Tunay ngang makapangyarihan ang ating mga kasangkapang panulat, ngunit magiging mas malakas ang puwersa nito kapag ginamit nating tinta ang ating malawak at malikhaing kaisipan. Natutuhan ko sa aking pagsulat ng mga akdang nakapaloob sa e-portfolio na ito na hindi madaling bumuo ng isang konsepto sa isang panulaan o kabuuang banghay ng kuwento kapag hindi nilapatan ng wasto at sapat na pagpaplano. Hindi rin sapat ang mga ihahandang kasangkapan kapag walang mga layunin. Ang mga katagang ito ang siyang nagtutulak upang makabuo muli ng mga katanungan sa ating isipan. Bakit nga ba tayo nagsusulat? Ano ang pinakamabigat na dahilan kung bakit natin binabaybay ang ating damdamin at imahinasyon tungo sa isang papel? Sa mga tanong na ito ay mahirap mang sagutin, ngunit masasabing sa pamamagitan ng pagsusulat ay may kalayaan ang mga tao na maipahayag ang kanyang nararamdaman sa mga bagay-bagay, ang kanyang saloobin hinggil sa mga nangyayari sa paligid, at ang retratong nabuo ng malikot niyang pag-iisip. Dito sa gawaing ito, nasulyapan ko ang sinag ng pagkakataon na maipalawig sa iba ang mga salitang palaging sumisigaw sa aking utak. Sa koleksyong ito ay lalong mas napahalagahan ko ang aking sarili at ang aking pananaw sapagkat ito ay balido at batay lamang sa kung paano ko naintindihan ang likas na galaw ng mga tao at ng mga bagay-bagay na pumapalibot sa akin.
Laking tulong din na nalinang ito ni Prop. Rachel Payapaya sapagkat noon ay kahiligan ko na talaga ang pagsusulat ng mga kuwento at mga tula. Nais ko na sanang isarado ang mga gawaing ito sa libro ng aking buhay, ngunit natamnan ng inspirasyon at motibasyon na siyang aking ginamit upang maitaguyod ko ito. Sa ngayon, buo na ang aking loob na tahakin ang mundong nababalutan ng mga bituin at nagsisigawang mga kulay. Sapagkat, dito ay lalong mas nakikila ko ang aking sarili at nabibigyang-pansin ang aking naramdamang kasiyahan man, kirot, o pag-aalinlangan. Kaya, masasabi ko na isang kayamanan ang pagkakaroon ng pagkakataong makapagsulat ng isang akda sa kadahilanang hindi lamang kalayaan ang bigay nito, kundi ang buong pagpapahalaga sa ating buhay.
MGA PUNA/KOMENTONG NATANGGAP NG MAY-AKDA:
Sa pagbabasa ko ng puna o komento sa aking nabuong mga akda ay nagbibigay-daan sa akin upang ipagpatuloy ito at maging maingat sa paghuhulma sa kanilang kabuuang istruktura. Lubos akong nagpapasalamat sa kanilang komento at nakasisiguro akong nagustuhan nila ang aking mga kuwento at mga tula. Sa ibabang bahagi nito ay makikita ang link ng Jamboard na kung saan inilagay ko ang puna o komento ng isang mag-aaral mula sa Batsilyer ng Edukasyon sa Filipino - III.
Kung nais niyo ring magbigay ng komento/puna hinggil sa aking mga gawa, i-click lamang ang link sa ibaba. Maraming salamat po!