Hanggang saan aabot ang bente pesos mo?
Tulad ng sa commercial, hindi ka ba napapaisip kung ano nga ba ang aabutin ng isang bente pesos? Lalo na ngayong 2021 na *gasp* barya na ito? At hindi lamang iyon, ang Cornetto ay nagiging 25 o 30 pesos pa nga? Kaya kung tutuusin, kulang ang bente pesos mo?
Bakit ang presyo, nagmamahal? Siya na lang hindi? Kung ang pagmamahal sa puso ay nagdudulot ng palpitation, ang pagmamahal naman ng presyo ay dahil sa inflation.
Ang implasyon ay pangkalahatang pagtaas ng presyo ng isang produkto o serbisyo. Ito rin ang pagbaba ng Purchasing Power o kakayahang makabili ng pera ng produkto o serbisyo.
Ang kabaliktaran naman nito ay deplasyon o pagbaba ng presyo.
Samantala, ang labis na pagtaas ng implasyon ay tinatawag na hyperinflation o galloping inflation. Ito ay kapag ang ekonomiya ay nakaranas ng 20-100% na pagtaas ng presyo. Maliban sa Pilipinas noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, naranasan din ito ng Alemanya noong 1920 at ng Zimbabwe noong 2009.
Hindi basta-basta tumataas ang presyo kung naisin ninuman. Ating balikan ang ating nakaraang aralin upang makita ang dahilan nito: ang Batas ng Demand at Suplay.
Ito ay ang paglaki ang pagkonsumo ngunit walang katumbas sa paglaki sa produksyon. Ito ay normal na nakikita sa Batas ng Demand, kung saan ang pagtaas ng demand ay nagpapa-shift sa kurba ng demand sa kanan kung kaya tumataas ang presyo.
Ito ay ang paglaki ng gastos sa produksyon o overhead cost. Kung babalikan ang mga non-price determinant ng pagtaas ng supply, ang paglaki ng gastos ng produksyon ay magpapa-shift sa kurba ng suplay sa kanan kung kaya tumataas ang presyo. Ipinapasa kasi ng prodyuser sa konsumer ang pagbabayad sa dagdag na gastos upang hindi mabawasan ang kanyang kita.
Ang price index ay listahan ng mga produkto at kanilang mga katumbas na presyo o bigat ayon sa itinalaga ng pamahalaan. Parang sa ilustrasyon nila Fhil at Dinara, ang price index ay ang listahan ng mga produkto na ang presyo ay binabantayan ng pamahalaan. Ina-add to cart nila ito sa market basket. Ang basket na ito ay naglalaman ng mga pangunahing produkto na ginagawa, binebenta, at kinokonsumo, at kinukonsumo ng isang bansa.
May tatlong uri ng price indices:
GNP Implicit Price Index o GNP Deflator - Ginagamit para mapababa ang halaga ng kasalukuyang GNP at masukat ang totoong GNP.
Wholesale or Producer Price Index (PPI) - Index ng mga presyong binabayaran ng mga tindahang nagtitingi.
Consumer Price Index (CPI) - Sinusukat ang pagbabago sa presyo ng mga produkto at serbisyong ginagamit ng mga konsyumer
Sa tatlong ito, ang kadalasang ginagamit ay ang CPI bilang batayan ng pamahalaan dahil ito ang presyo na nakikita ng mga mamimili.
Sa ibaba ay isang halimbawa ng datos para sa Enero 2021 ng mga uri ng produkto na kasama sa CPI. Sa pagsukat ng kabuuang pagbabago ng presyo, may pinagbabatayang taon ang pamahalaan, sa ngayon ay 2012.
Gamit ang pinagsama-samang basket of goods ng kasalukuyang taon at ng nakaraang taon, matutuos ang CPI. Kinukuha ang CPI kada buwan, at nagkakaroon ng average kada taon. Ang CPI ng 2020 ay 122.9. Ang pormula ay ang sumusunod:
Mula sa pagkuha ng CPI, maaaring makuha ang bahagdan ang pagbabago ng antas ng implasyon sa pagdaan ng taon. Makapagbibigay ito ng ideya kung gaano tumaas o bumaba ang implasyon sa paglipas ng taon.
Kung tutuusin gamit ang CPI ng 2019 na 119.1 at ang CPI ng 2018 na 122.9, ang antas ng implasyon ng 2020 ay 3.19%. Ibig sabihin, mula 2019, tumaas ang implasyon ng 3.19% sa 2020.
Mas kilala bilang Purchasing Power of Peso (PPP), ito ay isang sukatan ng kakayahan ng salapi na bumili ng parehong produkto sa magkaibang taon. O sa madaling salita, ano ang halaga ng piso kung pagbabatayan ang basehang taon. Kapag may implasyon, bumababa ang purchasing power ng piso.
Upang makuha ito, kunin ang reciprocal ng CPI at paramihin ito sa 100. Sa pormulang ito, makikita ang kaugnayan ng CPI sa PPP bilang magkabilang sukatan ng implasyon.
Kung tutuusin ang PPP gamit ang 2020 CPI, malalaman na ang piso sa 2020 ay may purchasing power na 81 sentimos kumpara sa 2012.
Tila bahagi na ng buhay ang implasyon. Magmula pa noong unang panahon, patuloy ang pagtaas ng bilihin dahil sa paunti ng paunti ang suplay ng mga likas-yaman kumpara sa walang katapusang pangangailangan at kagustuhan ng tao. Narito ang ilan sa mga dahilan nito:
Buwis o taripa - Ang mga patakarang ito ng pamahalaan ay nakakaapekto sa mga prodyuser na nagpapababa ng suplay.
Mga kalamidad - Ang pagbaba ng suplay dahil sa mga kalamidad ang magpapataas sa presyo dahil hindi kaya nitong punan ang demand.
Mga inaasahan sa hinaharap - Dahil sa mga natatanging okasyon, maaaring tumaas ang demand na papantayan naman ng pagtaas ng mga presyo.
Pagtaas ng suplay ng salapi - Tataas ang demand o ang paggasta kaya mahahatak ang presyo paitaas.
Mataas na importasyon ng hilaw na sangkap - Kapag tumaas palitan ng piso sa dolyar o tumaas ang presyo nito, tataas din ng mga tapos na produkto.
Pagtaas ng palitan ng piso at dolyar - Kapag mababa ang pasok ng dolyar, bababa ang halaga ng piso kaya tataas ang presyo.
Pagluluwas o export - Kapag nagkulang ang lokal na produkto dahil sa pag-aangkat, tataas ang presyo dahil sa demand.
Monopolyo o kartel - Maaaring mapataas nila ang presyo dahil may kontrol sila sa suplay ng produkto.
Pambayad-utang - Sa halip na produksyon ay pinambabayad ng utang ang bahagi ng badyet.
Ang implasyon ay hindi parating nakasasama. Bilang bahagi ng buhay, may ilan na makikinabang dito habang ang iba naman ay hindi.
Mga Nangungutang
Dahil sa pagbababa ng PPP, ang halaga ng kanilang utang ay bumababa rin kung ibabagay sa taon ng kanilang pagbabayad. Halimbawa: si Bill ay umutang ng 100 kay Penny. Kahit na may implasyon, mananatiling 100 pa rin ang utang ni Bill.
Mga may Di-Tiyak na Kita
Ang mga taong di-tiyak ang kita, tulad ng mga negosyante, ay maiaayon ang presyo kung tataas ito kaya pareho o higit ang kanilang kita. Halimbawa: si Scarlett ay nagtitinda ng mga pampaganda. Kung magtataas ito ay gayundin gagawin niya kahit mura noong binili niya.
Mga speculator
Ang mga taong nag-invest sa stock market, real estate, at iba pang asset. Dahil maaaring mura lamang nila binili ang kanilang asset, pero dahil sa implasyon, tataas ang halaga nito at pwede nilang ibenta ng mahal.
Mga Nagpapautang
Dahil ipapahiram nila ang perang hawak nila, sa halip na magamit nila ito sa paggasta o pamumuhunan ay nasa ibang tao ito. Kahit may interes, kung ang antas ng implasyon naman ay mas mataas, ay bababa ang halaga na maibabalik sa kanila.
Mga may Tiyak na Kita
Ang mga empleyado na may tiyak ay kita ay hindi makakapagpataas agad ng sweldo kahit tumataas ang bilihin. Dahil dito, nababawasan ang dami ng kayang bilhin ng kanilang sahod.
Mga nag-iipon
Dahil nakaimpok lamang sa mga bangko ang kanilang mga pera, ang interes rate nito ay mababa kumpara sa pabago-bagong inflation rate. Halimbawa: si Dinara ay may 10,000 sa bangko. May 15% na interes ang bangko, kung kaya 11,500 ang magiging halaga nito. Ngunit dahil 20% ang implasyon, tila 9,500 lamang ang halaga nito kumpara nakaraang taon.
Mamamayan
Ito ang pagiging matalino at masinop na mamimili. Ito ay para mabawasan ang demand na nakakaapekto sa implasyon.
Pamahalaan
Una, maaari silang magbawas ng buwis upang hindi makadagdag sa gastusin. Ikalawa, maari silang magbigay ng tulong, subsidya, teknolohiya, at edukasyon. Ikatlo, maaaring mag-import sila upang madagdagan ang suplay sa merkado.
Balitao, B. R., Buising, M. D., Garcia, E. D., De Guzman, A. D., Lumibao, J. L., Jr., Mateo, A. P.; Mondejar, I. J. (2015). Ekonomiks: Araling Panlipunan Modyul para sa Mag-aaral Yunit III [PDF]. Pasig City: Department of Education-Instructional Materials Council Secretariat (DepEd-IMCS).
Payumo, C. S., Ronan, J. R., Maniego, N. L., &; Camba, A. L. (2014). Understanding Economics. Sampaloc, Manila: ALTEO Digital & Printers.
Nagmamahal, #INFLATION [Video file]. (2018, October 19). Retrieved April 12, 2021, from https://youtu.be/MPYlH47iJ4E
MELC_Aralin 14-Inflation. (2021). Retrieved 12 April 2021, from https://www.slideshare.net/sirarnelPHhistory/melcaralin-14inflation
Summary Inflation Report Consumer Price Index (2012=100): February 2021 | Philippine Statistics Authority. (2021). Retrieved 12 April 2021, from https://psa.gov.ph/statistics/survey/price/summary-inflation-report-consumer-price-index-2012100-february-2021
Viloria, L. B. (2018). Paglinang sa Kasaysayan 9: Ekonomiks. Makati City, Philippines: Diwa Learning Systems.
Si Bb. Mara Danica Ramos ay ang AP Coordinator ng Pambansang Mataas na Paaralang Pang-agham ng Lungsod ng San Jose del Monte. Siya ay nagtapos ng B Secondary Education (Social Studies) sa UP Diliman at ngayo'y nag-aaral ng Diploma in Social Studies Education sa UP Open University. Siya ay kasalukuyang nagtuturo ng Araling Panlipunan 8 at 9.