Nagkakaroon ng mga pagbabago sa wika batay sa iba't ibang kaparaanan at sitwasyon gaya ng propesyon o pinagkadalubhasaan, lipunan o kapaligirang kinaaaniban at ginagalawan, pinag-aralan, paniniwala at maging kultura.
a. Diyalektong Istandard ang wikang ginagamit na katanggap- tanggap sa lahat ng antas ng lipunan lalo na sa mga pormal na pagdiriwang at usapan, maging sa wikang pampaaralan, pamantasan, sa tri-media ( telebisyon, radio at dyaryo) at sa mga pagpupulong.
b. Idyolek naman ang ginagamit sa pagpapakilala ng isang tagapagsalita ayon sa kaniyang kaalaman, karanasan, uri ng wikang ginagamit, indayog, timbre at katatasan sa pagsasalita kasama na ang mga naitalagang sariling ekspresyon sa pagsasalita. Kahit hindi mo nakikita o napapanood nang aktwal ang nagsasalita, makikilala mo siya ayon sa kaniyang mga binibitiwang salita.
Halimbawa nito ay ang mga sumusunod:
…hindi namin kayo tatantanan! ( Mike Enriquez)
…Pilipinas, umasenso ka! ( Ted Failon )
…dito lamang sa mas pinalakas, mas pinatindi at eksplosibong... The Buzz ( Boy Abunda )
…binuhay mo ang katawang lupa ko ( Ai-Ai delas Alas)
Mga ekspresyon sa pagsasalita. Halimbawa ay ang ano, alright, actually, as a matter of fact, at iba pang mga tinatawag na manerismo sa pagsasalita.
c. Diyalektong Pampook ang mga salitang nagkakaiba-iba dahil sa pook na pinagmulan at gumagamit. Halimbawa: ang salitang mailbag ay ginagamit ng mga taga-Batangas, katumbas naman nito ang salitang marumi ng Bulacan. Amorgoso ang tawag ng Batangueño sa ampalaya ng Bulacan.
d. Diyalektong Pamanahon ang wikang nagbabago dahil na rin sa pag-unlad ng tao kasabay ng kaniyang panahon. Sa ating kasalukuyang pakikipagniig sa panahon ng makina at robot, ang kahulugang salita ay nagbabago batay na rin pangangailangan ng tao. Halimbawa: pinaparaluman - minamahal; iniirog-iniibig; kay rikit-maganda; yayao-aalis; minindal-meryenda
e. Diyalektong Sosyal o Panlipunan naman ay ginagamit ayon ng buhay Sasakyan ang tawag ng isang pangkaraniwang tao sa kotse pero wheels naman ang sambit ng mga sosyal o angat sa buhay. Ang isang bata na may kapansanan, mahina ang isip o matalino ay tinatawag na special child ng mga mas angat sa buhay.
f. Rehistro ng wika may mga salitang iisa sa baybay at bigkas ngunit may magkaibang kahulugan depende sa propesyon o hanapbuhay na gumagamit nito. Rehistro ang tawag dito.
May mga pagkakataong makikita ang akronim na CA. Sa larangan ng medisina, ito ay katumbas ng Cancer. Ngunit sa mga hindi duktor, may ibang kahulugan ang akronim na ito. Halimbawa lamang nito ay ang Civil Aeronautics, Communication Arts, Commission on Appointments, Cash Advance at iba pa. Ang OA naman para sa mga karaniwang tao ay nangangahulugan ng Over Acting ngunit Osteo- Arthritis naman sa medisina. Ang abduction, sa medisina pa rin, ay ang galaw ng kamay o paa papalayo sa gitnang bahagi ng katawan o tinatawag na midland. Samantalang sa Batas, ang abduction ay ang sapilitan at paggamit ng pwersa sa pagsasama ng isang indibidwal. Kilalang-kilala natin ang salitang bareta. Ngunit tumutukoy pala ito sa iba't ibang kahulugan ayon sa gamit nito. Maaaring tumutukoy ito sa isang mahaba at matulis na kagamitang panghukay sa lupa na ginagamit sa konstruksyon ng bahay o gusali. Ito naman ang tawag sa isang mahabang piraso ng sabon para sa mga labandera.