Ikalawang Bahagi ng Trilohiyang Tula (Mga Kagamitan sa Mesa, Saksi ng aking Pagdurusa)
Buti ka pa nga bolpen masaya siya pag maganda ka.
Nasasabik siyang gamitin ka pag bagong bili ka.
Tila ba'y kinukulayan mo ang kaniyang malungkot na sansinukuban,
Sa lugar na kung saan pawang hindi ako makabuluhan.
Oo, tunay na ginagamit ako para may masulatan siya.
Sinusulat niya sa'kin ang pangalan ng taong gusto niya.
Ngunit 'pag naiirita siya'y tuluyan akong pinupunit
Ginugusot, tinatapon pati wangis na kaniyang ginuhit.
Ako'y nalulumbay sa tuwing may tubig ang kaniyang mga mata,
Alam kong isusulat niya ang kaniyang mga narinig at nakita.
Ako'y nalulungkot 'pag tuluyan na akong itatapon,
Ihahagis sa basurahan kasama ang mga ala-ala namin noon.
Gusto ko rin sanang sumigaw at umiyak katulad ng sa'yo
Ngunit napagtanto ko na masasayang din ito.
May karapatan pa ba ako para tumanggi?
Wala, kasi isa lang naman akong papel na kaniyang binili.