganap na wika sa isang lugar. Sa bawat pook dito sa Pilipinas, mayroong pinakalaganap na wika na sadyang gamitin ng nakararami. Ito ay tinatawag na lingua franca. Sa Olongapo, halimbawa, bagamat marami ang nakatira rito na Cebuano, Waray, Tagalog, at Kapampangan, nagkakaisa pa rin ang bawat isa sa wikang Filipino bilang pinakagamiting wika. Gayundin naman sa Pampanga na bagamat iba-iba ang lahing nakatira roon, ang kanilang lingua franca ay Kapampangan.
Unang Wika - ang pinakaunang wikang natutuhan ng tao sa kaniyang buhay. Ito ang natutuhan ng bata sa kanilang bahay na ginagamit ng kanyang magulang at nakasanayan na rin niyang gamitin noong siya ay bata pa.
Ikalawang wika - ang iba pang mga wikang natutuhan ng tao sa buhay. Sa paglipas ng panahon, habang lumalaki ang isang tao, hindi lamang ang iisang wika ang kanyang natututuhan, natuto na rin siya ng wika na ginagamit ng ibang tao na kanyang nakakasalamuha. Halimbawa nito ay ang Ingles, Kastila at iba pang pangunahing wika sa Pilipinas
Polyglot - isang tao na nakapagsasalita ng tatlo o higit pang wika. Maraming Pilipino ay maituturing na isang polyglot. Kung nakapagsasalita ang isang tao ng tatlo o higit pang wika, masasabi siyang isang polyglot. Bukod pa sa wikang Tagalog at Ingles, maisasama na rin ang katutubong wika ng bawat lalawigan na nasasambit ng bawat indibidwal na lalong magpapataas sa kalidad ng pakikipag-ugnayan ng tao sa kaniyang kapwa.
Bilinggwal - kakayahan ng isang tao na makapagsalita at nakagagamit ng dalawang wika sa iisang pagkakataon. Sa isang klase ng agham, mas nagiging mabisa ang pagkatuto ng mga mag-aaral kung ang wikang gagamitin ng guro ay ang wikang gamitin sa lugar na iyon. Kung ituturo ang isang paksa sa mga mag-aaral sa wikang nauunawaan ng lahat, may pagkatuto. Ibig ipakahulugan nito, gumagamit ng wikang bernakular at istandard na wikang gamit ng aklat ang guro sa pagkakataong iyon.
Jargon - wikang ginagamit ng isang pangkat ng tao sa kanilang mga propesyon o trabaho. Ang mga guro lamang ang gumagamit ng Lesson Plan. Tanging pari lamang ang gumagamit ng kalis, siborya, hostiya at banal na tubig. Ibig nitong sabihin, bawat trabaho ay may kanya-kanyang terminolohiyang ginagamit. Ito ang pinakakatangian at tatak ng isang partikular na propesyon.