Isa kang bituing kumikislap sa itaas,
kaakit-akit ngunit 'kay layo mong abutin.
Paghahanga ko ma'y walang katumbas,
'di titigil hanggang sa ika'y mapapasa'kin.
Nakaw tingin dito, nakaw tingin doon.
'Di maitatangging puso ko'y naging isang mamon.
Dinig ko rin ang nakabibinging ingay sa'king puso,
sigaw nang sigaw nito ang buong ngalan mo.
Hoy! Ikaw! Wala ka ba talagang nararamdaman?
Bulag ka ba sa mga nagningningang mata sa'yong harapan?
Mga namumulang pisngi't kurbadong labi,
pagtingin ko sayo'y pawang nanggagalaiti.
Sa gabi'y gising ang buong diwa ko,
laging bumabagabag mga ngiti't boses mo.
Oh, tadhana! Iparamdam mo ang nagbabaga sa'king dibdib,
kahit na sa malayo, sinasamo kong ito'y iyong tanggapin.
Magkatulad man ang ating kasarian,
batid mo man ang bahaghari sa'king kaloob-looban,
Ngunit, hindi ito balakid upang ika'y mahalin
'pagkat kasinlinaw ng kristal ang aking mga tunguhin.
Mga naglipasang araw, tumambad ang pagbabago.
Namumutla ang makulay kong pag-asa sa'yo.
Naghihintay ng mga mensaheng nagpapagana,
sa munting puso kong nais ay ibigin ka.
Sa pagbisita ng maraming buwa't araw,
Aral sa'king mga galaw ay biglang lumitaw.
Oo! Sayo'y naging mapula ang aking pagtingin,
ngunit natamo ko'y walang buhay na hangin.
Mga matitingkad kong pag-asa'y naglalaho,
hindi maipinta ang nangyaring pagkabigo.
Ngayon, mga tao'y habol ka dahil sa ika'y ginto,
Malas sapagkat ako'y gawa lamang sa isang tanso.