Sa bayan kong tinubuan,
nababalutan ng mga gawaing 'di makatarungan.
Kahit saan ka man luminga-linga,
tanaw na tanaw ang estadong maralita.
Kahirapan dito, kawalan ng katarungan doon,
milyun-milyong mga taong biktima ng korapsyon.
Ating mga karapatang pantao'y naaapakan,
napabayaan kahit na ng mga nasa pamahalaan.
Kailan kaya natin makakamit ang tunay na kasarinlan?
Sino ba ang dapat mananagot nitong iniindang kahirapan?
Tanging maitutugon ay tayong mga nasasakupan,
na halos magkuba sa bigat na palaging pasan.
Mga midyang nagtataingang-kawali,
katotohanan sa pangangasiwa'y kanilang kinukubli!
Pinapalabas lamang sa taumbayan ang kabutihan,
ngunit nakatago sa lilim ang lahat ng kalapastanganan.
Lahat ng ito ba'y pakitang-gilas?
o ayaw lamang isiwalat ang halik ni Hudas?
Malabong makamit ng sambayanan ang bansang hinog,
kung ang galaw ng mga namamahala'y hipong tulog.
Patuloy na lang ba tayong magdirildil ng asin?
Papanig pa rin ba sa mga taong naglulubid ng buhangin?
Masasayang ang lahat ng ipinaglaban sa kalayaan,
kung karamihan pa rin sa ati'y pumapanig sa katangahan.
Subalit, sa panahon ngayo'y dilat na ang mga mata
bukas na ang damdaming noo'y natutulog pa.
Mangyayari na kaya ang hangarin ni Rizal?
Aahon na kaya ang bansa mula sa pagiging masukal?
Masukal sa katotohanang magiging pugad ng kasamaan;
masukal sa paraang 'di na matatanaw ang pinagmulan.
Walang perpektong gobyerno't kilusan
subalit matatamo ang kalayaan kung tayo'y magtutulungan.
Tayo ay hinihintay na ng ating tinubuang lupa,
pangatawanan na ang ating huling baraha.
Walang maidudulot kung tayo'y mananatili sa'ting pagkaupo
Tumindig na't umanib sa tama at totoo.