Pagdating mo'y hindi inaasam,
mga gabing lagi kang nangingialam.
Isipan ko'y nagsilbi mong tirahan,
binuksan ang mundong napupuno ng kababalaghan.
Ika'y lintang 'di ko mapapawi,
retratong binuo mong masisidhi.
Misteryo't kariktan mo'y nakalulunod,
ibig kong 'di wakasan ang aking pagkatulog.
Dinadala mo ako sa'yong paraiso,
-tanaw ang kasaganahang ninais kong matamo.
May mga pagkakataon ding nakasisindak.
Mga tagpuang ayaw ko sanang isautak.
Kahit na ika'y likha lamang ng aking imahinasyon,
aasa pa ring mangyayari ito sa anumang pagkakataon.
Salamat, munting mundo kong binuo.
Magbalik ka sana't samahan mo muli ako.