Ikatlong Bahagi ng Trilohiyang Tula (Mga Kagamitan sa Mesa, Saksi ng aking Pagdurusa)
Hoy! Aba! Paano naman ang 'sang katulad ko?
Inaasa sa'king burahin ko mga alaala n'yo.
Kinukuskos sa bandang may mga mali,
narurumihan sa pabayang 'di maikukubli.
Nilalagay saan-saan sa mesa't upuan,
Sumisigaw sa kahahanap, nando'n lang pala sa higaan.
'Pag nagagalit, binabali ang katawan ko.
'Pag nagkamali, sinisisi't binabanta ako.
Saksi rin ako sa mga anumang ginuguhit mo,
Gagamitin lang pambura sa nangyari sa inyo.
Oo! Nagagalit ako sa tuwing ika'y burara!
Mga maling alam mong ikaw naman ang may gawa!
Paano na ako? Siya? Kaming tatlo?
Aasa pa bang makatanggap ng kabuluhan sa'yo?
Tunay ngang mga sangkap lang kaming makikita sa mesa,
na itatapon kapag ubos na't wala nang halaga.
Ito'y itatapos ko na 'pagkat wala itong patutunguhan.
Tanaw mo lagi sa ami'y puwede lang palitan.
Siguro'y ito nga ang kapalaran naming tatlo,
sapagkat kami'y mga bagay lang na nabili mo sa kanto.