(Ang kuwento ng Paruparo at Alitaptap)
Sa isang malawak at maaliwalas na lugar, matatanaw ang mga naggagandahang mga bulaklak malapit sa isang malaking puno. Ang mga bulaklak na ito ay palaging dinadalaw ng mga insektong tinatawag na paruparo. Ang kanilang mga kulay ay kaakit-akit din na siyang nagbibigay ng tamang timpla upang magmukhang paraiso ang lugar. Mayroong dilaw, kahel, pula, at mayroon ding mga putting paruparo
Isang araw, may isang babaeng paruparo na may natatanging kulay at hugis ng pakpak. Ang ngalan niya ay Rupa, at ang mga pakpak nito ay kulay itim na mayroong mga naghahalong kulay ng pula at dilaw na mga tuldok. Masaya itong lumilipad sa ibabaw ng maraming mga bulaklak. Inaamoy-amoy niya rin ang mga ito, at tumuntong sandali upang makapagpahinga. Maya-maya ay may sangkawan ng mga paruparo ang lumipad palapit sa mga bulaklak. Lumapit ang mga ito sa kanya at pinagtatawanan siya.
“Bakit itim ang kulay ng iyong pakpak?” sabi ng isang kulay asul na paruparo.
“Baka nasunog ang kanyang pakpak HAHAHAH” wika naman isang kulay pula na paruparo habang hinahawakan ang pakpak ni Rupa.
“Paruparo ka ba talaga? HAHAHA”
Yumuko na lamang si Rupa sapagkat hindi niya nais na makipag-away sa kapwa niyang paruparo. Maya-maya ay biglang umulan, kaya dali-daling lumipad si Rupa para maghanap ng masisilungan sa ilalim ng puno. Sa kasamaang palad ay may nabunggo ito. Laking gulat nang makita ni Rupa ang nakabangga niya. Isang alitaptap na maliit ang pakpak at naghahanap din ng masisilungan. Nagalit naman ang paruparo sa kaniya dahil hindi ito umano tumingin-tingin sa paligid. Subalit, yumuko naman ang alitaptap sa kanya at humingi ng kapatawaran. Umalis naman ito kaagad nang hindi tumitingin sa mukha ni Rupa.
Nagtataka ang paruparo kung anong nangyari doon sa nakabangga niyang alitaptap. Ngunit, maya-maya ay may nadaanan siyang mga paruparo na kinukutya at tinatawanan siya. Hindi ito pinansin pa ng paruparo sapagkat nagsimula nang lumakas ang patak ng ulan. Hindi na ito bago para sa kaniya sapagkat palagi itong tinutuya ng kapwa paru-paro dahil sa kulay ng pakpak niya. Para sa kanila, malas daw ang mga paru-paro na may itim na pakpak. Kaya, hindi na masyadong dinidibdib pa ni Rupa ang mga panglalait nila sa kanya.
Maya-maya ay nakahanap na rin ng masisilungan ang lahat. Naghihintay silang tumigil ang ulan upang makapagpatuloy sa mga gawain.
Tumigil ang bugso ng ulan nang magdapit-hapon na. Marami-rami ang nalungkot sapagkat malaking oras ang nasayang nila dulot ng panahon. Hindi rin masyadong nakapagpahinga si Rupa dahil masyadong maingay ang paligid. Ilang minuto lang ang nakalilipas, may narinig siyang malakas na ingay malapit sa kaniyang sinisilungang tangkay na may maraming dahon. Lumipad si Rupa palabas upang tingnan kung sinu-sino ang gumagawa ng ingay. Laking gulat niya na kinukutya ng kapwa niyang paru-paro ang isang alitaptap. Ang alitaptap na iyon ay yoong nakabangga niya kanina sa paglipad. Nilapitan naman ito ni Rupa at nagsalita.
“Ano ba?!! Ba’t kayo ganyan? Tama ba iyang mga pinanggagawa ninyo?!”
“Iba man ang aking kulay at maliit man ang kaniyang pakpak, wala pa rin kayong karapatang laitin kami!”
Pagalit itong pinagsabihan ang mga paruparo na masama ang manlait, lalong-lalo na sa ibang hindi kakilala. Tumigil naman sa katatawa ang mga paruparo sapagkat kita na mismo sa mukha ni Rupa ang kanyang poot. Kaya, umalis na lamang ang mga ito at iniwan ang dalawa.
Nagpasalamat naman ang alitaptap sa ginawa ni Rupa, at nagpakilalang siya si Ali. Pinagsabihan ng paruparo ang alitaptap na huwag hayaang laitin siya ng mga paruparo o ng mga kalahi nito. Subalit, tinanong naman ng alitaptap kung ganyan din ang ginawa niya kapag nilalait siya. Hindi makapagsalita nang maayos si Rupa, bagkus nagkibit-balikat lamang. Ngunit, nagwika naman ito na napagtanto niyang hindi dapat hayaang kutyain siya ng kahit na sino dahil lamang sa panlabas na anyo. Lingid sa kaalaman ng paruparo na siya ay iba sa mga paruparong lumilipad sa mga bulaklak. Subalit, nagsalita naman si Ali na kahit iba ang kulay nito ay nagbibigay pa rin siya ng kariktan at kadalisayan sa mga bulaklak o sa buong lugar.
Ngumiti naman si Rupa sa winika ni Ali hinggil sa kanya. Nagtawanan at nagkuwentuhan naman ang dalawa hanggang sa sila ay naging matalik na magkaibigan. Napagtanto ng dalawa na hindi titigil sa pagmamaliit ang isa o isang lipi man sa iba kung ipapakitang mahina ka sa harap nila.