Ang ating isipan ay parang isang bituin sa kalangitan—may kahiwagaang taglay at nagniningning kapag ito ay ating tinitingala at pinapahalagahan. Sa ating bayang napupuno ng mga yamang literatura, ito marahil ang nag-uudyok sa mga Pilipino, lalong-lalo na ang mga kabataan ngayon, na magsulat at magbasa ng mga panitikan. Sa pagsusulat ng akda, ginagawa ito upang maibaybay ng mga may-akda ang kanyang saloobin at maipahayag sa ibang tao ang kanyang bumubugsong damdamin. Subalit, sa lahat ng mga dahilang ito kung bakit nagsusulat ang mga tao, partikular na ang mga Pilipino, ng mga akdang inukit mula sa banga ng pagkamalikhaing pag-iisip. Kahit pa man ang iilan o karamihan sa mga ito ay bunga ng malikot nating utak, hindi pa rin maiwawaglit ang isang katanungan kung bakit nga ba natin sinusulat kung ano ang nasa ating isipan? Bakit natin pinapalamanan ito ng mga ideya o konseptong na sa tingin natin ay siyang magbibigay-buhay sa ating iniisip? Ang tanging maisasagot ay binibigyan tayo nito ng kalayaan na magiging puro at bukas sa pagpapahayag ng ating damdamin at sa kung ano ang mga bagay na palaging bumabagabag sa ating isipan. Dahil dito, masasabing hindi lamang tayo mayaman sa talasalitaan, kundi pati na rin sa mga damdaming nagsisilbing palaman at imaheng hinulma ng ating isipan.
Ang e-portfolio na ito ay isang koleksyon ng mga akdang bunga ng malikot at malikhaing imahinasyon ng may-akda. Karamihan sa mga ito ay pumapaksa sa kanyang mga saloobin hinggil sa isyung panlipunan na nanatili pa ring kumakaway sa taumbayan. Laman din nito ang pagbibigay-buhay sa mga bagay na nakikita lamang sa tiyak na kinalalagyan man o kahit saang bahagi ng sulok ng espasyo. Mababasa rin dito ang pag-uugali ng may-akda batay sa kung paano niya binubungkal ang kaibuturang diwa ng bawat gawa. Aasahan na hindi lamang tayo nito bibigyan ng aral na maaari nating magamit sa ating buhay, kundi sasamahan din tayo nito sa isang mundong tigib ng kulay, masasalimuot na mga tagpo, at kasayahang lantay.
Nawa'y inyong maibigan ang aking mga akda at mag-iiwan sa inyo ito ng mga bakas ng kaalaman. Sama-sama nating pahalagahan ang tamis ng panitikang tatak-Pilipino, at sisirin ang nabuong malawak at mala-abenturang mundo.