Ang pangalan ng ikatlong ilog ay Tigris. Dumadaloy ito sa silangan ng Asiria. At ang ikaapat na ilog ay ang Eufrates. - Genesis 2:14 MBBTAG
Ayon sa Bibliya, ang Halamanan ng Eden kung saan inilagay ng Diyos ang mag-asawang Adan at Eba ay may ilog na may apat na sanga. Tanging dalawa na lang ang natira at kilala sa mga ito, ang kambal-ilog na Tigris at Euphrates.
Tinawag ang lupain na ito na Mesopotamia. Ito ay mga pinagsamang salitang Griyego na meso o "pagitan" at potamos o "ilog". Ang tinugariang lunduyan ng mga sibilisasyon, ating tunghayan ang mga imperyong umusbong at bumagsak dito.
Ang lambak-ilog ng Mesopotamia ay tinagurian ding Fertile Crescent dahil sa paarkong matabang lupain na ito mula sa Persian Gulf hanggang silangan ng Mediterranean Sea. Ito ay napapalibutan ng bulubunduking Taurus sa hilaga, bulubunduking Zagros sa silangan, at disyerto ng Arabia naman sa timog. Datapwat, hindi sapat ang mga hangganan na ito upang mapagtanggol ito sa mga mananakop.
Sa kanilang pagpapalipat-lipat sa silangan, nakarating sila sa isang kapatagan sa Shinar at doon na nanirahan. - Genesis 11:2
Ang mga Sumerian ay mga nomadiko na nagtatag ng mga pamayanang nagsasaka noong 3500 BCE na nagmula sa hilagang-silangang kabundukan. Humantong ito sa pagtatatag ng 12 lungsod-estado: Kish, Erech (Uruk), Ur, Sippar, Akshak, Larak, Nippur, Adab, Umma, Lagash, Bad-tibira, at Larsa. Pinamumunuan ang bawat isa ng lugal o hari.
Ang sabi nila, “Halikayo at magtayo tayo ng isang lunsod na may toreng abot sa langit upang maging tanyag tayo at huwag nang magkawatak-watak sa daigdig." - Genesis 11:4
Ang ziggurat ay tahanan ng diyos-diyosan o patron ng lungsod. Ito ay umaabot ng pitong palapag kung saan ang templo ang nasa tuktok. Tanging mga pari ang nakakapasok dito. Naniniwala sila sa maraming diyos (polytheistic) na may katangian at pag-uugaling tao (anthropomorphic). Pinaniniwalaang ang Tore ng Babel ay isang zigurrat.
Nagsimula ang nasusulat na kasaysayan noong nagawang magsulat ng mga Sumerian sa cuneiform. Ito ay nangangahulugang hugis-sinsel o wedge-shaped. Ito ay ginagamitan ng stylus na yari sa tambo o reed at clay tablet o mga basang luwad na lapida.
Sinabi pa ni Yahweh kay Abram, “Ako ang kumuha sa iyo sa bayan ng Ur ng Caldea upang ibigay sa iyo ang lupaing ito.” - Genesis 15:7 MBBTAG
Si Abraham, ang tinaguriang "Ama ng mga Bansa", ay nagmula sa Ur sa Mesopotamia. Siya ang kabilang sa lahi ni Shem na anak ni Noe. Noong 2000 BCE, umalis sila ng Ur papuntang Haran. Ngunit, dahil sa pagsunod sa tawag ng Diyos, ibinigay sa kanya ang Canaan. Nagmula sa kanya ang lahi ng mga Ishmaelites (mula kay Ishmael na anak sa kanyang Ehipsyanong alipin na si Hagar) at ang mga Israelites (mula kay Isaac sa anak sa kanyang kapatid at asawang si Sarah).
Kabilang sa kauna-unahang kaharian na sakop niya ang Babilonia, Erec at Acad, pawang nasa lupain ng Sinar. - Genesis 10:10 MBBTAG
Sa patuloy na tunggalian ng mga lungsod-estado sa teritoryo, isa ang nanaig noong 2350 BCE at naging unang imperyo sa daigdig, ang Akkad. Nagtagal ang imperyo ng mahigit na 200 taon bago magkawatak-watak.
Noong taon na ang Asdod ay salakayin at sakupin ng pinakamataas na heneral na sinugo ni Haring Sargon ng Asiria - Isaiah 20:1 MBBTAG
Kinikilala ring "Ang Dakila", si Sargon ang nanguna sa pananakop at pagtataguyod ng imperyong Akkadian. Bilang pag-alala sa kanyang kadakilaan, ang kanyang ngalan ay pinangalan din sa mga sumunod na hari ng Mesopotamia, halimbawa ay si Sargon II ng Assyria.
Kabilang sa kauna-unahang kaharian na sakop niya ang Babilonia, Erec at Acad, pawang nasa lupain ng Sinar. - Genesis 10:10 MBBTAG
Pagtungtong ng 2000 BCE, ang Amorites ay nagtatag ng kabisera sa Babylon, na nangangahulugang pintuan ng langit. Kanilang napalakas ito at nasakop ang katimugang bahagi ng Mesopotamia.
If a man put out the eye of another man, his eye shall be put out. [An eye for an eye] - Code of Laws 196, Code of Hammurabi
Si Hammurabi ay naghari mula 1792-1750 BCE, kung kailan naabot ng Babylonia ang rurok ng kapangyarihan nito. Nasakop niya ang mga kahariang Ashur sa hilaga. Kilala siya sa kanyang mga katipunan ng batas na tinaguriang Batas ni Hammurabi. Naglalaman ito ng 282 na mga batas. Layunin nito na pag-isahin ang lahat ng batas sa imperyo sa bawat aspeto ng lipunan. Datapwat marahas, pinapakita nito ang pagnanais sa katarungan at pagiging patas ng pamahalaan.
Ikaw Asiria ang gagamitin kong pamalo — ang tungkod ng aking pagkapoot. - Isaiah 10:5 MBBTAG
Ang Assyria ay bulubunduking rehiyon sa hilaga ng Babylonia na nagmumula sa Tigris hanggang sa kabundukan ng Armenia. Noong ika-19 siglo BCE, nakuha nila ang Ashur na naging kabisera nito. Mula 850 hanggang 650 BCE, kanilang sinakop ang mga lupain sa Mesopotamia, Ehipto, at Anatolia. Lumaon, dahil sa kanilang kalupitan ay nag-alsa ang pinagsanib pwersa ng Medes at Chaldean.
Kaya't inudyukan ng Diyos ng Israel si haring Pul ng Asiria, na tinatawag ding Tiglat-Pileser, na salakayin ang Israel. Binihag nito ang mga Rubenita, Gadita at ang kalahating lipi ni Manases. Dinala sila sa Hala, Habor, Hara at sa tabi ng Ilog Gozan. - 1 Cronica 5:26 MBBTAG
Si Pul (Tiglath-Pileser III) ay pinangalan sa dalawang naunang Tiglath-Pileser. Parehong ang hari ng naghiwalay na kaharian ng Israel at Judah ay nakipagsabwatan at naging tapat sa kanya. Ngunit sa huli, kanyang napabagsak ang Israel at pinatapon ang mga ito.
Nang ikalabing apat na taon ng paghahari ni Ezequias, sinakop ni Senaquerib na hari ng Asiria ang mga lunsod ng Juda na napapaligiran ng pader. - 2 Mga Hari 18:13 MBBTAG
Si Sennacherib ay anak ni Sargon II. Sa kanyang pagsawata sa rebelyon ng Ehipto, kanyang pinagbayad ang Jerusalem ng mga ginto at pilak. Nang lumaon ay tinangka niyang sakupin ito. Ngunit, isang gabi ay pinatay ang kanyang 185,000 na kawal ng isang anghel. Sa kanyang pag-uwi ay pinatay siya ng kanyang mga anak.
Darating ang araw na ang lahat ng nasa palasyo mo, pati ang tinipong kayamanan ng iyong mga ninuno ay dadalhin sa Babilonia. Walang maiiwan dito. - 2 Mga Hari 20:17 MBBTAG
Ang Chaldea ay matatagpuan sa timog bahagi ng Babylonia at kanang pampang ng ilog Euphrates. Noong 612 BCE, naitatag ang panibagong imperyo ng Babylonia ni Nabopolassar sa pamamagitan ng pagsakop sa lungsod ng Nineveh katuwang ng mga hukbo ng Medes. Ang kanyang anak, si Nebuchadnezzar II ang tuluyang pumuksa sa mga hukbo ng Assyria noong 609 BCE.
Nang ikatlong taon ng paghahari ni Haring Jehoiakim sa Juda, ang Jerusalem ay kinubkob ni Nebucadnezar na hari ng Babilonia. - Daniel 1:1 MBBTAG
Si Nebuchadnezzar II ang pinakatanyag na hari ng Babylonia na nagpaabot dito sa rurok ng kadakilaan. Bilang isang magiting na heneral sa ilalim ng kanyang ama, kanyang napalawak ang imperyo. Kasama na rito ang Judah, kung kaya madalas siyang banggitin sa mga libro ng II Mga Hari, II Cronica, Jeremiah, at Daniel. Dahil sa dalawang beses na pagrerebelde ng hari ng mga Hudyo, kinubkob niya ang Jerusalem, winasak ang Unang Templo nito, at pinatapon ang hari at ang mga mamamayan nito.
Kasama rito ang mga matatalinong tao na sila Daniel (Belteshazzar), Hananiah (Shadrach), Mishael (Meshach), at Azariah (Abednego). Si Daniel ang tumukoy at nagpaliwanag sa kanyang panaginip na rebulto kung saan siya ang gintong ulo. Sila Sadrach, Meshach, at Abednego naman ay nakaligtas sa umaapoy na hurno dahil sa pagsuway nila sa pagyuko sa kaniyang gintong rebulto. At maski siya ay nabaliw sa loob ng pitong taon dahil sa kanyang kayabangan.
Si Nebuchadnezzar II din ay kilala sa pagpapagawa ng Hanging Gardens of Babylon. Tinuring ito ng mga Griyego na isa sa Seven Wonders of the Ancient World. Ito ay baitang-baitang na hardin para sa kanyang asawa na si Amytis.
At bagaman alam ninyo ito, Haring Belsazar, hindi kayo nagpakumbaba. - Daniel 5:22
Si Belshazzar ang huling hari ng Babylon. Siya ay anak ni Nabonidus at apo ni Nebuchadnezzar II. Dahil ginamit niya ang mga sagradong sisidlan ng ginto at pilak mula sa Templo ng Jerusalem sa isang salo-salo, biglang may kamay na nagsulat sa dingding. "Mene, mene, tekel, upharsin." Ipinaliwanag ni Daniel ang pagbagsak ng kaharian. Siya ay pinatay noong 539 BCE at napasakamay ng mga Persyano ang imperyo.
Sinabi niya, “Alam mo ba kung bakit ako naparito? Babalik ako sa Persia upang ituloy ang pakikipaglaban sa pinuno ng kahariang iyon. Pagkatapos ay darating naman ang pinuno ng Grecia. - Daniel 10:20 MBBTAG
Ang kaharian na sinasagisag ng pilak na dibdib sa panaginip ni Haring Nebuchadnezzar II, tinatawag dito itong imperyong Achaemenid. Ang Persia ang sentro nito na matatagpuan sa ngayo'y bansang Iran. Hinati nila ang imperyo sa mga lalawigan o satrapy na pinamumunuan ng mga gobernador o satrap. Nagpagawa rin sila ng isang royal road na may habang 1,400 milya mula Surdis hanggang Susa.
Ito ang utos ni Emperador Ciro, ng Persia: Ibinigay sa akin ni Yahweh, ang Diyos ng kalangitan, ang lahat ng kaharian sa buong daigdig at inatasan niya ako na ipagtayo ko siya ng templo sa Jerusalem na nasa Juda. - Ezra 1:2 MBBTAG
Si Cyrus ang Dakila ang tagapagtatag ng imperyo noong napasakamay niya ang Mesopotamia at Asia Minor. Kilala siya bilang mahabagin na pinuno. Kanyang nirespeto ang iba't ibang kultura ng mga nasasakupan. Gayundin, siya ang nagpagawa ng Cyrus Cylinder, kung saan unang kinilala ang karapatang pantao. Makikita rin ito sa kanyang pagpapabalik sa mga Hudyo sa kanilang lupain at pagpapatayo ng Ikalawang Templo ng Jerusalem.
Dahil dito, iniutos ni Haring Dario na ihulog si Daniel sa kulungan ng mga leon. Ngunit sinabi niya rito, “Nawa'y iligtas ka ng Diyos na buong katapatan mong pinaglilingkuran.” - Daniel 6:16 MBBTAG
Si Darius ay ang isang gobernador sa ilalim ni Cyrus na humalili sa huling haring Chaldean na si Belshazzar. Siya ay kilala sa pagpapatapon kay Daniel sa lungga ng mga leon dahil hindi siya ay nalinlang ng kanyang mga tagapagpayo. Hindi niya man mabawi ang kanyang utos, ngunit ligtas namang nakalabas si Daniel dahil naging maamo ang mga leon sa kanya.
Minsan pang lumapit si Ester kay Haring Xerxes at lumuluhang idinulog dito ang utos tungkol sa paglipol sa mga Judio na binalak ni Haman na Agagita. - Ester 8:3 MBBTAG
Si Ahasuerus o Xerxes ay ang anak ni Darius I. Kilala siya sa tangkang pagsakop sa Gresya at pagsagupa sa mga ito sa mga labanan sa Thermopylae, Salamis, at Plataea. Siya rin ay napadalhan ng sulat ng mga kaaway ng mga Hudyo kaya napatigil ang pagtatayo ng templo. Ang kanyang ikalawang asawa ay si Hadassah (Esther), isang Hudyo. Dahil sa pakana ni Haman, kamuntik nang malipol ang mga Hudyo kung hindi dahil kay Esther. Dahil dito, nagkaroon ng pagdiriwang ng Purim.
Ang paghihiganti at pananakop ni Alexander ang Dakila sa imperyong Achaemenid ang naging hudyat ng pagbagsak nito. Makalawang beses na sinagupa at tinakasan ng huling emperador na si Darius III si Alexander bago matagpuang patay sa ilalim ng mga basahan sa gitna ng disyerto. Matapos makamkam ang lahat ng kayamanan ay sinunog ni Alexander ang Persepolis, ang noo'y kabisera ng imperyong Achaemenid.
BibleGateway.com: A searchable online Bible in over 150 versions and 50 languages. (2021). Retrieved 24 August 2021, from https://www.biblegateway.com/
Britannica, T. Editors of Encyclopaedia (2008, October 17). Belshazzar. Encyclopedia Britannica. https://www.britannica.com/biography/Belshazzar
Britannica, T. Editors of Encyclopaedia (2019, December 13). Sumer. Encyclopedia Britannica. https://www.britannica.com/place/Sumer
Britannica, The Editors of Encyclopaedia. "Ahasuerus". Encyclopedia Britannica, 20 Aug. 2020, https://www.britannica.com/biography/Ahasuerus. Accessed 24 August 2021.
Cendana, K. (2016). Pul, King (Tiglath-Pileser III) of Assyria – Amazing Bible Timeline with World History. Retrieved 23 August 2021, from https://amazingbibletimeline.com/blog/king-pul-tiglath-pileser-iii-of-assyria/
De Viana, A.V., et. al. 2010. Pagtanaw at Pag-unawa sa Daigdig. Makati City: Diwa Learning Systems Inc. pp. 30-34.
Darius the Mede - Encyclopedia of The Bible - Bible Gateway. (2021). Retrieved 24 August 2021, from https://www.biblegateway.com/resources/encyclopedia-of-the-bible/Darius-Mede
Discovery Channel. (1996). Conquerors: Alexander The Great [DVD].
Huot, J. (2020, April 18). Xerxes I. Encyclopedia Britannica. https://www.britannica.com/biography/Xerxes-I
Laessoe, J. (2017, September 5). Sargon II. Encyclopedia Britannica. https://www.britannica.com/biography/Sargon-II
Mateo, G.C., et. al. 2006. Kabihasnang Daigdig: Kasaysayan at Kultura. Quezon City: Vibal Publishing House, Inc. pp. 42-50.
Nelson, R. (2020). Who Was King Nebuchadnezzar? The Beginner's Guide | OverviewBible. Retrieved 24 August 2021, from https://overviewbible.com/nebuchadnezzar/
Parrot, A. (2021, March 13). Abraham. Encyclopedia Britannica. https://www.britannica.com/biography/Abraham
Si Bb. Mara Danica Ramos ang tagapag-ugnay ng Departamento ng Araling Panlipunan. Siya ay nagtapos ng B Secondary Education (Social Studies) sa UP Diliman. Siya ay kasalukuyang nagtuturo ng Araling Panlipunan 8 at 9 sa Pambansang Mataas na Paaralang Pang-agham ng Lungsod ng San Jose del Monte