Ang wika ay matibay na kasangkapan sa pakikipagtalastasan. Ito ang sinasalita o sinasambit sa isang partikular na lugar o pook. Hindi magkakaroon ng isang matatag at buong pamayanan kung walang wikang mag-uugnay sa bawat isa. Ang wika ang dahilan kung bakit may pagbubuklod at pagkakaisa. Ito rin ang pinakamahalagang salik sa pagganap at pagtupad bilang tao sa kanyang lipunang ginagalawan.
Samantala, ang diyalekto naman ayon kay Rodrigo (2005), ay wika ng tao noong siya'y natutong magsalita. Ito ang wikang ginagamit sa tahanan o ng isang pamilya, ginagamit sa limitadong lugar o pook. Tinatawag din itong bernakular. Mas nilinaw ito ni Garcia (2010) na ang diyalekto ay barayti ng wika ayon sa lugar. Bilang halimbawa, ang Tagalog mismo ang kanyang naging modelo. Ayon sa kanya, "Ang Tagalog ay wika at bilang isang wika, nagkakaroon ito ng barayti ayon sa lugar na ginagamit ito. Ayon kina Zafra at Constantino (2001), kasama na rito ang punto, bokabularyo o pagkakabuo ng mga salita.
Bilang konkretong halimbawa, iba ang Tagalog Maynila sa Tagalog Cavite, Bulacan, Batangas at iba pang lalawigang nasa Rehiyong Tagalog. Madalas pa ngang gawing biro na ang ala eh ay pekulyar sa mga Batangueño, ang ah naman ay mapapansin sa mga taga-Bataan."