Napakahalagang malaman din ng bawat mag-aaral sa lahat ng larangan ang mga sistema ng wika na ginagamit sa pakikipagtalastasan:
1. Sistemang Berbal- ang pag-uusap ng tao sa pasalitang pamamaraan. Ito ang pinakakaraniwang pakikipag-usap ng tao sa kanyang kapwa. Ginagamit dito ang payak na pakikipag-usap kung saan madaling nagkakaunawaan ang nagsasalita at tumatanggap ng mensahe.
2. Sistemang Ekstra-Berbal- pakikipag-usap ayon sa hina, lakas o tindi ng boses ng tao. Sa sistemang ito nakapaloob ang kakaibang pakikipag-ugnayan ng tao sa kapwa. Halimbawa nito ay kapag nasusunog ang isang bahay. Sumisigaw ang tao ng "Sunog!". Hindi ito pangkaraniwan sapagkat nagagamit ng tao ang kanyang pinakamataas na tono sa kanyang pagpapahayag. Gayundin kapag nakikipagpalitan ng saloobin pamamagitan ng paninigaw kausap. Katulad din ng sistemang extra-verbal ang pag-uusap nang pabulong ng dalawang tao. Dito ay gumagamit lamang sila ng mahihinang tunog o tinig upang hindi marinig ng iba ang kanilang usapan.
3. Sistemang Di-Berbal- pakikipag-usap ayon galaw ng katawan, konsepto ng panahon at personal na espasyo. Ito ay isang sistema kung saan gumagamit ng tatlong salik: galaw ng katawan, personal na espasyo at konsepto ng panahon. Kinestetiks ang tawag sa pag-aaral ng galaw ng katawan ng isang tao. Kahit hindi gumamit ng tinig at hayagang salita ang tagapaghatid ng mensahe, mauunawaan kaagad ito ng tagatanggapbatay sa galaw o kilos ng katawan nito. Magaling ang mga Pinoy sa sistemang di-verbal lalo na sa pagbasa sa galaw ng bawat indibidwal. Masasalamin sa tao kung siya ay masaya dahil siya ay nakangiti. Madali ring mararamdaman kung ang kaniyang ngiti ay totoo o di- totoo. Sa pagtaas ng kilay, malalaman mo na nasisiyahan ang kaharap mo habang kinukumusta ka sa pamamagitan ng pagtaas ng dalawang kilay. Ngunit alam mo ring ang taong kaharap mo ay mapagmataas o maarte kung nakataas lamang ang isang kilay nito. Samantala, Proksemiks naman ang tawag sa pag-aaral ng personal na espasyo. Ipinakikita sa pag-aaral na ito na ang mga Pilipino ay mahilig sa espasyo lalo na sa pagtulog na ayaw may katabing ibang tao, sa pagsakay sa jeep na ayaw nang siksikan at sa marami pang pagkakataon na nais ng isang tao na malaya niyang naigagalaw ang kanyang katawan sa isang maluwang na lugar. At sa konsepto naman ng panahon, malalaman mo ang nasasaloob ng isang tao kung siya ay naiinip o nababagot. Ito ay makikita sa kilos ng tao na patingin-tingin sa orasan at papadyak- padyak, o kaya'y makikita mo sa mukha ang pagkayamot sabay ng palatak. Inilahad ni Dr. Melba Padilia Maggay sa kanyang aklat na Pahiwatig (2002) ang ilan sa mga pahiwatig sa bahagi ng katawan, senyas, galaw at kilos ng Pilipino at ang kahulugan ng mga ito.