Ilang beses na tayo nahumaling sa fairy tales at folk tales? Sa mga fantasy novels at drama? Na naisip tumira sa isang kastilyo at magpaibig ng prinsesa? Prince Charming? Knight in Shining Armor? Samantala, para sa iba, chivalry is dead. Ano ang ibig sabihin noon? Sino nga ba si Thomas Aquinas at lagi siyang nababanggit sa ESP? Dahil ating natalakay ang relihiyon, politika, at ekonomiya sa nakaraang aralin, ating titignan ang iba pang aspeto kung saan kakikitaan ng impluwensya ang Gitnang Panahon.
Ang Code of Chivalry ay isang paraan ng pamumuhay kung saan ang mga kabalyero ay inaasahang magpapakita, hindi lamang ng kalakasan sa labanan, kundi katapangan, pagrespeto, karangalan, at paggalang sa kababaihan.
Dahil ang buhay sa panahong Midyebal ay puno ng pakikipagdigma, inaasahan ang lakas ng mga kabalyero na protektahan ang kanilang mga lords at ang mga serfs na nakaasa sa kanila. Upang mapigilan ang mga kabalyero na maging mapagmataas at marahas, ang kodigong ito ang nagpapaalala sa kanila na maging maginoo.
Ang mga panuntunan sa Code of Chivalry ay sinasambit ng panginoon sa dubbing ng isang kabalyero.
Ang kodigong ito ay ikinukwento rin ng mga ministrels at bards sa pamamagitan ng mga epiko. Makikita ito sa kwento ni King Arthur and the Round Table at ang Song of Roland.
Datapwat tinatawag na Madilim na Panahon, ang edukasyon sa panahong Midyebal ay patuloy pa rin ngunit bukas lamang ito sa kaparian. Dahil ang lahat ng naisalbang karunungan ay may kaugnayan sa Simbahang Katoliko, ang mga sentro ng karunungan ay ang mga monasteryo at katedral. Gayundin, hinayaan lamang na mangmang ang mga karaniwang tao noon upang hindi sila mabulid sa ibang paniniwala.
Matapos matutunan bumasa at sumulat sa sariling wika, ang mga nais magpari ay unang aaralin ang wikang Latin. Ito ang wika ng Simbahan at ng mga sulatin na naiwan ng Imperyong Romano. Pagkatapos, kanilang pag-aaralan ang pitong liberal arts. Sa mababang antas: grammar, rhetoric, at logic. Sa mataas na antas: music, arithmetic, geometry, at astronomy.
Kung nais magpakadalubhasa, ang mga mag-aaral ay maaaring pumasok sa isang unibersidad. Ito ay samahan ng mga maestro o dalubhasa sa sining. Bawat maestro ay may sariling grupo ng mag-aaral na nagbabayad sa kanya. Pitong taon ang pag-aaral dito. Noong una, tumitira ang mga mag-aaral sa mga paupahang silid; ngunit nang luman ay sa mga dormitoryo. Kung makapasa sa huling pagsusulit, sila ay gagawaran ng titulong bachelor of arts. Kasunod nito, gagawa sila ng isang masterpiece. Ito ay isang aralin o panukala na kanilang ipagtatanggol. Kung kanilang mapagtagumpayan ito ay sila ay tatanggapin sa unibersidad at magiging master of arts.
Ang mga monghe ay naging kaagapay din sa pagpapanatili ng karunungan sa panahong Midyebal. Sa kanilang mga monasteryo, hindi lamang pagdadasal at pagpapatuloy sa mga maysakit at manlalakbay ang kanilang ginagawa. Sila rin ay nagtuturo at kumokopya ng mahahalagang aklat.
Sa panahong ito, ang teolohiya ang namamayagpag. Ito ay pag-aaral tungkol sa Diyos at mga doktrina ng pananampalataya. Sa lente ng scholasticism, pinagsama ang turo ng Katolisismo sa pilosopiya ni Aristotle at Plato. Ilan sa mga kilalang scholars noon ay si Augustine ng Hippo at si Thomas Aquinas.
Tinaguriang "Kristiyanong Plato", si Augustine ang nagpasimula ng semiotics o ang teoryang ang mga senyales at simbolo ay pahiwatig ng mga bagay na nasa loob nito. Para sa kanya, may dalawang uri ng senyales: natural at kumbensyonal. Para sa kanya, ang mga bagay ay nagkakaroon ng katuturan kung alam natin ang pakahulugan nito. Para sa kanya, ang kumbensyonal na mga senyales ng Diyos ay ang mga banal na kasulatan at ang mga sakramento.
Tinaguriang "Kristiyanong Aristotle", si Thomas Aquinas ang sumulat ng Summa Theologica. Maliban dito, pinagpapalagay na nakasulat pa siya ng 60 hanggang 100 na sulatin. Dito, sinubukan niyang patunayan ang pag-iral ng Diyos sa pamamagitan ng lohika ni Aristotle. Ayon sa kanya, ang ating mga pandama at karanasan ay maiuugat sa Diyos. Nagtala siya ng limang paraan upang mapatunayan ito sa scholastic method, kung saan pinresenta niya itong pagtatalo ng dalawang magkaibang pananaw.
Ang nobelang ito ay isinulat ni Geoffrey Chaucer sa wikang Ingles noong huling bahagi ng ika-14 na siglo. Ito ay koleksyon ng mga kwento ng mga manlalakbay sa dambana ni St. Thomas Becket sa Canterbury.
Ang epikong ito ay isinulat ni Dante Alighieri noong 1321 sa wikang Italyano. Alinsunod sa manunulat na si Virgil na ginamit niya ring karakter sa istorya. Ito ay kathang-isip na paglalakbay sa impyerno (Inferno), purgatoryo (Purgatorio), at langit (Paraiso) sa paghahanap ng minamahal na si Beatrice.
Ang kastilyo ay ang tirahan ng mga panginoong-maylupa. Ito ay karaniwang malalaki na yari sa bato upang magsilbing tanggulan sa pagsalakay ng mga kaaway. Napapalibutan ito ng makakapal na pader kung saan sa itaas, maaaring pumwesto ang mga kabalyero upang mamana, magbuhos ng mainit na langis, o maghagis ng mabibigat sa ibaba. Maliban doon, napapaligiran ito ng bambang. Makakapasok lamang sa kastilyo kung ibaba ang tulay sa ibabaw ng bambang.
Ang mga katedral ang himpilan ng mga arsobispo at tanda ng pagiging maunlad ng isang pamayanan. May dalawang uri ng estilo ito: Romanesque at Gothic. Ang Romanesque ay kilala sa makakapal na pader at toreng gawa sa bato. Mabigat ang bubungan nito kung kaya niliitan na lamang ang bintana nito. Samantala, ang Gothic ay may matataas na supportang gawa sa bato sa labas ng simbahan. Dahil dito, mas matataas ang mga bubungan at malalaki ang bintana ng simbahan.
Aureus, C. O. (2012, May 12). Critical Theory From Plato to Yeats: Foundations for a Classical Education [Doc]. Quezon City: University of the Philippines Diliman.
Code of Chivalry. (2021). Retrieved 9 February 2021, from http://www.medieval-life-and-times.info/medieval-knights/code-of-chivalry.htm#:~:text=The%20Code%20of%20Chivalry%20was,and%20great%20gallantry%20toward%20women.&text=The%20Code%20of%20Chivalry%20was%20the%20honor%20code%20of%20the%20knight.
De Viana, A.V., et. al. 2010. Pagtanaw at Pag-unawa sa Daigdig. Makati City: Diwa Learning Systems Inc. pp. 130-140.
Mateo, G.C., et. al. 2006. Kabihasnang Daigdig: Kasaysayan at Kultura. Quezon City: Vibal Publishing House, Inc. pp. 180-183.
Si Bb. Mara Danica Ramos ang tagapagpayo ng KKK. Siya ay nagtapos ng B Secondary Education (Social Studies) sa UP Diliman. Siya ay kasalukuyang nagtuturo ng Araling Panlipunan 8 at 9 sa Pambansang Mataas na Paaralang Pang-agham ng Lungsod ng San Jose del Monte.