Ikatlong bahagi ng Trilohiyang Tula (Mga Elemento ng Kalikasan, Naglalarawan sa'king Tauhan)
Sa kalangita'y dilaw ang aking kulay,
sumisimbolo sa kasiyaha't pusong dalisay.
Sa maaabot ng aking malawakang sinag,
bigay nito'y init at ilaw na siyang bumabanaag.
Pagkatapos ng madilim at panatag na gabi,
kinabukasa'y mangungumusta ang aking sarili.
Hoy! Kumusta kayo, mga kaibigan?
Matagal-tagal ding naibalik ang naputol nating usapan.
Nais ko sanang tingnan ang 'yong sitwasyon,
nang sa gayo'y matulungan kita sa anumang pagkakataon.
Kita mo sa'king wangis kung gaano ako kasaya,
'pagkat tayo muli'y magkakaharap sa isa't isa.
Kita rin sa'king wangis ang purong kagalakan,
ngunit kasalungat pala nito ang 'yong nararamdaman.
Pawang tayo'y nakaharap sa magkabilaang salamin.
Ako'y masaya; ika'y namamanglaw sa kahit anong tingin.
Layunin kong buhayin ang 'yong patay na kaloob-looban,
ngunit pinipilit mo naman itong iwasan.
Init na aking dala'y parang walang epekto
sa 'yong tumitigas at kumukulubot na puso.
Sa'king pag-iisip ay nauunawaan ko na,
tayo'y pinagtagpong magkasalungat ang mga tadhana.
Kaibigan, ako'y nasa iyong harapan na.
Tanggapin mo sana itong init at lunas na aking dala.
Ikaw ma'y nadarapa—nawalan ng pag-asa,
ngunit tatandaan mo sanang bahagi 'to ng ating istorya.
Kinuha man ng unos ang ating mga kurbadong labi,
ngunit 'di riyan nagtatapos ang iba pang pagkakataong masisidhi.
Minsan nang inalis ng panahon ang ating ningning,
ngunit mas masakit kung ika'y kumawala sa'ming piling.
Kinakain man ng dilim ang 'yong puso,
ngunit alam kong malulupig mo rin ito.
Kahit na ako'y dilaw at 'sang masayahing araw,
dumaraan pa rin ako sa mga yugtong mapanglaw.
Minsan ma'y wala ako sa mga panahong makulimlim,
ngunit hahanap ng paraan upang init at kagalakan sa inyo'y maitatanim.
Paumanhin kong ito lamang ang maibibigay ko,
ngunit aasa pa ring babalik ang kulay ng 'yong mundo.
Hanggang sa muli, aking kaibigan.
Manalig ka't kasiyahan ay iyo ring makakamtan.