Ikalawang bahagi ng Trilohiyang Tula (Mga Elemento ng Kalikasan, Naglalarawan sa'king Tauhan)
Sa bawat patak ko sa inyong kalupaan,
dinig ko ang iba't ibang klase ng hiyawan.
Mayroong hiyawang dulot ng kagalakan,
ngunit mayroon ding sigaw mula sa sugatan.
Isang munting buhay na tigib ng hinagpis
na kung titingna'y dumaan sa maraming paglilitis
Tahimik na nahiga sa lilim ng sakuna,
ngunit nakabibingi ang kanyang hinanakit na nadarama.
Ayoko sanang ibuhos ang sarili ko sa'yo,
ngunit tadhana na mismo ang nagsusumamo.
Kaibigan! Sana'y sa aking pagpatak,
mabubuhay muli ang 'yong galak
Subalit, sa pagtulo'y kupas ang awra.
Matamlay ang sarili't mukhang 'di na maisasalba pa.
Pasensya na, aking munting kaibigan.
Akala ko na sa'king pagbisita, pagkauhaw mo'y mapupunan.
Akala ko'y magdadala ako sa inyo ng tunay na ligaya,
ngunit sanhi rin pala 'to ng mga tubig sa'yong mga mata.
Alam kong nakalulumbay ang 'yong sinapit,
ngunit 'wag sanang ipalawig ang iyong panglaw at galit.
Kasalukuyan ka mang nakahiga dulot ng sakuna,
aasa pa ring magbabalik ang 'yong masiglang pag-asa.
Narito ako ngayon bilang 'yong kaibigang tatabi,
magbibigay ng tubig sa'yong tuyong sarili.
Sana'y mahugasan nito ang 'yong sakit,
na alam kong habambuhay sa'yo mamimilipit.
Subalit, bibisita pa rin ang 'sang tulad ko.
Andito lamang na laging maghihintay sa tawag mo.
Sana'y wala nang mamumuong maaalat na tubig sa'yong mata,
upang pag-ibig ko't kapanataga'y iyong matatamasa.