Ika-16 ng Disyembre, masayang umuwi si Koko sa kanilang bahay sapagkat magsisimula na ang bakasyon nila. Katatapos lang ng kanilang Christmas Party noong araw na iyon, kaya may dala siyang pagkain at regalo. Sa pagtuntong niya sa kaniyang kwarto ay agad niya itong binuksan. Sa kabutihang palad ay nasiyahan siya sa laman ng regalong kaniyang natanggap. Pinakita niya ito sa kaniyang mga magulang, at ganoon din ang kanilang naging reaksyon.
Malapit nang magtakipsilim, biglang nakarinig si Koko ng mga paputok sa labas ng kanilang bahay. Agad naman siyang lumabas, at kitang-kita ng kaniyang mga mata ang kaligayahan ng mga kaibigan niyang nagpapaputok ng mga piccolo. Lumingon-lingon muna siya sa kanilang bahay kung makikita ba siya ng kaniyang mga magulang, ngunit nasa kusina ang mga ito. Kaya, agad lumabas ng bahay si Koko. Sumali siya sa laro ng kaniyang mga kaibigan, at napupuno ng kagalakan ang kanilang mga mukha. Nang maubusan na sila ng paputok ay napagpasiyahan ni Koko na bumili ng isang kahon ng Piccolo.
Nang makabili na ay agad nila itong sinindihan. Unang nagpaputok si Koko, ngunit sa kasamaang palad ay hindi niya kaagad ito nabitawan. Kaya, nagkaroon ng maraming maliliit na sugat sa kaniyang kamay at nakaramdam ng saglit na pagkabingi. Umiiyak ito, at nang marinig ng kaniyang mga magulang ang hikbi ng kanilang anak ay agad nila itong nilapitan. Kitang-kita sa mukha ni Koko ang sakit na kaniyang iniinda dulot ng hindi inaasahang pangyayari. Agad namang dinala sa ospital si Koko kasama ang kaniyang pamilya.
Habang ginagamot ang mga sugat, pinayuhan siya ng doktor na huwag nang maglaro ng mga paputok sapagkat dala lang nito ay ang kapahakaman. Nanunuyo na ang mga luha ni Koko sa kaniyang mukha. Tanaw na tanaw ang lubos na pagsisisi. Ani pa niya, "sana'y ibinili ko na lang ng pagkain ang perang ginastos ko sa Piccolo. Doon ay mabubusog pa ako."
WAKAS