Ang Europa ay tila isang bomba malapit nang sumabog. Dulot ng nag-aalab na damdamin ng nasyonalismo, nagkaroon ng mga kampihan, agawan, at pag-aalsa. Manaka-nakang mga labanan at giyera sa pagitan ng iilang bansa ang nagsisiklaban. Ngunit, paano kaya kung isang malawakang digmaan sa mga makapangyarihang bansa ang naganap?
Ito ang Unang Digmaang Pandaigdig.
Sa loob ng dalawang dekada, payapa ang Europa. Ngunit, habang tumatagal, unti-unting nagkaroon ng tensyon dahil sa apat na salik na ito.
Naniniwala ang mga Europeo na kailangang magkaroon ng malaking hukbo na magagamit sa panahon ng kaguluhan at digmaan. Kung kaya, dumami ang conscription ng mga sundalo. Gayundin, tila nagpaligsahan ang Inglatera at Alemanya sa pagpapalakas ng hukbong pandagat.
Ito ay pagsuporta ng bawat kasapi sa mga interes ng kaalyado at pagtutulungan sa panahon ng digmaan. Nagsimula ito noong nagapi ng Alemanya ang Pransya sa Digmaang Franco-Prussian. Nakipag-alyansa ito sa Russia at Austria-Hungary. Ngunit katagalan, nanatili ang pagkakaibigan ng Alemanya at Austria-Hungary samantalang napilitang naghanap ang Russia ng bagong kakampi.
Naging matindi ang pag-aagawan ng mga Europeo sa mga kolonya. Ang pagkakabuo ng imperyong Aleman ay naging banta sa ibang Europeong bansa dahil sa paghahabol nito sa pangongolonya. Gayundin, natagpuan ng Pransya na katunggali ang Alemanya at Italya sa mga teritoryo nito sa Hilagang Aprika.
Ito ang masidhing pagmamahal ng mga mamamayan sa kanilang bansa. Biglang bagong imperyo, nais ng Alemanya na umunlad ang mga industriya at lumawak ang mga teritoryo nito. Ang Inglatera naman ay nababahala sa pag-angat ng Alemanya samantalang ang Pransya ay nais makapaghiganti noong Digmaang Franco-Prussian.
Sa pakikipag-alyansa ng mga bansang Europeo, nahati ang kontinente sa dalawang panig.
Tinatawag ding Central Powers dahil makikita ang mga bansang kasapi rito sa kalagitnaan ng Europa. Ito ay orihinal na binubuo ng Alemanya, Austria-Hungary, at Italya. Ngunit umatras ang Italya dahil sa takot sa lakas-pandagat ng Inglatera. Pinalitan ito ng Imperyong Ottoman.
Ang entente ay salitang Pranses na ang ibig sabihin ay pagkakasunduan. Kung kaya, tinagurian ding Allies Powers ang mga bansang kasapi nito. Ito ay binubuo ng Inglatera, Pransya, at Russia. Lumaon, sumali ang US sa panig nila.
Ang unang putok ng digmaan ay nagsimula noong binaril ng isang nasyonalistang Serbian ang isang archduke ng imperyong Austria-Hungary na siya ring tagapagmana ng trono.
Bumisita ang archduke na si Franz Ferdinand at ang kanyang asawa na si Sophie sa Sarajevo, kabisera ng Bosnia noong Hunyo 28, 1914. Binaril sila ng 19-anyos na si Gavrilo Princip na kasapi ng Black Hand. Ang Black Hand ay teroristang grupo na suportado ng Serbia na nais lumaya sa imperyo.
Nagdeklara ng digmaan ang Austria-Hungary laban sa Serbia sa parehong araw ding yaon. Ngunit, ang dapat na panloob na sigalot ay naging malawakang digmaan noong nakialam ang Russia upang kampihan ang Serbia. Samantala, dali-daling pumanig ang Alemanya sa kakampi na Austria-Hungary.
Dahil kaalyado rin ng Russia ang Pransya, nangamba si Kaiser Wilhelm II na mapaggitnaan ng mga ito. Kung kaya, inatasan niya si Konde Alfred von Schlieffen na gumawa ng plano. Pinanukala ng konde na mabilis na sumugod sa Pransya upang agad na pabagsakin ito. Saka pa lang harapin ang mga Ruso na matagal makapaghanda dahil sa lumang sistema nito. Ngunit, upang masakatuparan ito, kailangang salakin ang Belgium. Dahil dito, paumsok na rin sa digmaan ang Inglatera.
Sa gitna ng digmaan ay nagkaroon ng saglit na kapayapaan. Noong taon na sumiklab ang giyera, ang mga sundalo sa magkabilang panig ay nagtigil-putukan at sama-samang nagdiwang ng kapaskuhan. Nagpalitan ng mumunting regalo, naglaro ng soccer, at nag-awitan. Ngunit apat na taon pa ang lumipas bago tuluyang manumbalik ang kapayapaan.
Tumimbang ang pabor ng digmaan sa mga Allies dahil sa pagsali ng US sa kanilang panig. Noong una, neutral lamang ang US. Nagsagawa ng submarine warfare ang Alemanya, kung kaya pinalubog nito ang barkong Briton na Lusitania na ikinasawi ng 100 katao. Gayundin, nadiskubre ng mga Amerikano at Briton ang lihim na pakikipag-alyansa ng mga Aleman sa mga Mehikano kapalit ng makukuhang teritoryo sa US. Panghuli, labis ang pinautang ng US sa mga Allies sa digmaan kaya nais nilang masiguro na mananalo ang mga ito.
Nag-alsa ang mga Ruso dahil sa kakulangan ng pagkain at kahirapan. Kung kaya, bumaba ng pwesto si Czar Nicholas II. Pinatay siya at ang kanyang pamilya upang masiguro ang pagwawakas ng paghahari ng dinastiyang Romanov. Samantala, umangat ang partido ng Bolshevik sa pangunguna ni Vladimir Lenin. Sila ang unang huminto sa partisipasyon sa digmaan sa pamamagitan ng pagpirma ng hiwalay na kasunduan sa mga Central Powers.
Natalo ang Alemanya laban sa mga Allies at bumaba rin sa pwesto si Kaiser Wilhelm II. Sa pagsuko ng bagong republika ng Alemanya, nagpulong sa Paris ang mga kinatawan ng magkabilang panig. Sa 32 na bansang dumalo, nanguna ang tatlong Allies. Si Pangulong Woodrow Wilson ng US nagtalumpati at naglatag ng Fourteen Points upang makamit ang ganap na kapayapaan. Si Punong Ministro George Clemenceau ng Pransya ay nais maghiganti sa Alemanya. At si Punong Ministro David Lloyd George naman ay nais maparusahan ang Alemanya at maprotektahan ang Inglatera.
Lumagda ang Alemanya sa kasunduan noong Hunyo 28, 1919. Ito ay naglalaman ng mga probisyon:
Pagbababalik ng Alsace at Lorraine sa France
Pagkontrol ng France sa Rhineland
Pagsuko ng Germany sa mga kolonya nito sa Asya at Africa
Paglimita sa laki ng hukbo
Pagbabawal na bumili at lumikha ng mga armas
Pagbayad ng $33 bilyon sa Allies sa loob ng 30 taon
Pag-ako na tanging Germany ang may kasalanan sa digmaan
Ito ay samahan ng 60 na bansa na sumumpang gagalangin ang desisyon ng bawat isa at hayaan ang liga na lutasin ang anumang alitan. Tila katuparan din ito ng pangarap ni Pangulong Woodrow Wilson na isinaad niya sa kanyang Labing-apat na Punto. Ngunit, hindi kasali rito ang dalawang superpower na USSR at US. Ang USSR ay may hiwalay na kasunduan sa Alemanya. Samantala, ayaw naman matali ng US sa anumbang alyansa. Lalong humina ang Liga noong tumiwalag ang Japan nang sakupin nito ang Manchuria.
Tinatayang 10 milyong sundalo ang namatay at 21 milyon ang nasugatan. Marami ang nagkaroon ng trauma. Ito ay dahil sa mga panibagong taktika at armas pandigma. Lumaganap din ang epidemya ng influenza. Nawasak ang mga imprastraktura at bumagsak ang ekonomiya ng Europa.
Habang nakikipagdigma ang mga kalalakihan, ang mga babae naman ang sumalo sa kanilang mga trabaho sa mga bukid at pabrika. Nang lumaon, binigyan sila ng mga karapatan tulad ng pagboto.
Bumagsak ang mga dinastiyang Habsburg, Romanov, Ottoman, at Hohenzollern. Ang mga imperyong Austria-Hungary at Ottoman ay nagkawatak-watak. Naging republika ang Alemanya. Samantala, pinatay ang pamilyang Romanov bunga ng rebolusyong Bolshevik.
De Viana, A.V., et. al. 2010. Pagtanaw at Pag-unawa sa Daigdig. Makati City: Diwa Learning Systems Inc. pp. 210-216.
Mateo, G.C., et. al. 2006. Kabihasnang Daigdig: Kasaysayan at Kultura. Quezon City: Vibal Publishing House, Inc. pp. 296-305.
HISTORY. (2014, April 29). Bet You Didn’t Know: World War I | History [Video]. YouTube. https://youtu.be/2mjqi-QyO1E
Si Bb. Mara Danica Ramos ang tagapagpayo ng KKK. Siya ay nagtapos ng B Secondary Education (Social Studies) sa UP Diliman. Siya ay kasalukuyang nagtuturo ng Araling Panlipunan 8 at 9 sa Pambansang Mataas na Paaralang Pang-agham ng Lungsod ng San Jose del Monte.