1. Denotasyon- Ito ang tunay na kahulugan ng salita. Ang karaniwang kahulugan ay makikita sa diksyunaryo.
Mga halimbawa:
Maraming itlog ang mabibili ngayon sa palengke.
Ang salitang itlog ay katumbas ng egg sa Ingles. Ito ay nangangahulugang lumalabas sa manok o iba pang hayop na nangingitlog.
Makapal ang aklat na ginagamit sa asignaturang ito.
Ang salitang makapal ay katumbas ng thick sa Ingles. Nangangahulugan ito na lagpas sa pangkaraniwang pahina na dapat taglayin ng isang aklat.
Medyo malalim ang dagat na matatagpuan sa Iba, Zambales.
Ang salitang malalim ay katumbas ng deep sa Ingles. Nangangahulugang hindi madaling malangoy at lagpas sa taas ng isang tao ang dagat na nabanggit.
2. Konotasyon- Tumutukoy ito sa sariling pagpapakahulugan batay sa pahiwatig (implied) ng isang salita. Nagkakaroon dito ng ibang pakahulugan o dagdag na kahulugan batay na rin sa pagkaunawa ng nakarinig o tumanggap ng mensahe.
Mga halimbawa:
Itlog na naman ang nakuha ni Coco sa pagsusulit.
Ang salitang itlog dito ay nangangahulugang buta, bokya o zero ang iskor ni Coco. Sa madaling salita, wala siyang nakuha o bagsak.
Makapal ang mukha ng taong iyan. Kahit alam niyang huli na siya sa klase, pumapasok pa rin nang wala man lang pasintabi.
Ang salitang makapal dito ay nangangahulugang walang kahihiyan o hindi marunong gumalang.
Malalim ang bulsa ni Isong. Hayaan mo na siya.
Ang malalim dito ay nangangahulugang ayaw gumasta o ayaw tumulong.
3. Kontekstwal- Ito ang kahulugan ng salita batay sa pagkakagamit ng tao.
Mga halimbawa:
Makapal ang bulsa ni Dodong kaya galanteng gumasta.
Ang makapal na bulsa ay nangangahulugang maraming pera.
Makapal ang kumot ng mga bata.
Nangangahulugan itong hindi giginawin ang mga bata.
Sa bawat ipinahahayag na salita ay may kaangkinang mensahe. Depende na lamang ito sa tao kung paano niya ito maunawaan. Samakatuwid, nagkakaroon ng iba't ibang kahulugan ang isang salita batay na rin sa motibo ng tagapaghatid ng mensahe. Nasa nagsasalita na rin kung gaano kalawak ang kaniyang kaalaman sa wikang kanyang ginagamit. Nakabatay rin sa leksikon ng wika ang maaaring maabot ng isang kahulugan. Ang leksikon (lexicon) ay bilang ng salita o bokabularyo ng isang wika ayon kay Rodrigo (2005).
4. Teknikal na pagpapakahulugan- Sa paggamit ng teknikal, siyentipiko o bokabularyong talasalitaan, siguradong maiiwasan ang pagkakaiba-iba ng mensahe sapagkat iisa lamang at tiyak ang interpretasyon ng lahat ng gagamit ng salitang ito dahil nagtataglay ito ng eksaktong kahulugan.