Ang parabulang ito ay hango sa Bibliya na matatagpuan sa aklat ng Kawikaan kabanata 19 talata 21 (Proverbs 19:21)
Sa isang malaking pabrika ng kandila, isinilang ang bagong kasapi ng mga kandila. Kanila itong pinangalanang Wanag. Sobrang kasiyahan ang nadarama nito nang makita niya ang kaniyang mga magulang. Kinuwentuhan siya tungkol sa kasaysayan ng paglikha nila, ngunit ang nadaramang kaligayahan ni Wanag ay biglang naglaho nang malaman niyang ang tungkulin lang pala nila ay sisindihan ng apoy. Kapag may apoy na ang mga mitsa sa kanilang ulo ay tuluyang magpapatunaw sa kanilang sarili.
“Bakit ganito ang trabaho natin, inay? Hindi ba pwedeng gawing palamuti na lang tayo sa bawat tahanan? O ‘di kaya ay isang laruan para sa mga bata?” wika ni Wanag
“Anak, ito ang ating kapalaran at plano ito ng ating Panginoon upang makapagbigay tayo ng liwanag sa iba," tugon ng kaniyang ina.
Hindi pa rin matanggap ni Wanag na ganito ang plano sa kanila ng Panginoon, kaya ang ginawa niya ay umalis palayo sa kanila. Pumunta siya sa tindahan ng mga laruan, at doon ay maayos naman ang sinapit niya. Naging mabait sa kaniya ang mga naggagandahan at mamahaling mga laruang pambata. Mayroong mga laruang kotse, mga manika, bola, bahay-bahayan, at iba pa.
Kinabukasan, bumalik si Wanag sa pabrika ng mga kandila. Ikinuwento niya sa kaniyang mga magulang ang naging karanasan niya roon sa tindahan ng mga laruan. Imbis na malungkot ang mga magulang nito ay ngumiti lamang sila. Niyakap na lamang siya ng mga ito at mayroong ibinulong kay Wanag.
“Natutuwa kaming marinig iyan, anak. Mabuti naman at nasiyahan ka sa iyong pasya," bulong ng kaniyang ama.
“Ngunit anak, sana’y maaalala mo pa ang aking mga winika sa iyo. Sapagkat wala nang mas hihigit pa sa mga plano ng Panginoon para sa atin," sabi ng kaniyang ina.
Hindi naman iyon isinautak ni Wanag na para bang hindi niya narinig iyon. Umalis muli siya sa pabrika ng mga kandila at nagpaalam. Sa kaniyang pagbabalik sa tindahan ng mga laruan, malaki ang kaniyang tiwala na siya ay magtatagumpay at magamit sa ibang paraan. Subalit, maraming linggo na ang nagdaan ay hindi pa rin siya pinipili at binibili ng mga mamimili sa tindahan. May namumuo nang lungkot sa kaniyang mukha sapagkat hindi na rin siya pinapansin ng kaniyang mga kasama.
Maya-maya lamang ay kinuha siya ng isang mamimili sa lagayan ng mga laruan, ngunit ibinalik agad. Narinig niya itong hindi siya bibilhin sapagkat hindi naman siya laruan at madali lamang itong mababali. Dito ay bumuhos na ang kaniyang damdamin sa kaniyang sinapit. Kaya, nagplano itong umuwi pabalik sa kaniyang pinanggalingang pagawaan ng mga kandila. Subalit, sa kaniyang pagbabalik ay nabalitaan niyang wala na roon ang kaniyang mga magulang sapagkat binili na sila. Sa isipan ng nakararami ay marahil natunaw na ang mga iyon.
Bumagsak ang buong mundo ni Wanag dahil sa nangyaring kapalaran niya. Iyak ito nang iyak hanggang sa makatulog. Maya-maya ay dinalaw siya ng kaluluwa ng kaniyang mga magulang. Lubos ang tuwa ni Wanag nang makita niya itong muli, at humingi ng kapatawaran sa kaniyang ginawa.
“Huwag kang humingi ng tawad sa amin, anak. Ngayon na alam mo na kung ano ang nararapat, sana’y panigan mo na ito," sabi ng kaniyang ina.
“Marami man tayong mga plano para sa ating sarili na gusto nating gawin, ang plano pa rin ng Panginoon ang siyang mananaig," wika ng kaniyang ama.
Natauhan naman si Wanag sa pagpapaalala nito ng kaniyang mga magulang. Natutuhan niyang siya ay isang kandila at binigyan siya ng tungkulin na makapagbigay ng liwanag hindi lamang sa sarili, kundi pati na rin sa iba.
Kaya, siya ay pumila na sa mga kasama niyang kandila at doon niya naramdaman ang tunay na kaligayahan at kaliwanagan. Para sa kaniya, ito ang layunin ng buhay na kung saan ay hindi lamang tayo ang makikinabang, kundi ipalawig na ang ating buhay ay nararapat na maging makahulugan.
“Maraming salamat po, inay, itay." Tugon ni Wanag at sabay bangon bilang hudyat na siya ay handa na upang tahakin ang plano para sa kaniya ng Panginoon.