Nasusuri ang mga sinaunang kabihasnan ng Egypt, Mesopotamia, India at China batay sa politika, ekonomiya, kultura, relihiyon, paniniwala at lipunan.
"Ang mga anak na lalaki ni Ham ay sina Cus, Egipto, Libya at Canaan." - Genesis 10:6
Kung mapag-usapan ang pyramids at mummies, ano ang unang sibilisasyon na maiisip mo?
Maaaring mayroon ang dalawang nabanggit sa iba pang kabihasnan, ngunit pinakatanyag dito ang sinaunang Ehipto. Sa katunayan, may mga dalubhasang nakapokus sa pag-aaral ng kasaysayan nito, ang mga Egyptologists. Sino nga ba ang hindi nangarap na makahukay ng mga yaman sa isang nakatagong libingan? Habulin ng mga mummies? O hindi kaya bumalik sa panahon para batukan ang paraon ng Exodo kasi ang tigas ng ulo?
Tara na, dahil ito ang una't huling beses na tatalakayin natin ang pinakahihintay nating sibilisasyon, ang sinaunang Ehipto!
Tinaguriang Pamana ng Nile ni Herodotus, ang ilog Nile ang nagbibigay-buhay sa hilagang-silangan ng disyerto ng Aprika. Ito ay may haba na 4,160 milya mula sa bundok ng Kilimanjaro sa Tanzania at dumadaloy paakyat papuntang dagat Mediterranian. Napapalibutan ang bansang Ehipto ng mga disyerto: Disyerto ng Sinai sa silangan, Disyerto ng Nubian sa timog, at kanluran ang Disyerto ng Sahara.
Ang kronolohiya ng Ehipto ay kadalasang binabase sa mga kasulatan ni Manetho, isang Ehipsyanong pari sa panahon ni Paraon Ptolemy II. Ngunit, sa patuloy na pag-aaral ng mga Egyptologist sa arkiyolohiya, may mga dalubhasang nagpapanukala ng historical revisionism sa timeline nito. Isa na rito si David Rohl, kung saan ang pagpapaikli ng ikatlong dark age ng Ehipto ang mag-uusod sa mga naunang dinastiya nito. Ang bagong kronolohiya ng Ehipto na pinapanukala nila Rohl ay umaalinsabay sa kronolohiya ayon sa Bibliya. Hindi lahat ay sumasang-ayon sa panukala nila Rohl dahil nakaangkla ang pagpapanahon ng mga karatig-bansa sa Ehipto. Datapwat marami nang lumilitaw na mga ebidensya na maaaring magpatunay dito.
Mula sa pampang ng ilog Nile, sumibol ang mga malalayang pamayanan na tinawag na nomes na pinamamahalaan ng mga nomarchs. Nang lumaon, nabuo ang dalawang kaharian nito na naayon sa daloy ng ilog Nile. Ang Upper Egypt mula sa disyerto ng Libya hanggang Abu Simbel, samantalang ang Lower Egypt ay nasa bahagi ng Nile Delta.
Ang mga Ehipsyano ay natutong mag-iriga at maglakbay gamit ang ilog Nile. Noon din naimbento ang hieroglyphics, ang sistema ng pagsulat ng gumamit ng mga larawan bilang simbolo o salita.
Noong 3,100 BCE, si Menes o Narmer mula sa Upper Egypt ay sinakop ang Lower Egypt at pinag-isa ang kaharian. Sa Memphis ang kanyang kabisera. Bilang pag-alala ng kanyang mga paghahari, ginawa ang Narmer Palette samantala ang korona ng mga paraon (politikal at panrelihiyong pinuno ng Ehipto) ay pinagsamang korona ng Lower at Upper Egypt.
Nagsimula sa Ikatlong Dinastiya ng Ehipto, ito ang tinaguriang Panahon ng mga Piramide. Ang mga piramide ay mga estruktura na binuo para maging libingan ng mga paraon. Tila hango ito sa Tore ng Babel o mga ziggurat sa Mesopotamia. Taliwas sa paniniwala, ang mga piramide ay hindi gawa ng mga alipin, kung hindi nang mga mamamayang Ehipsyano na pinapasweldo at pinapakain ng paraon.
Si Djoser ang unang paraon na nagpagawa ng piramide, ang Step Pyramid sa Saqqara. Ito ay sa pamamatnubay ng kanyang arkitekto at vizier na si Imhotep. Mula sa mastaba o malaking parihabang istruktura na karaniwang libingan sa Ehipto, pinagpatong-patong ito ni Imhotep na nagbunga sa hagdan-hagdang disenyo nito.
Si Sneferu ang kilala bilang paraon na nagpagawa ng unang tunay na piramide. Ang kanyang pamumuno ay panahon ng eksperimentasyon, partikular na sa arkitektura.
Meidum Pyramid
Ang unang piramide ni Sneferu ay orihinal na nakadisenyong step pyramid. Ngunit dahil sa paniniwalang hindi dapat matapos ng maaga ang libingan bago ang pagkamatay ng paraon, ay pinaayos ito sa anyong tunay na piramide hanggang gumuho na ang gilid nito. Ito ay matatagpuan sa Meidum.
Bent Pyramid
Ang ikalawang piramide ni Sneferu ay kanyang pagtatangka sa tunay na piramideng disenyo, ngunit dahil sa sobrang tarik ng anggulo nito ay binali nila ang gilid nito upang hindi gumuho tulad ng nangyari sa Meidum. Ito ay matatagpuan sa Dashur.
Red Pyramid
Ang ikatlong piramide ni Sneferu ang unang perpektong piramide na makikita rin sa Dashur. Ito ay tinaguriang red pyramid dahil sa mamula-mulang limestone na ginamit dito.
Namana ni Khufu (Cheops) ang trono mula kay Sneferu, gayundin ang paraan ng pagpagawa ng piramide. Ang kanyang anak na si Khafre at apo na si Menkaure ay sumunod sa kanyang mga yapak na pagpapatayo ng mga pyramide sa Giza mula 4,500 BCE.
Khufu
Si Khufu (Cheops) ang nagpagawa ng Great Pyramid, ang pinakamalaking piramide sa tatlo na may lawak na 5.3 ektarya at taas na 147 metro. Ito ay sa pangunguna ni Hemiunu, ang kanyang pinsang arkitekto at vizier.
Khafre
Maliban sa piramide, pinagawa rin ni Khafre ang Sphinx, ang estatwang limestone na may katawan ng pusa at ulo ng tao na nagsisilbing bantay ng kanyang libingan.
Menkaure
Si Menkaure ang nagpagawa ng pinakamaliit na piramide sa tatlo, ngunit sinamahan naman ito ng mas kumplikadong mortuary temples.
Ang huling paraon ng panahong ito ay si Pepi II, ang pinakamahabang namuno sa lahat ng hari sa loob ng 94 taon. Pagkamatay niya, ayon kay Fekri Hassan, nasadlak ang Ehipto sa matinding tagtuyot at kagutuman dahil sa climate change. Natuyo ang Nile, na pati ang lawa ng Moeris kung kaya walang matanim ang tao.
Nagkagulo at nag-agawan sa kapangyarihan. Sa tindi ng paghihirap ng mga tao ay hindi na nila naiembalsado ang mga patay, bagkus ay kinakain pa ang ilan sa mga ito.
Sa pag-iisa ni Mentuhotep II ng Ehipto nagsimula ang Panahon ng mga Maharlika. Naging maunlad ang pakikipagkalakalan ng Ehipto sa mga karatig rehiyon. Mula sa Syria ay nakakakuha sila ng mga cypress, lapis lazuli, atbp. samantalang sa Nubia naman ay mga ebony at insenso. Sa Crete ay nagbenta sila ng mga palayok, tela at alahas.
Binigyan niya si Jose ng bagong pangalan: Zafenat-panea. At ipinakasal sa kanya si Asenat na anak ni Potifera, ang pari sa Heliopolis. Bilang gobernador, pinamahalaan ni Jose ang buong lupain ng Egipto. - Genesis 41:45
Tinaguriang si Amenemhat III ang pinakamahusay na pinuno ng panahong ito na namayani sa loob ng 45 taon. Ngunit pinagpapalagay na sa likod niya ay ang Hebreong vizier na si Joseph o Zaphnath-Paaneah. Si Joseph ay binenta bilang alipin, inakusahang nanggahasa ng asawa ng kapitan ng hukbo, at nakulong ng walang sala. Siya ay may talento sa pagpapaliwanag ng mga panaginip, kung saan napayuhan niya ang paraon na mag-imbak para sa parating na tagtuyot. Dahil dito, nagpahukay ang paraon ng mga lagusan upang mapalalim ang kanal papunta sa Lawa Moeris at nagpatayo ng mga imbakan para dito. Datapwat pinagdedebatehan pa rin ang pagpapananahon at palaisipan ang di-napangalanang paraon ni Joseph ay may mga lumalabas na arkeolohiyang ebidensya ukol sa kanya.
Ang Istatwa sa Avaris
Isang nakaupong istatwa na may taas na 2 metro ang nahukay sa ilalim ng guho ng isang maliit na piramide sa Avaris. Ito ay pininturahang may pulang buhok na hugis kabute, dilaw na balat, at may suot na iba't ibang kulay. May throw stick din ito na nagsisimbolo ng kapangyarihan. Ito ay pinagpapalagay na isang Asyano na mataas ang katungkulan.
Ang Mittelsaal House sa Avaris
Ang Avaris ay isang lugar sa Nile Delta na nahukay sa ilalim ng Pi-Ramesses ni Ramses II. Tinaguriang kapitolyo ng Hyksos ng ibang iskolar, ito ay dahil dito matatagpuan ang komunidad ng mga taong galing sa Canaan. Isa sa mga nahukay dito ay isang bahay na may disenyong Syrian na lumaon ay pinalitan ng maliit na palasyo na may 12 na haligi.
Ang Bahr Yussef
Ito ang kanal na nagdurugtong sa Lake Moeris at ilog Nile. Ito ang nagbibigay ng tubig para sa oasis ng Faiyum na nagsisilbing breadbasket ng bansa. Ang ibig sabihin ng pangalan nito ay Waterway of Joseph.
Ngunit sa panahon ni Khaneferre Sobekhotep IV, lubhang marami na ang mga Hebreo sa Ehipto kung kaya sinimulan na nilang alipinin ang mga ito. Ngunit ang kanyang anak na si Meris ay umampon sa isang batang lalaking Hebreo sa ilog Nile, na lumaki bilang maging pinuno ng mga ito.
Nang malaki na ang bata, dinala siya ng kanyang ina sa prinsesa, at siya'y itinuring na anak nito. Sinabi niya, “Iniahon ko siya sa tubig, kaya Moises ang ipapangalan ko sa kanya.” - Exodo 2:10
Si Moses o Mousos ay anak ni Amram at Jochebed, kapatid ni Aaron at Miriam, lahi ni Levi. Siya ay lumaking prinsipe sa Ehipsyanong palasyo at naglingkod upang protektahan ang Ehipto laban sa Nubia. Matapos makapatay ng isang Ehipsyano na nagmalupit sa aliping Hebreo, tumakas si Moses sa Midian. Nang tawagin ng Diyos ng Israel ay bumalik siya sa panunungkulan ni Dudimose II upang palayain ang mga aliping Hebreo. Siya ang kinikilalang sumulat ng limang libro sa Torah o Pentateuch, na tinuturing na banal na aklat ng mga Hudyo, Kristiyano, at Muslim. Sa pagsulat niya nito gamit ang proto-Semitic writing ang nagbunsod sa pagkagawa ng unang alpabeto na naipasa sa mga Phoenicians.
Ang pamumuno ni Dudimose II bumagsak ang Gitnang Kaharian. Siya ang pinagpapalagay na paraon ng Exodo, na isa sa mga kasulatan sa kanyang panahon ang naglarawan ng mga sumusunod na pangyayari:
Nay, but the heart is violent. Plague stalks through the land and blood is everywhere. . . . Nay, but the river is blood. Does a man drink from it? As a human he rejects it. He thirsts for water. . . . Nay, but gates, columns and walls are consumed with fire. … Nay but men are few. He that lays his brother in the ground is everywhere. . . . Nay but the son of the high-born man is no longer to be recognized. . . . The stranger people from outside are come into Egypt. . . . Nay, but corn has perished everywhere. People are stripped of clothing, perfume, and oil. Everyone says “there is no more.” The storehouse is bare. . . . It has come to this. The king has been taken away by poor men. — Ipuwer Papyrus, Leiden Museum
Ito ay tila alinsunod sa sampung plagues na pinadala ng Diyos ng Israel laban sa paraon ng Ehipto. Nang umalis na ang mga Hebreo sa pagdaan sa Red Sea, nalunod ang hukbong Ehipsyano kasama ang paraon. Kung kaya mahina ang Ehipto at nasakop ng mga dayuhang Hyksos.
"Tutimaos: In his reign, for what cause I know not, a blast of God smote us; and unexpectedly, from the regions of the East, invaders of obscure race marched in confidence of victory against our land (Egypt). By main force they easily seized it without striking a blow and having overpowered the rulers of the land, they then burned our cities ruthlessly, razed to the ground the temples of the gods and treated all our natives with cruel hostility, massacring some and leading into slavery the wives and children of others."
Dalawang teorya ang pinanukala ng mga dalubhasa: Una, maaaring mga Hebreo ang mga Hyksos na dumami at kinamuhian ng mga Ehipsyano. O ikalawa, ang mga Amalekites na kumalaban sa Israel paglabas nito sa Ehipto. Ang mga Amalekites ay wala na sapagkat nalipol sila ni Haring Saul. Anuman ang katauhan ng mga Hyksos ay napalayas ito ng mga Ehipsyano sa pag-usbong ng ika-17 dinastiya sa imperyo.
Nakabawi ang Ehipto nang mapatalsik ang mga Hyksos sa pangunguna ni Ahmose I. Dahil dito, nagsimula nang mangolonya ng Ehipto ng mga karatig-rehiyon, kung kaya tinawag itong Panahon ng Imperyo.
Si Hatshepsut ang unang babaeng paraon sa kasaysayan. Nang mamatay ang asawang si Tuthmose II, humalili siya rito hanggang lumaki at mapalitan siya ng anak na si Thutmose III na nagpalawak pa sa imperyo.
Si Amenophis IV o Akhenaten ay tinaguriang erehe sapagkat nagtatag siya ng monoteistikong relihiyon na nakasentro sa sun disk o Aten na tila halintulad sa paniniwalang Judaismo. Pinagpapalagay ang kanyang kakatwang katawan at pag-iisip sa Marfan Syndrome. Asawa niya si Nefertiti. Noong namatay siya, bumalik sa dati ang Ehipto.
Anak ni Akhenaten, siya ay orihinal na pinangalanang Tutankhaten. Namana niya ang deformities ng kanyang ama na bunga ng genetical malfunction o mutation dahil sa inbreeding. Nadiskubre ang kanyang puntod at labi ng arkiyologong si Howard Carter.
Siya ang nagpagawa ng Abu Simbel at iba pang templo sa Ehipto. Gayundin, nakipaglaban siya sa mga Hittito, kung saan nakipagkasundo siya sa mga ito. Napagkamalan siyang paraon ng Exodo.
Humina ang Bagong kaharian at noong ang mga pari ng Amun ay lumakas nang sapat upang igiit ang kanilang kapangyarihan sa Thebes ay hinati ang bansa sa pagitan ng kanilang pamamahala at ng paraon. Gayundin, sa pananaig ng imperyong Achaemenid sa Mesopotamia, nasakop nito ang Ehipto sa pangunguna ni Cambyses II.
Siya ang ikalawang hari ng imperyong Achaemenid na sumakop sa Ehipto. Siya ay isa sa mga karakter ni Jose Rizal sa El Filibusterismo.
Ang Griyegong emperador galing sa Macedonia na nagpabagsak sa imperyong Achaemenid. Pagkatapos ng pagkapanalo sa Labanan ng Issus laban kay Darius III, dumiretso siya sa Ehipto at kinoronahan siyang paraon. Siya ang nagtatag ng una at tanyag na Alexandria sa Ehipto. Siya ay hinalinhinan ng heneral na si Ptolemy I bilang gobernador ng Ehipto sa kanyang pagkamatay.
Siya ay inapo ni Ptolemy I, heneral ni Alexander the Great. Sinasabing maganda, charismatic, at matalino. Siya ay isang polyglot. Napaibig niya si Julius Caesar kung saan nagkaroon siya ng anak, si Ceasarion. Lumaon, napamahal din sa kanya ang heneral ni Caesar na si Mark Anthony. Siya rin ang huling pinuno ng Ehipto bago ito tuluyang nasakop ng mga Romano.
Sa tagisan nila Octavian at Mark Anthony bilang susunod na emperador ng Roma, natalo ang huli sa Labanan ng Actium noong September 2, 31 BC. Nalinlang si Mark Antony na nagpakamatay si Cleopatra kaya sinaksak niya ang kanyang sarili. Nakarating ito kay Cleopatra kung kaya hinayaan niyang kagatin siya ng isang asp. Kung kaya nasakop nang tuluyan ng mga Romano ang Ehipto at naging probinsya nito.
The Date of the Exodus - Ancient Exodus. (2022). Retrieved 1 August 2022, from https://ancientexodus.com/the-date-of-the-exodus/
Britannica, T. Editors of Encyclopaedia (2016, March 20). Manetho. Encyclopedia Britannica. https://www.britannica.com/biography/Manetho
Avaris Statue. Madainproject.com. (2022). n.d. Retrieved on August 01, 2022, from https://madainproject.com/avaris_statue
De Viana, A.V., et. al. 2010. Pagtanaw at Pag-unawa sa Daigdig. Makati City: Diwa Learning Systems Inc. pp. 36-40.
Discovery Channel. (1998). Sneferu: King of the Pyramids [DVD].
Discovery Channel. (1998). Akhenaton: The Rebel Pharaoh [DVD].
Discovery Channel. (1998). Ramses the Great [DVD].
FAMINE IN ANCIENT EGYPT (and Nubia): what is the evidence?. (2013). Retrieved 15 August 2022, from https://joycefiler.wordpress.com/2013/01/16/famine-in-ancient-egypt-and-nubia-what-is-the-evidence/
Knight, S., Knight, S., & Christendom, O. (2022). Historical evidence for Moses and the Exodus. Retrieved 15 August 2022, from https://forums.anglican.net/threads/historical-evidence-for-moses-and-the-exodus.550/
Mateo, G.C., et. al. 2006. Kabihasnang Daigdig: Kasaysayan at Kultura. Quezon City: Vibal Publishing House, Inc. pp. 78-87.
The Mysterious Hyksos. (2022). Retrieved 15 August 2022, from https://answersingenesis.org/archaeology/ancient-egypt/the-mysterious-hyksos/
Thinking Man Films. (2014). Patterns of Evidence: Exodus. Patterns of Evidence. Retrieved August 15, 2022, from https://patternsofevidence.com/.
Thinking Man Films. (2019). Patterns of Evidence: The Moses Controversy. Patterns of Evidence. Retrieved August 15, 2022, from https://patternsofevidence.com/.
Si Bb. Mara Danica Ramos ang tagapag-ugnay ng Departamento ng Araling Panlipunan. Siya ay nagtapos ng B Secondary Education (Social Studies) sa UP Diliman. Gayundin, nag-aaral siya ng Diploma in Social Studies Education sa UP Open University. Siya ay kasalukuyang nagtuturo ng Araling Panlipunan 8 at 9 sa Pambansang Mataas na Paaralang Pang-agham ng Lungsod ng San Jose del Monte.