Sa isang nayon na tinatawag na Riyano, may isang asong kulay tsokolate at makapal ang balahibo. Ang ngalan niya ay Brutos na kung saan ay hango sa mga pangalan ng kaniyang yumaong ama at ina na sina Bruno at Tosya. Paborito nitong maglaro sa may hardin ng mga bulaklak. Pawang hinuhuli at pinaglalaruan niya ang mga lumilipad na mga paruparo, tutubi, at iba pang lumilipad na mga insekto roon. Masayahin din si Brutos kahit pa man siya lamang mag-isa sa kaniyang bahay.
Isang araw, may dumalaw na pusa sa kaniyang lugar. Mabagal itong naglakad dahil baka siya ay awayin at kainin ng aso. Natunugan naman ni Brutos na may panauhin sa kanyang lugar, kaya lumabas siya at dali-dali namang tumakbo palayo ang pusa. Nagtataka ang aso sa naging reaksyon ng pusa sapagkat nais lamang nitong kilalanin at kaibiganin. Maya-maya, may lumapit na maya sa kaniya. Sila ay nagkukuwentuhan at nagtatawanan hanggang sa inabutan na ng gabi ang dalawa. Umuwi na ang ibong bumisita sa kaniya, at nagsimula na ring maghanda at mag-ayos si Brutos para sa kaniyang makakain sa gabing iyon.
Kinabukasan, nagising bigla ang aso sa nakabibinging ingay mula sa labas ng kaniyang bahay. Agad naman itong pinuntahan ni Brutos, at natanaw niyang may nag-aaway na dalawang pusa malapit sa kaniyang bakuran. Kawawa ang magiging kapalaran ng isang pusa sapagkat pinagtatadyakan ito ng isang mas malaking pusa. Lumaki naman ang mga mata ng aso nang makita niyang ang pusang iyon ay yoong dumaan sa kaniyang bahay kahapon. Hindi na nagdadalawang-isip pa si Brutos. Nilapitan niya ang mga ito at pinagtatahulan ang malaking pusa. Natakot naman ito at matuling umalis palayo sa kinalalagyan nila.
Nakakaawa ang kalagayan ng isang pusa sapagkat may mga maliliit itong sugat sa kanyang katawan. Nagpasalamat naman sa kaniya ang pusa at nagtanong kung bakit niya ginawa iyon. Ang tanging tugon na naibigay ng aso sa kaniya ay hindi siya pumapanig sa kasamaan. Nais ding makipagkaibigan ni Brutos sa kaniya, kaya siya nito tinulungan. Natutuwa naman ang pusa sa mga narinig niya mula sa aso. Kaya, naging magkaibigan sila.
Palagi na itong dumadayo sa tahanan ng aso, kabilang na rin ang mga bagong kaibigan nito. Masaya silang nagkukuwentuhan at nagsalu-salo. Hanggang sa dumilim na at nagsiuwian ang lahat. Napupuno ng saya ang mukha ni Brutos sapagkat marami na siyang mga kaibigan at tunay itong nagbibigay sa kaniya ng pagpapahalaga sa buhay.
Subalit, dumating ang araw na naghahanda ng makakain pang-umagahan ang aso ay may isang malaking asong pumasok sa kaniyang bahay. Nag-away ang mga ito, ngunit sa kasamaang palad ay natalo si Brutos. Ang malaking aso ay agad kinuha ang mga pagkain at umalis. Narinig ng mga kaibigan ng aso ang ingay mula sa bahay nito, kaya agad nilang pinuntahan. Ngunit, huli na nang madatnan nilang nakahandusay si Brutos sa sahig at wala na ring lamang pagkain ang kaniyang mga plato.
Tinulungan ng magkakaibigan ang aso at ginamot ito. Nag-usap-usap sila at nagplanong maghigante kung babalik muli ang malaking aso sa tahanan ng kanilang kaibigan. Nanatili muna ang mga kaibigan ni Brutos sa kaniyang bahay at sinamahan sa pagtulog.
Kinaumagahan, pumasok ulit ang malaking aso sa bahay ni Brutos. Subalit, hindi na niya masasaktan pa ang asong sugatan sapagkat marami itong magtatanggol sa kaniya. Pinagtutulungan ng mga kaibigang ibon, pusa, palaka, at iba pa ang malaking aso, Hanggang sa ito ay nagtamo ng maraming sugat, at lumayo kaagad sa lugar. Masaya ang lahat sa nangyaring pagkatalo ng masamang aso. Nagpasalamat naman si Brutos sa binigay na tulong ng kaniyang mga kaibigan.
“Iyan ang diwa ng pagiging kaibigan. Dapat tayo ay magtutulungan”
“Walang iwanan.”
Tugon ng mga kaibigan ng aso tungo sa kaniya, at siya naman ay natutuwa. Kaya mula noon, naging masaya at mapayapa ang kanilang lugar hindi lamang sa pakikipagtulungan ng bawat isa, kundi sa pagiging mabuti at palakaibigan sa iba.