Noong unang panahon, may isang pamilyang nakatira sa baryo ng Soriano. Ang pangalan ng mag-asawa ay sina Linda at Juanito. Mayroon silang isang anak, at ang ngalan niya ay Sassa. Masayang naninirahan ang pamilya nila sa maliit na kubo, at tanaw na tanaw sa kanilang mga wangis ang pagiging kontento nila sa buhay. May hanapbuhay ang pamilyang ito, at iyon ay ang pagtitinda ng turon dahil maraming mga puno ng saging sa likod ng kanilang bahay. Sampung taon na si Sassa, at siya ay nag-aaral na sa paaralan ng kanilang bayan.
Sa kabila ng pagiging masaya nila sa kanilang pamumuhay, hindi maitatanggi na naaawa ang mga magulang ni Sassa sa kaniya sa kadahilanang pahirapan daw ito kung matuto sa klase. Sa oras ng talakayan nila sa silid-aralan ay wala masyadong nauunawaan si Sassa sa lahat ng mga itinuturo sa kanila ng guro. Marahil ay mahina lang talaga ang kakayahan ni Sassa sa pag-unawa na siyang magsisilbing suliranin ng pamilya. Tinuturuan naman ito ng kaniyang ina sa pagbabasa at pagsusulat, habang nagtatrabaho ang kaniyang ama para may makain silang tatlo.
Sa oras ng pagtuturo ng ina ni Sassa sa kaniya ay palagi itong pinapayuhan na makinig lamang nang maigi sa guro nang sa gayon ay tuloy-tuloy nitong matutuhan ang mga leksyon. Kasama na rin sa mga payo nito ay huwag mangopya sa kaklase sa oras ng pagsusulit sapagkat ito ay masama. Sinunod naman ni Sassa ang lahat ng mga habilin ng kaniyang ina. Subalit, dahil sa mura pa lamang ang edad nito ay minsan nalilimutan niya ang mga utos ng kaniyang ina. Minsan ay binabalewala lamang ito ni Sassa dahil sa gusto rin niyang maglaro-laro at magpakasaya bilang mga bata sa panahong iyon.
Dumating na ang araw ng pagsusulit, at hindi nakapag-aral si Sassa dahil puro laro lamang ang inaatupag nito. Sa tuwing tinuturuan siya ng kaniyang ina ay hindi nakikinig, bagkus pinaglaanan lamang ng oras ang laruang bigay ng kaniyang kaibigan. Sa oras ng pasulit, kinakabahan ito sapagkat hindi niya alam kung anu-ano ang isasagot niya rito. Ang ayos din ng kinalalagyan ng kanilang mga upuan ay tigdadalawang talampakan, kaya hindi kaagad makahingi ng sagot si Sassa sa kaniyang mga kaklase.
Tumutulo na ang mga pawis ni Sassa mula sa kaniyang noo dulot ng kaba na kaniyang nadarama. Subalit, hindi na siya makapagpigil pa dahil ayaw niyang malaman ng kaniyang mga magulang na mababa ang kaniyang iskor sa pagsusulit. Ang kaniyang ginawa ay humahanap siya ng tiyempo na hindi siya mapapansin ng kaniyang guro, at itinataas ang kaniyang ulo para matanaw ang papel ng kaniyang katabing kaklase. Paulit-ulit itong ginagawa ni Sassa, hanggang sa hindi niya namamalayan na humahaba na pala ang kaniyang leeg dulot ng pagtataas niya ng kaniyang ulo para mangopya ng mga sagot.
Natapos ang kanilang pagsusulit, at hindi pa rin alintana ni Sassa ang pagbabagong nangyayari sa kaniyang sarili. Uwian na at lumabas na sila sa kanilang silid-aralan. Tanaw niya sa malayo na naghihintay na ang kaniyang mga magulang upang sunduin siya. Ngunit, sa paglapit niya ay nagtataka ang ina at ama nito sa nangyari kay Sassa. Kumunot ang mga noo nila nang mapansing humaba ang leeg ng kanilang nag-iisang anak.
“Anak! Anong nangyari sa’yo? Bakit bigla kang tumangkad?” wika ng kaniyang ina na si Linda.
“Tumangkad po? Ha?”- sabi ni Sassa na may halong pagtataka sa mga salita ng kaniyang ina.
“Bakit parang humaba ang iyong leeg, anak? Tingnan mo ang iyong sarili sa salamin oh,” ani ng kaniyang ama sabay turo sa may salamin ng isang silid-aralan.
Nagulat na lamang si Sassa sa kaniyang mga nakita sapagkat naging mahaba ang leeg nito. Bigla na lamang itong umiyak baka parusa ito dahil hindi siya nakinig sa mga tagubilin ng kaniyang ina.
“Ina, p-patawad po kung sinuway ko ang iyong utos. Nangopya po ako sa katabi ko, a-at hindi ko namalayan na hu---mahaba na pala ang aking leeg habang tinataas ko ang aking ulo para makita ang kaniyang mga s--sagot,” wika ni Sassa habang humahagulgol sa harap ng kaniyang mga magulang.
“A--yaw ko pong magalit kayo sa’kin dahil sa mababa ang aking iskor sa pagsusulit. Patawad po,” dagdag ni Sassa.
Hindi niya alam kung ano ang kaniyang gagawin. Natatakot si Sassa na siya ay pagalitan ng kaniyang mga magulang sa nagawa nito. Ngunit, iba ang nangyari. Niyakap siya ng kaniyang ina at ama at nagsalita.
“Anak. Ayos lang sa amin kung mababa ang iyong makuhang iskor sa pasulit,” sabi ng kaniyang ama.
“Bata ka pa, anak ko. Alam kong matutuhan mo rin ang mga mahahalagang bagay. Hindi ka namin pagagalitan, bagkus pagsasabihan na hindi tama ang mangopya sa kaklase kung walang maisagot sa papel,” payo ng kaniyang ina.
Tumahan na sa pag-iyak si Sassa, at nauunawaan nito na mali ang kaniyang ginawa. Napag-alaman niya na mahalaga palang makinig sa mga sasabihin ng ating mga magulang. Maliwanag na para sa kaniya kung gaano rin kahalaga ang matuto sa wastong pamamaraan, at hindi sa pangongopya ng mga sagot sa katabing kaklase.
Napagtanto ni Sassa kung bakit humaba ang kaniyang leeg ay dulot ng hindi niya pagpanig sa kung ano ang tama. Isa ito sa mga bagay na kaniyang pinagsisihan at maituturing na pinakamahalagang leksyon na dadalhin niya hanggang sa kaniyang paglaki.
WAKAS