Highlights sa aralin na ito:
Mahilig ka ba sa Percy Jackson and the Olympians? O nakapanood ng Troy, 300, at 300: Rise of an Empire? O tagasubaybay ng Lore Olympus? Ilan lamang iyan sa mga popular na babasahin o pelikula na sumasalamin sa kultura at kasaysayan ng sinaunang Griyego.
Ang Gresya ay makikita sa timog-silangan ng Europa. Ito ay binubuo ng lupang karugtong ng Balkans, ang Tangway ng Peloponnese, at mga pulo tulad ng Crete, Santorini, Delos, at Ithaca. Napapalibutan naman ito ng mga dagat: Aegean sa silangan, Mediterranean sa timog, at Ionian sa kanluran. Dahil sa pagiging bulubundukin nito, 20% lamang ang ginagamit sa pagsasaka. Karaniwang tinatanim dito ay oliba, ubas, at trigo. Dahil dito, ang mga bulubundukin ay nagsilbing hadlang sa pagkakaisa sa buong Gresya samantalang ang mga katubigan ang naging daan sa pakikipagkalakalan nito sa mga karatig-lugar tulad ng Ehipto at Mesopotamia.
Ang unang kabihasnang Griyego ay sumibol sa isla ng Crete. Tinawag itong Minoan hango sa maalamat na tagapagtatag nito, si Haring Minos. Ayon sa mitolohiyang Griyego, si Haring Minos ay anak ni Zeus, hari ng mga Diyos, at si Europa, isang dalaga mula sa Syria. May bahid ng katotohanan ang nasabing kwento sapagkat sa pagitan ng 4,000 hanggang 3,000 BC, ang mga ninuno nila mula sa Anatolia (ngayo'y Turkey) at Syria ay naglayag at nanirahan sa mga kweba ng Crete. Kinalaunan ay kinakitaan ng teknolohiyang neolotiko batay sa kanilang mga kagamitan at sandatang binubuo ng kiskisang bato.
Ang kabisera ng kaharian ay matatagpuan sa Knossos, sa hilagang bahagi ng pulo. Sa paghuhukay ng isang arkelogong Ingles, si Sir Arthur Evans, noong 1899, natagpuan ang mga labi ng isang palasyong yari sa makinis na bato. Maraming palapag ang palasyo at may drainage system. Sa katunayan, isa sa mga silid nito ay may sariling paliguan at palikuran. Ang sining ng nasabing kabihasnan ay makikita sa ginawang palayok at sa mga fresco sa dingding ng palasyo. Madalas na nilalarawan sa mga fresco ang ritwal ng bull dancing. Ang mga gumaganap dito ay humaharap sa toro, dadakmain ang sungay, at matapos ay sisirko sa likod nito. Dito nag-ugat ang mito ng Minotaur at ang larong bull fighting ngayon.
Pagsapit ng 1,400 BC, bumagsak ang kabihasnang Minoan. Pinagpapalagay ni Dr. Floyd McCoy, isang volcanologist, na ang pagsabog ng Thera (ngayo'y isla ng Santorini) ang naging sanhi nito. Maliban sa tuluyang nawala ang Thera na istratehikong lugar pangkalakalan ng mga Minoan, tumama rin ang mga lindol at tsunami sa Crete. Nasundan pa ito ng climate change, kung kaya nawala ang kaayusan sa lipunang Minoan. Dahil dito, madali silang nasakop ng mga Mycenean.
Ang mga Mycenaean o Achean ay nagmula naman sa mga steppes ng Eurasia at nanirahan sa Pelopponesus noong 2,000 BC. Hango ang kanilang ngalan sa Mycenae, ang pangunahing lungsod nito. Noong nasakop nila ang Crete noong 1,400 BC, pinagpatuloy ng mga Mycenaean ang kalakalan dito. Dahil dito, nagkaroon ito ng kumpetensya laban sa Troy, isang lungsod sa Turkey malapit sa Hellespont. Nag-udyok ito ng digmaan sa pagitan ng dalawang lungsod na ikuwento ni Homer sa Iliad. Ngunit, imbes na kalakalan, bawal na pag-iibigan sa pagitan ng prinsipe ng Troy at reyna ng Sparta ang itinampok ng makata bilang ugat ng sigalot.
Ayon sa epiko, bumagsak ang Troy pagkatapos ng sampung taon matapos paniwalain ng mga Mycenaean na sumuko na sila at umalis. Ipinasok ng mga Trojan ang higanteng kabayong kahoy na mistulang regalo at sakripisyo ng mga Mycenaeans sa kanilang lungsod. Hindi nila alam na may mga sundalo pala sa loob. Kinagabihan, binuksan ng mga ito ang tarangkahan ng Troy at tuluyang kinubkob ang lungsod.
Ang mga guhong labi ng Mycenae at Troy ay natuklasan ni Heinrich Schliemann noong 1876-1878. Natagpuan sa Mycenae ang mga maskara, palamuti, at sandatang yari sa ginto. Isa na rito ang pinaniniwalaang mukha ni Agammemnon, ang pinakatanyag na hari nito. Dito rin nagsimula ang pagsamba kay Zeus, ang haring diyos ng ulan.
Dahil sa patuloy na pakikipagdigma ng mga Mycenaean sa isa't isa at sa mga Dorian mula sa hilagang Gresya, humina ang kabihasnan ilang taon matapos ang ika-13 siglo BC. Pumasok ang Gresya sa Panahon ng Kadiliman o Dark Ages mula 1,100 hanggang 800 BC.
Pagkatapos ng Panahon ng Kadiliman, bumangon ang mga lungsod-estado ng Gresya. Kolektibong tinawag ng mga Griyego na Hellenes ang kanilang lupain na hango sa Hellas, isang lugar sa hilagang-silangan ng Gresya, at kay Hellen, pinagpapalagay na ninuno ng mga Griyego.
Ang mga polis ay mga malalayang lungsod-estado ng Gresya. Ito ay may tatlong bahagi. Una, ang acropolis o ang mga templo na matatagpuan sa mga matataas na pook at napapalibutan ng mga pader. Ikalawa, ang agora o ang pamilihan na pinagpululungan din ng mga tao. Ikatlo ay ang mga nayon at ang mga daungan. Sa mga polis, ang dalawang nangunguna at nagtutunggalian ay ang Sparta at ang Athens.
Ang lungsod-estado ng Sparta ay matatagpuan sa katimugan ng Peloponnesus. Pinamumunuan ito ng isang hari, kasama ang isang konseho na binubuo ng limang mga ephor. Ang mga ephor ay pinipili sa pamamagitan ng bunutan upang maglingkod sa loob lamang ng isang taon.
Ang ekonomiya ng Sparta ay nakatuon sa militar at pang-aalipin. Pagkasilang pa lang ay sinisipat na kung malusog ang batang Spartan. Sinuman na mahina o may kapansanan ay pinapatay. Ang mga batang lalaki, pagsapit ng ikapitong taon ay pinapadala sa kampong militar. Sa pagsapit ng 20 taong gulang, maaari nang mag-asawa ang mga lalaki ngunit maninirahan pa rin sa kanyang kampo. Pagtutungtong pa lamang ng 30 taong gulang, kikilalanin ang kalalakihan bilang isang mamamayan at miyembro ng asemblea.
Ang mga kakabaihan ay may mataas na pagpapahalaga sa lipunang Spartan. Hindi man pinapadala sa mga kampo, sila ay sumasailalim din sa pagtuturo at palakasan. Sila ang namamahala ng kabuhayan ng kanilang sambahayan samantala ang kanilang mga asawa ay naglilingkod sa lungsod. Para sa mga Spartan, mas higit ang interes ng estado kaysa sa indibidwal.
Ang mga alipin o helot naman ay nanggaling sa Messenia na sinakop ng Sparta noong 725 BC. Ang kalahati ng ani ng mga tao rito ay binibigay sa Sparta. Nagtakang mag-alsa ng mga ito noong 600 BC. Dahil sa rebelyon na ito at sa mga banta mula sa mga karatig-polis, minabuti ng Sparta na maging pinakamagaling na hukbong panlupa sa sinaunang Gresya.
Ang lungsod-estado ng Athens ay matatagpuan sa kapatagan ng Attica. Dahil na naka-angkla ang ekonomiya nito sa pakikipagkalakalan, lumawak ang sigalot sa pagitan ng mayayaman at mahihirap. Umusbong ang dalawang uri ng pinuno: ang mga reformers at mga tyrants. Dahil sa papalit-palit na mga pinuno, nagkaroon ng mga pagbabago na pamahalaan. Isa na rito ang Code of Draco na nagpapataw ng mabibigat na parusa upang pumigil sa anumang krimen. At ang ostracism, kung saan boboto ang mga mamamayan ng isang tao na papalayasin sa paniniwalang maaari silang maging tyrant. At sa paglawig ng oportunidad sa mga mamamayan upang makilahok at makapaglingkod sa pamahalaan, mula sa aristokrasya ay nagkaroon ng sariling uri ng pamahalaan ang Athens: ang demokrasya.
Ang demokrasyang sumibol sa Athens ay direct democracy. Ang lahat ng mamamayan (lalaking edad 20 pataas) ay kalahok sa pagpapatakbo ng polis. Ngunit hindi itinuturing na mamamayan ang mga babae, alipin, at dayuhan. Pinipili ang pinuno sa pamamagitan ng bunutan at pinapalitan taon-taon upang lahat ay mabigyan ng pagkakataong mamuno.
Mas higit na mahalaga ang pagpapaunlad ng sarili kaysa sa estado sa Athens. Kung kaya, umunlad ang kulturang klasiko rito. Dahil sa kagalingan nito sa paglalayag, ito rin ay tinuturing na may pinakamagaling na hukbong pandagat sa sinaunang Gresya.
Sa pagpapalawig ng imperyo ng Persia, sinalakay ni Cyrus the Great ang Lydia sa Asia Minor noong 546 BC. Noong 499 BC, pinagpatuloy ni Darius I ng pagsakop ng mga kalapit na kolonyang Greek. Nagpadala ng tulong ang Athens ngunit natalo ito noong Labanan ng Miletus noong 494 BC. Nais maghiganti ni Darius I sa panghihimasok ng Athens sa pamamagitan ng pagsakop dito.
Noong 490 BC, umatake ang isang plotang Persyano sa kapatagan ng Marathon. Ngunit, natalo ng mga Athenian ang mga Persyano. Upang maiparating ang balita, inatasan si Philippides na tumakbo ng 150 milya papuntang Athens. Pagkarating, kanyang isinigaw na "Magbunyi, nanalo tayo!" bago bawian ng buhay. Ang larong marathon ay pag-alala sa kanyang sakriprisyo.
Pinangunahan ni Xerxes, anak ni Darius I, ang muling pagsalakay sa Gresya noong 480 BC. Ngunit, kailangan nilang tawirin ang paso ng Thermophylae na noo'y hinarangan ng 300 Spartans at 700 Griyego. Sa pangunguna ni Haring Leonidas, pinagtanggol nila ito laban sa 150,000 Persyano sa loob ng tatlong araw. Ngunit natalo sila noong tinuro ni Ephialtes, isang pastol na Griyego, ang isang daan paikot ng paso.
Nawalan ng hari ang Sparta at nasunog ang Athens. Ngunit nakalikas ang mga Athenians sa Salamis at nakapaghanda ng hukbong pandagat sa pangunguna ni Themistocles. Noong 480 BC, nanalo ang mga Athenian sa pamamagitan ng paggamit ng mga kipot upang patibong sa plota ng Persya.
Dahil sa pagkatalo sa Salamis, iniwan ni Xerxes ang hukbo upang balik ng Asia Minor. Dito, sa pinagsamang pwersa ng Athens, Sparta, at lahat ng polis, tuluyang nagapi ang Persia noong 479 BC sa kapatagan ng Plataea. Dahil dito, napigilan ang paglawig ng Imperyong Achaemenid sa Europa. Ang pagpanalo rin ng Athens sa ilang mahahalagang labanan ang nakakuha ng paghanga ng mga polis at magtatawid sa Ginintuang Panahon nito.
Dahil sa pangambang dulot ng Persya, nagpulong ang mga kinatawan ng 140 polis ng Gresya sa isla ng Delos. Nagkasundo ito sa isang alyansa na tinaguriang Delian League. Sa pangunguna ng Athens, naitaboy ang mga Persyano sa iba pang teritoryo malapit sa Gresya. Gayundin, nakapagpagawa ng mga barkong pandigma na pumoprotekta sa mga polis. Ngunit, ginamit din ito ng Athens upang maningil ng buwis, mangamkam ng lupain, at kunin ang pinakamagagandang pakinabang sa kalakalan. Sa pagiging imperyong pagkalakalan ng Athens ay narating ang ginintuang panahon nito. Ngunit noong pahimasukan na nito ang Sparta, ang alitan ay nagbunsod sa pagsasama-sama ng mga polis ng Pelopponesus. Sa pangunguna ng Sparta, sumalakay ang Pelopponesian League sa Athens noong 431 BC.
Dahil sa angking galing ng hukbong panlupa ng Sparta, iniutos ni Pericles na manirahan ang kanyang mga mamamayan sa moog ng Athens. Ang kanilang pangangailangan ay patuloy na natutugunan sa pamamagitan ng pakikipagkalakalan sa mga kolonya at kaalyado nito. Umiiwas din ang hukbong pandagat nito sa hukbo ng Sparta, bagkus ay sinasalakay ang mga kaalayado nito. Ngunit sa pagkakaroon ng Plague of Athens, marami ang nasawi, kabilang na si Pericles.
Matapos ng maraming taon, sumuko ang Athens sa Sparta noong 404 BC. Ngunit, nagpatuloy pa rin ang digmaan hanggang bumagsak din ang Sparta noong 371 BC. Sa huli, ang lahat ng mga polis ay mahina at hiwa-hiwalay.
Nang maging hari ng Macedonia si Phillip II noong 359 BC, ninais niyang sakupin ang buong Gresya. Pinalakas niya ang kanyang phalanx at kabalyero. Dahil dito, nagkasundo ang Thebes at Athens na pigilan si Phillip II. Ngunit, sila'y nagapi sa Labanan ng Chaeronia noong 338 BC. Kinilala si Philip II na hari ng buong Gresya. Ngunit bago niya pa maisakatuparan ang pangarap na salakayin ang Persya, siya'y sinaksak ng dating bantay noong 336 BC. Ang humalili sa kanya ay ang anak na si Alexander.
Sa edad na 20 taong gulang ay humalili si Alexander sa trono. Mula pagkabata ay sinanay na siya sa pangangabayo, pakikipaglaban at palakasan. Samantala, ang pilosopong si Aristotle na nagturo sa kanya sa agham, heograpiya, at panitikan. At ang bayaning si Achilles ng Iliad ni Homer ang nagsilbing idolo ni Alexander.
Nagtangka muling hamunin ng Thebes at Athens ang kapangyarihan ng mga Macedonian. Dahil dito, winasak ni Alexander ang dalawang polis. Kapalit naman ng suporta ng buong Gresya, tinawid ni Alexander at ng kanyang hukbo ang Hellespont, hudyat ng simula sa paghihiganti laban sa Persya.
Nakita nila Alexander na may rumurondang hukbo ng mga Persyano sa pampang ng ilog. Datapwat pinayuhan ng kanyang mga heneral na ipagpabukas na lang ang pag-atake, sinupresa ni Alexander ang mga kalaban. Sa pagkabigla ay natalo ang mga Persyano. Pagkatapos nito, pinalaya niya ang mga polis sa Asia Minor.
Upang pigilan si Alexander, pinamunuan ni Darius III ang labanan sa Issus. Ngunit dahil ang Issus ay nasa pagitan ng kabundukan at babayin, hindi nagamit ni Darius III ang dami ng kanyang hukbo kumpara sa istratehiyang phalanx ni Alexander. Dahil dito, tumakas si Darius III at naiwan ang kanyang pamilya na siyang inalagaan ni Alexander. Pagkatapos nito ay nasakop ni Alexander ang Ehipto. Pinadalhan siya ng sulat pangkapayapaan ni Darius III ngunit tumanggi ito.
Dahil natuto sa pagkakamali sa Issus, pinili ni Darius III ang kapatagan ng Gaugamela kasama ang nakalap na hukbo sa buong imperyo. Ngunit, gamit ang mga taktikang Macedonian, naikalat ni Alexander ang hukbo ni Darius III at muling sumugod sa hari. Muli itong tumakas na hudyat ng pagkapanalo ng Gresya. Sinakop ni Alexander ang Persepolis at sinunog ito, tulad ng ginawa ng mga Persyano sa Athens. Tinugis ni Alexander si Darius III ngunit natagpuan niya na lamang itong patay sa ilalim ng mga basahan sa gitna ng disyerto.
Tumulak pa ring pasilangan sila Alexander hanggang marating nila ang lambak ng Indus noong 327 BC. Sa ilog Hydaspes, napahinto sila ni Haring Porus. Dahil dito, hinimok ng mga sundalo si Alexander na bumalik na sa Gresya. Noong 323 BC, nakabalik si Alexander ng Babylon kung saan siya namatay. Sa kanyang huling sandali, tinanong siya ng kanyang mga heneral kung sino ang magmamana ng trono. Aniya, "sa pinakamalakas". Ngunit sa kanyang pagkamatay, hinati ang imperyo sa apat niyang heneral.
De Viana, A.V., et. al. 2010. Pagtanaw at Pag-unawa sa Daigdig. Makati City: Diwa Learning Systems Inc. pp. 76-93.
Discovery Channel. (1996). Conquerors: Alexander The Great [DVD].
British Broadcasting Company. (2001). Ancient Apocalypse: Mystery of the Minoans [DVD].
Mateo, G.C., et. al. 2006. Kabihasnang Daigdig: Kasaysayan at Kultura. Quezon City: Vibal Publishing House, Inc. pp. 112-121.
Si Bb. Mara Danica Ramos ang tagapagpayo ng KKK. Siya ay nagtapos ng B Secondary Education (Social Studies) sa UP Diliman. Siya ay kasalukuyang nagtuturo ng Araling Panlipunan 8 at 9 sa Pambansang Mataas na Paaralang Pang-agham ng Lungsod ng San Jose del Monte.