Marahil wala pa kayong nakita o natikmang bigas na itim at tiyak naitatanong mo ang: "Mayroon ba nito?" Isang kwento ito ng mga mayayamang matanda na nanirahan noon sa pulo ng Mindoro sa bayan ng Naujan, matagal nang panahon ang lumipas. Ayon sa kwento, ang mga negosyong galing sa Mexico ay dumaraan sa bayang ito sakay ng mga malalaking barko na tinatawag nilang Galleon. Sa paglalayag ng isa sa mga Galleong ito ay dinatnan niya ang isang malakas na bagyo sa gitna ng dagat. Ang buong Galleon, mga taong sakay nito at ang mga paninda kasama ng mga bigas ay nilibing lahat sa pusod ng dagat at walang nakaligtas. Ang malagim na pangyayaring ito ay agad namang nalimutan ng mga tao sa bayang ito. Minsan, dumating ang taggutom sa kanilang bayan. Sinira ng mga balang ang lahat ng kanilang pananim pati na ang bigas na tangi nilang pagkaing nagbibigay lakas at sigla sa kanilang paggawa ay nawala rin. Jaimtim na nanalangin ang mga tao habang nililibot ang kanilang patron sa buong bayan ng Naujan na walang sapin sa paa. Umiiyak silang humihingi ng awa at tulong sa Diyos na makapangyarihan. Kinabukasan, maaga silang ginising ng malakas na ulan at daluyong ng hangin. Napansin nilang nag-iba ang kulay ng dagat. Umitim ang tubig sa dagat kahit ang dating putting Kulay ng dalampasigan ay naging maitim na maitim.Nang tumila ang ulan, tinungo ng mga tao ang dalampasigan. Wala ang mga buhangin at napalitan ng mga tila butil-butil na bigas. Kumuha sila ng mga bilao at nilinis ang mga butil ng bigas na nahalo sa lupa. "Bigas na itim! May pagkain na tayo!" ang sabay- sabay nilang sambit. "Pinakinggan ng Panginoon ang ating dalangin." Hindi ipinagkait ng Diyos ang kanyang awa at tulong sa tulad nilang matibay na nanalig. Subukan ninyong magtanong sa mga taong nakatikim na ng bigas na itim. Sasabihin nilang mas masarap pa ito sa bigas na isinasaing natin ngayon. Kung makakarating kayo sa Mindoro, hanapin ninyo ang bayang nabanggit at hanggang ngayon may itim na bigas pa silang naaari.