Naniniwala ang bawat indibidwal na ang wika ay may pinagmulan. Nakalahad sa ibaba ang iba't ibang teorya hinggil sa pinagmulan ng wika:
1. Teorya ng Paglalang (Divine Theory)- Sa teoryang ito sinasabing ang wika ay galing sa Dakilang Maykapal. Bagamat napakaraming wika sa mundo, ang ugat o pinagmulan ng lahat ng ito ay ang Diyos na ang nag-udyok ay ang Kaniyang kapangyarihan.
Magmula pa sa panahon ni Adan at Eva, mga patriyarka, mga sugo ng Diyos, may wika nang ginagamit na sadyang sa Diyos nagmula. Sa madaling salita, sa Diyos nagmula ang wika ng mundo.
2. Teoryang Pantao (Human Theory)- Ang wika ay ginagawa ng tao upang maipahayag ang saloobin nito dahil sa damdamin ang nag-udyok ng kaniyang isip. Bawat tao ay nakalilikha ng sariling wika na kanyang ginagamit sa kanyang pakikipag-ugnayan sa iba.
3. Teoryang Panlipunan (Societal Theory)- Sa teoryang ito masasabing ang wika ay nagbuhat sa pangangailangan ng isang lipunan na siyang gumagawa ng sariling wika nito. Ito ay nagawa udyok ng pangangailangan. Bawat tao ay may kinabibilangang grupo o maituturing nating lipunan. Kabilang sa mga ito ang mga bilanggo, mga naghahanapbuhay sa club o maging ang mga kaibigan nating nasa third sex. Sila ay may mga wikang ginagamit na sila lamang ang nakauunawa at hindi tanggap sa ating pormal at pang-araw-araw na pakikipagtalastasan.
4. Teorya ni Darwin (Darwin Theory)- Ang wika ay mula sa panggagagad ng tao sa mga kilos o galaw ng hayop. Ginagaya ng tao noon ang kanilang nakikitang kilos o galaw na nagmumula sa hayop. Halimbawa ay ang mga kilos ng unggoy - paghihinguto, pangungulangot, pasalampak na upo at marami pang iba.
5. Teoryang Bow-Wow (Bow Wow Theory)- Sa teoryang ito, ang ginagaya ng tao ay ang tunog na naririnig sa hayop o kalikasan. Halimbawa nito ay ang huni ng ibon sa pamamagitan ng pagsipol ng tao, ang lagaslas ng tubig sa sapa tulad ng paglalapat ng ngipin at pabugang hangin para sa pagpapaihi sa munting bata, ang pag-hiss ng ahas at pagtawag ng tao sa kausap at ang pagkahol ng aso na ginagaya ng tao kapag magsasabi siya ng hoy!.
6. Teorya ng Alon (Wave Theory)- Ang teorya na nagsasabing ang pakikipag-ugnayan ay parang isang alon na naririnig kapag nagsasalita. Maihahalintulad sa isang alon ang ating boses kapag tayo ay nagsasalita, ito ay tumataas, bumababa, lumalakas, humihina.
7. Teoryang Ding-Dong (Ding-Dong Theory)- Ang teoya na nagsasabing ang bawat bagay sa mundo ay may kasama o kaugnayan na tunog mula sa mga materyal na bagay. Halimbawa nito ay ang pagkalansing ng kutsara at tinidor, ang harurot ng sasakyan, ang biglang pagsasara ng pinto, ang pagbagsak ng anumang kasangkapan.
8. Teoryang Sing-Song (Sing-Song Theory)- Ang teorya ng wika buhat sa paghuni o sa pamamagitan ng himig ng awiting bayan. Nabuo rin sa isipan ng ating mga ninuno na ang wika ay nagmula sa paghuni at pag-awit ng mga diwata sa kabundukan. Bago pa man daw nagkaroon ng titik, mayroon na raw himig.
9. Teoyang Pooh-Pooh (Pooh-Pooh Theory)- Ito ay pagpapahayag ng tao sa pamamagitan ng nadarama. Halimbawa nito ay ang mga damdaming ipinadarama ng tao gaya ng pag-ungol, paghikbi, pagsigaw at iba pa.
10. Teoryang Puno-Sanga (Tree Stem Theory)- Ang teorya na nagsasabing ang mga bagong wika ay may pinagmulan. Kung ang mga bagong wika ay mga sanga, ang pinakaunang wika ay ang ugat o ang puno. Kung ang wikang Filipino ay ang bunga, ang wikang Pilipino ang sanga, ang wikang Tagalog ang pinakapuno at ang pinakaugat ay ang alibata. Ipinababatid din sa teoryang ito na lahat ng bagay ay may pinagmulan.
11. Teoryang Yo-He-Ho (Yo-He-Ho Theory)- Teorya na nagsasabing gumagamit ang tao ng salita kapag siya ay gumagamit ng pisikal na lakas. Halimbawa nito'y kapag nagbubuhat ng mga mabibigat na bagay ang tao, kapag nagpapalakas ng katawan, kapag nanganganak, at iba pa.
12.Teoryang Ta-ra-ra-boom-de-ay (Ta-ra-ra-boom-de-ay Theory)- May mga selebrasyon o mga pagdiriwang ang mga unang tao na kinakailangan ng pagsasakilos, pagsasayaw, pagsigaw, pagbulong ng mga gumaganap. Halimbawa nito'y mga tunog na kanilang nalikha sa mga ritwal at iba pang gawain tulad ng pagtatanim, pakikidigma, pag-aani, pangingisda, pagpapakasal, paghahandog at pag-aalay. Sa mga gawaing ito umuusal sila ng mga tunog na sa kalaunan ay binigyan ng iba't ibang kahulugan.
13. Teoryang Ta-Ta (Ta-Ta Theory)- Ang kumpas o galaw ng kamay ng tao na kanyang ginagawa sa isang partikular na okasyon ay sinasabayan ng kanyang pagsasalita. Ang Ta-Ta ay paalam o goodbye sa Pranses na binibigkas ng dila nang pataas at pababa katulad ng pagkampay ng kamay.
14. Teorya ng Tore ng Babel (Babel Tower Theory)- Nagkaroon ng iba't ibang wika dahil na rin sa kapangyarihan ng Diyos na lituhin ang bawat taong nabuhay noong unang panahon. Isa lamang ang wika noon. Naglakbay ang mga tao sa silangan at nakarating sila sa isang kapatagan sa Sinai kung saan sila nanirahan. Napagpasyahan nila na gumawa ng isang tore na abot hanggang langit upang maging bantog at hindi maghiwa-hiwalay. Nagsimula silang gumawa ng isang tore na aabot hanggang langit. Dahil doon, nilito ng Diyos ang bawat tao sa pamamagitan ng pagkakaroon ng iba't ibang wika. Kung kaya, hindi nagkaintindihan ang mga tao at nagsimulang naghiwa-hiwalay. Ang Babel ay nangangahulugang kalituhan.
15. Teoryang Aramaic (Aramaic Theory)- May paniniwalang Aramaic ang kauna-unahang wikang ginamit sa daigdig. Ginamit ito ng mga Arameans, ang mga sinaunang taong nanirahan sa Mesopotamia at Syria. Galing ang Aramaic sa angkan ng Afro-Asiatic sa Timog Africa at hilagang kanluran ng Asya. Kasama ng pangkat ng Semitic, tinataya itong wikang ginamit ng Panginoong Hesukristo at ng kanyang mga disipulo. Sinasabing sa wikang ito rin naisulat ang ilang aklat ng Bibliya.