Tahimik na nakaupo si Marie malapit sa kanilang durungawan. Tinatanaw nito ang mga kaibigan niyang kasa-kasama ang kanilang mga pamilya. Naiinggit siya sa kanila dahil magpapasko silang kompleto at masaya. Isang tulog na lang at pasko na, ngunit nakapinta pa rin sa mukha ni Marie ang lungkot na kaniyang nadarama. Nais niyang makasamang muli ang kaniyang mga kapatid, lalo na't matagal na panahon nang hindi sila nagkikita. Palagi niyang tinatanong kung uuwi ba ang kaniyang kapatid sa kaniyang kaarawan, o 'di kaya ay sa araw ng pasko. Subalit, ang laging tugon na kaniyang matatanggap ay hindi nila ito alam kung uuwi pa.
Malapit nang magtanghalian kaya naghanda na ng mga kagamitang pangkain si Marie. Inutusan din siya ng kaniyang ina na magtimpla ng dyus na malamig nang sa gayon ay may maiinom silang matamis sa kainan. Habang nasa kainan, tanong nang tanong pa rin siya kung uuwi ba mamaya ang kaniyang mga kapatid, ngunit sa kasamaang palad ay hindi raw dahil walang perang pamasahe. Nalulumbay na naman ang mga mata ni Marie dahil akala niyang uuwi na ang mga ito sa kanilang tahanan.
Nang matapos na silang kumain ay nagpahinga saglit si Marie. Kitang-kita sa kaniyang wangis ang lalim ng kaniyang iniisip. Hindi pa tuluyang nawawala ang apoy sa kaniyang kandila ng pag-asa. Dulot ng maraming kaganapan sa mga oras na iyon, napagod siya at nakatulog.
Maya-maya, bigla siyang nagising dahil sa ingay na dala ng mga nagpaputok sa labas. Lumaki rin ang kaniyang mata nang makita niyang maraming magamit ang nakahilata sa kanilang sala. Maraming mga maleta, kahon, pagkain, at iba pa. Wala siyang ibang iniisip kundi ang muling pagbabalik ng kaniyang mga kapatid galing Maynila. Bumangon siya at hinanap ang mga ito. Doon, nagsimulang mamuo ang kagalakan sa mga mata ni Marie nang matanaw niya ang kaniyang mga kapatid. Niyakap siya ng mga ito, at nagsiiyakan. Hindi makapaniwala si Marie na mangyayari iyon sapagkat hindi sila nagpadala ng mensahe na uuwi sila. Isa itong malaking sorpresa para sa kanila.
Sa hapag-kainan, masaya silang nagsalu-salo. Napupuno ang kanilang lamesa ng mga pagkaing pangnoche-buena. Labis na natutuwa si Marie sapagkat natupad na ang kaniyang kahilingan na magkakasama silang pamilya sa pasko. Busog na ang lahat nang mapagpasiyahan nilang makisali sa kantahan. Nababalutan na ng ingay ang kanilang buong bahay at pumapalibot dito ang diwa ng kasiyahan.
Nang makaramdam si Marie ng antok ay umidlip na muna ito saglit. Subalit, sa kaniyang pagising ay pawang nawala lahat ng mga ingay sa kanilang bahay. Tanging kaniyang maririnig ay ang ingay mula sa mga paputok sa labas. Dito, nagsimulang umiyak si Marie sapagkat napagtanto niyang panaginip lang ang lahat ng iyon. Iyon ay produkto lamang ng labis na paghahangad na magkakasamang muli ang pamilya sa araw ng pasko.
Dali-daling lumapit si Marie sa kaniyang ina at niyakap ito nang mahigpit. Hindi nito mapigilan ang pag-iyak sa labis na pagkabigong kaniyang nadarama. Sinabihan siya ng kaniyang ina at ama na tumahan na sa pag-iyak sapagkat nalulungkot din ang kaniyang mga kapatid sa malayo. Hiling din nila na magkakasama ang pamilya sa pasko, ngunit hindi lang talaga nabigyan ng tadhana ng pagkakataon. Dagdag pa ng kaniyang ina na ang araw na ito ay hindi araw ng iyakan, sa halip ay araw ng kasiyahan at pasasalamat dahil sa lahat ng mga nangyayari ay nanatiling matayog ang kanilang mga sarili.
WAKAS