Unang Bahagi ng Trilohiyang Tula (Mga Kagamitan sa Mesa, Saksi ng aking Pagdurusa)
Lagi mo 'kong ginagamit sa paaralan o kahit sa'n pa man.
'Di ka nga makakasulat kung wala kang bolpen na hinahawakan.
Masarap sa pakiramdam na ligtas ako sa 'yong munting kamay,
Pero mali pala ang lahat ng aking isinalaysay.
Minsan nilalagay mo lang ako saan-saan,
Minsan nga ako'y tuluyan mo nang kinalimutan.
Sobrang lungkot ko nung pinabayaan mo lang akong nakahandusay,
Pero wala nang sasakit pa nung binitawan ako ng 'yong kamay.
Gusto ko sanang umiyak at magalit sa'yo,
Subalit napagtanto kong bolpen lang pala ako.
Masakit isipin na kapag ubos na tinta ko,
Tuluyan mo na rin akong itatapon sa basurahan niyo.
May halaga ba ako sa'yo?
Natatakot ka bang mawala ako?
Kasi kung hindi, itatapos ko na 'to.
Isang munting bolpen lang naman akong binili mo sa kanto.