Highlights sa aralin na ito:
Shut up and take my money!
Kung ikaw si Fry sa Futurama, anong bagay ang bibilhin mo maski ano man ang halaga nito? Ilan naman kaya ang bibilhin mo?
Lahat ng tao ay may kagustuhan at pangangailangan. Kaya lahat ay tinatawag na konsyumer. Ngunit, dahil hindi naman lahat may pera katulad ni Fry, tayo'y nagdedesisyon batay sa apat na tanong pang-ekonomiko. At sa pagsagot natin sa mga ito ay pumapasok ang konsepto ng demand.
Ang demand ay ang dami ng produkto o serbisyo na nais, handa, at kayang bilhin ng mamimili batay sa nakatakdang presyo sa takdang panahon. Samantala, ang Batas ng Demand ay nagsasaad na may magkasalungat o inverse na ugnayan ang presyo sa kantidad ng demand (quantity demanded) ng isang produkto o serbisyo. Ayon sa batas, kapag tumaas ang presyo, bababa ang kantidad ng demand; samantalang kapag bumaba ang presyo, tataas ang kantidad ng demand. Iyon ay kung titignan ang naturang sitwasyon sa ilalim ng ceteris paribus. Ipinagpapalagay nito na ang presyo lamang ang salik na nakaaapekto sa pagbabago ng quantity demanded, habang ang ibang salik ay hindi nagbabago o nakaaapekto rito, sa Ingles ay all things constant.
Kapag tumaas ang presyo ng isang produkto, ang mga mamimimili ay hahanap ng mas mura.
Halimbawa: Nais ni Penny na kumain ng siopao ngunit dahil tumaas ang presyo nito, nag-siomai na lang ito.
Kapag bumaba ang presyo ng isang produkto, ang mga mamimili ay makabibili ng mas maraming produkto gamit ang kanyang parehong kita.
Halimbawa: Si Bill ay may nakalaan parating 20 pesos para sa kanyang merienda sa kantina. Karaniwan, dahil 5 pesos ang siomai, 4 lamang ang nabibili niya. Pero dahil bumaba ito ng piso, nadagdagan ng isa ang kanyang siomai.
Ang Batas ng Demand ay naipapakita sa tatlong pamamaraan: ang iskedyul ng demand, ang kurba ng demand, at ang demand function. Ang bawat isa ay may kanya-kanyang gamit, ngunit pare-parehong ipinapakita ang demand ng nasabing produkto o serbisyo.
Ito ay talaan na nagpapakita ng dami ng kalakal na kaya at gustong bilhin ng mga mamimili sa iba't ibang presyo.
Halimbawa:
Si Bill ay mahilig sa siopao. Madalas ay kumakain siya sa kantina, kung saan nagtitinda si Ate Karen ng 20 pesos kada piraso. Ngunit paminsan, bumibili siya sa labas katulad sa mga mall o fastfood kung saan may kamahalan ito. Nagtataka siya: may bumibili kaya sa mga ito kahit mas mataas ang presyo nito kaysa sa karaniwang tinda ni Ate Karen? Ilan naman kaya ang bibili ng siopao kung may mas mura rito?
Ipagpalagay na ito ang pagpepresyo ng siopao sa lugar nila Bill. Makikita rito si Ate Karen na nagtitinda ng siopao sa 20 pesos ay may 60 na piraso na nais at kayang bilhin ng mga tao sa lugar. Samantala, sa kalapit na mall, ang benta ng siopao ay 40 pesos. Tanging 20 na piraso lamang ang nais at kayang bilhing siopao rito.
Ito ay isang grap batay sa iskedyul ng demand. Ito ay kurbang pababa na nagpapakita sa magkasalungat na ugnayan ng presyo at kantidad ng demand.
Halimbawa:
Nagsagawa ng isang impormal na sarbey sila Bill sa kanilang klase sa AP 9 ukol sa demand. Kasama ni Penny, nagtanong-tanong sila sa mga manininda ng siopao sa kanilang pamayanan. Noong inilahad nila ito sa klase, ipinakita nila ito sa isang grap batay sa talahanayan na kanilang nilista.
Mas naipapakita rin ng kurba ng demand ang paggalaw ng kantidad ng demand o movement along the demand curve. Nangyayari lamang ito sa ilalim ng ceteris paribus o tanging ang presyo lamang ang gumagalaw.
Halimbawa, mula sa 10 pesos, itinaas ng kapitbahay nila Bill ang presyo ng kanilang siopao sa 20 pesos. Gumalaw ang punto ng kantidad ng demand mula sa punto B na 80 papuntang punto C na 60 piraso na lamang ang kantidad ng demand. Kung ipamimigay naman ito ng kanyang kapitbahay ng libre, gagalaw ang punto ng demand mula sa punto C hanggang punto A na 100 piraso ang nais at kayang kainin na siopao.
Ang matematikong pagpapakita sa ugnayan ng presyo (P) at kantidad ng demand (Qd).
Sa equation sa itaas, pinapakita ang relasyon ng presyo sa kantidad ng demand. Bilang independent variable, ang presyo ay malayang magpabago-bago. Samantala, ang kantidad ng demand ay function ng presyo, o dependent variable. Nakasalalay sa presyo kung ano ang kantidad ng demand.
Samantala, sa equation sa itaas mas nailalarawan ang relasyon ng kantidad ng demand sa presyo. Upang makuha ito, magmula sa kantidad ng demand kung ang presyo ay zero ay ibabawas ang product ng slope o baitang ng pagbabago mula sa punto A papuntang punto B at ng binabatayang presyo.
Halimbawa:
Nagpasya si Ate Karen na itaas ang presyo ng kanyang siopao mula 20 pesos papuntang 25 pesos. Ano ang kantidad ng demand na inaasahang makukuha niya kung ang slope na nakuha mula sa mga puntos ay 2? Ating matatandaan din na ang kantidad ng demand ay 100 piraso kung ang presyo ay 0.
Qd = a - bP
Qd = 100 - 2(25)
Qd = 100 - 50
Qd = 50 piraso
Mula sa 60 piraso ay inaasahang 50 na lang ang kantidad ng demand ng siopao kay Ate Karen noong tinaas niya ang presyo nito ng 25 pesos.
Paano kung wala na ang ceteris paribus? Dito pumapasok ang iba pang salik ng demand na nagpapagalaw sa mismong demand. Ang tawag sa kanila ay non-price determinants.
Maliban sa presyo, masasabi nating ang kita ang kasunod na salik na nakakaaapekto sa pagkonsumo ng tao. Kapag tumaas ang kita ng tao, mas marami siyang mabibili. Ngunit kung bumaba ito, kokonti ang kanyang mabibili.
Normal Goods
Ito ang mga produktong dumadami ang demand kapag tumaas ang kita ng tao.
Halimbawa: Nang ma-promote si Dinara sa pagtuturo ay paminsang nililibre niya ang kanyang mga magulang sa Biggie's kung saan sila nakakain ng steak.
Inferior Goods
Ito ang mga produktong dumadami ang demand kapag bumaba ang kita ng tao.
Halimbawa: Isa yung papa ni Edmund sa nawalan ng trabaho ng magkaroon ng COVID-19. Kung kaya, napapadalas ang pagkain nila ng tuyo araw-araw.
Ang bawat tao ay may kanya-kanyang panlasa. Maaaring nasa edad, hilig, o karanasan niya ito.
Halimbawa:
Si Bill ay nahilig sa milk tea. Mas mahal ito kaysa sa mga lokal na inumin, ngunit dahil sarap na sarap siya sa lasa nito ay mas pipiliin niya pa ring bilhin ito kahit na mas may mura dito.
May dalawang pangunahing dahilan bakit dumadami ng mamimili:
Una, maaaring magkaroon ng bugso ng dami ng mamimili kung magiging uso o patok ang isang bagay. Kung ano ang trending ay susubok kaagad ang mga tao. Ang katwiran nila, paano ito magiging in-demand kung hindi ito kagandahan, hindi ba? Ngunit kung ito'y mapaglipasan ng panahon ay kakaunti na ulit ang demand nito.
Ikalawa, maaaring idineklara o kailangan na bilhin ang isang produkto. Halimbawa ay ang face mask at face shield sa banta ng COVID-19. Dahil pinag-utos ito ng gobyerno, nagkaroon ng panic-buying na lubhang kinataas ng demand nito.
Halimbawa:
Noong nagkaroon ng malawakang lockdown dahil sa pandemya ng COVID-19, maraming mga nausong pakulo upang magpalipasan ng oras sa kanya-kanyang tahanan. Isa na rito ang dalgona coffee, isang paraan ng paggawa ng kape sa Timog Korea. Dahil dito, biglang bumugso ang dami ng mga gumawa nito. Naglipana rin ang mga tutorial kung paano gumawa nito at mga litrato sa social media. Nagkaroon din ito ng iba pang uri, tulad ng matcha na sinubukan ni Bill. Ngunit matapos ang ilang buwan ay nalaos din ito.
May mga produkto na hindi mo mabibili kung wala yung isa. O dili kaya naman ay ang produkto ay nabibili mo lamang kung mahal yung isa. Ang mga produktong ito ay maaaring komplementaryo o pamalit ng isa't isa.
Komplementaryo (Complementary Goods)
Ito ay mga produktong sabay na ginagamit. Kapag wala ang isa ay hindi magagamit o tila hindi kumpleto ang produkto. Kapag tumaas ang presyo ng produkto, hindi lamang ang demand nito ang maapektuhan, pati ng komplementaryo nitong produkto.
Halimbawa: Hamburger at fries
Sa mga value meal ng mga fastfood at burger joints ay laging magkasama ang burger at fries. Kung tataas ang presyo ng fries, ay tila maaapektuhan ang demand sa hamburger dahil magkasama silang binibili.
Pamalit (Substitute Goods)
Ito ay mga produktong may alternatibo. Kung tumaas ang presyo ng produkto, ang kanyang pamalit ay tataas ng demand dahil may mas mababang presyo ito kumpara sa nauna.
Halimbawa: Kape at tubig
Maraming tao ang mahilig sa kape. Ngunit kung tumaas ang presyo ng kape ay maaaring tumaas ang demand ng tubig dahil pamatid-uhaw ito at mas mura pa.
Kung inaasahan ng mga tao na tataas ang presyo sa hinaharap, bibili na ang mga tao habang mura ito. Kalimitan ay naaantabayan nila ito sa mga balita. Gayundin, kung may inaasahan silang okasyon o pagdiriwang ay bibili sila ng mga produktong may kaugnayan sa araw na iyon na kalimitan na hindi nila binibili. O kung may inaasahang kalamidad ay paghahandaan na ito ng mga mamimili. Dahil dito, tataas ang demand ng produkto kahit na mababa pa ang presyo nito.
Halimbawa:
Dahil palapit na ang Valentine's Day, napabili si Sir Fhil sa kanyang mga mag-aaral ng pulumpon ng bulaklak at tsokolate.
Sa pagtalakay ng batas ng demand na epekto ng ceteris paribus o ng mga non-price determinants ay pinapakita ng mga paggalaw sa itaas.
Sa ceteris paribus, nagkakaroon ng paggalaw ng kantidad ng demand o movement along the curve. Nagbabago ang kantidad ng demand dahil sa presyo ngunit walang pagbabago sa kabuuang kurba ng demand. Tinatawag din itong change in quantity demanded.
Sa mga non-price determinants, nagkaroon ng paggalaw ng demand o shifting of the curve. Maaaring sa pakaliwa o o pakanan. Hindi man magbago ng presyo na sinusuri ay may pagbabago sa kantidad. Dahil sa pagbabago ng kabuuang demand, tinatawag din itong change in demand.
Halimbawa:
Sa itaas, ang demand sa kendi ay dumami noong mula sa 4 pesos ay naging 3 pesos ito. Mula sa kantidad ng demand na 5 ay naging 10 ito. Pero dahil sa isang okasyon na nangailangan ng premyo ng kendi, may bumili ng 10 pirasong kendi kahit na hindi nagbago ang presyo nito.
Tandaan, na ang paglipat sa kanan ng kurba ng demand ay nangangahulugang pagtaas nito. Samantala, anumang salik na nagpapababa ng demand ay magpapalipat ng kurba ng demand sa kaliwa.
Pagaduan, V. N. (2020). Araling Panlipunan Ikalawang Markahan – Modyul 1: Demand [PDF]. San Fernando City: Department of Education Region III-Learning Resources Management Section (DepEd Region III-LRMS).
Payumo, C. S., Ronan, J. R., Maniego, N. L., &; Camba, A. L. (2014). Understanding Economics. Sampaloc, Manila: ALTEO Digital & Printers.
Rivera, A. O. (2020). Araling Panlipunan Ikalawang Markahan–Modyul 1: Konsepto at Salik ng Demand [PDF]. Bacoor City: Department of Education – Bureau of Learning Resources (DepEd-BLR).
Viloria, L. B. (2018). Paglinang sa Kasaysayan 9: Ekonomiks. Makati City, Philippines: Diwa Learning Systems.
Si Bb. Mara Danica Ramos ay ang AP Coordinator ng Pambansang Mataas na Paaralang Pang-agham ng Lungsod ng San Jose del Monte. Siya ay nagtapos ng B Secondary Education (Social Studies) sa UP Diliman at ngayo'y nag-aaral ng Diploma in Social Studies Education sa UP Open University. Siya ay kasalukuyang nagtuturo ng Araling Panlipunan 8 at 9.