Sino ang hindi nakakakilala kay Aamir Khan, ang bida sa pelikulang 3 Idiots, Taare Zameen Par, at PK? O mamangha sa ganda ng Taj Mahal? O hindi kaya inusisa kung ano ba talaga ang T-Series na noo'y naging mahigpit na kalaban ni Pewdiepie sa pataasan ng YouTube subscribers?
Sila ay makikita sa subkontinente ng India. Ang matandang kasaysayan nito ang bagong tuklas sa larangan ng arkeolohiya na maski ang sistema ng pagsulat ay hindi nauunawaan sa ngayon.
Ang lambak-ilog ng Indus ay matatagpuan sa hilagang bahagi ng subkontinente ng India. Sa hilaga nito ay ang mga bulubundukin ng Hindu Kush, Karakoram, at Himalayas na pinagmumulan ng tubig ng ilog. Sa kanluran nito ang mga bulubundukin ng Sulayman at Kirthar Range. At sa silangan naman nito ay ang disyerto ng Thar.
Agrikultura ang kabuhayan ng mga tao. Ang mga pangunahing produkto ay trigo, barley, palay, at bulak. Nag-alaga rin sila ng baka, kambing, tupa, kalabaw, at elepante. Gayundin, nakipagkalakalan sila sa Mesopotamia, ivory, turquoise, bulak, butil, at tela kapalit ng metal, tabla, at brilyante.
Noong 2700 BCE, mahigit na 100 lungsod ang naitatag sa pampang ng Indus na gawa sa laryo. Pinakatanyag sa mga ito ang mga lungsod ng Kalibangan, Harappa, at Mohenjo-Daro.
Ang mga lungsod na ito ay masukat na may isang milya kwadrado at tinatayang pinanahanan ng 40,000 katao. Katangi-tangi ang mga ito sapagkat kakikitaan ang mga ito ng planong grid system ang mga gusali at kalsada. Gayundin, may palikuran ang bawat kabahayan na kauna-unahang sewer system sa kasaysayan.
Ito ay matatagpuan sa kasalakuyang Punjab na bahagi ng Pakistan.
Ito ay matatagpuan sa katimugang bahagi ng ilog Indus.
Ang kalinisan ay sentro sa kanilang buhay. Ang Great Bath ng Mohenjo-Daro ay pinagpapalagay na ginamit para sa pagdadalisay para sa mga seremonyang panrelihiyon. Gayundin, ito ay pagkilala sa ilog bilang nagpapanatili sa kanilang kabuhayan. Makikita ang impluwensyang ito sa mga sumunod na kaugalian sa India.
Ang mga taga-Indus ay nagtatag din ng daungan sa dagat ng Arabia at naglakbay patungong golpo ng Persia upang makipagkalakalan sa Mesopotamia magmula 2300 BCE. Sa katunayan, ang mga selyong Harappan ay natagpuan sa Sumer. Ito ay naglalaman ng mga pictogram na hindi pa rin matukoy ang kahulugan. Pinagpapalagay na ito ay marka ng mga mangangalakal upang itatak sa kanilang mga produkto.
Palaisipan ang biglang pagbagsak ng mga lungsod sa Indus. Unang haka-haka ang pagkakaroon ng isang malaking lindol na nagpabago sa landas ng ilog. Ito ang nagtulak sa mga tao na mangibang-lugar. Ikalawa ay ang labis na paggamit ng likas na yaman. Ikatlo, ang pananalakay ng mga Aryan ang nagpalisan sa mga taga-Mohenjo Daro at sumira sa Harappa noong 1500 BCE.
Mula sa Gitnang Asya, kumalat ang lahi ng mga Aryan ("puro" sa Sanskrit) pakanluran sa Europa at patimog-silangan sa Persia at India. Sila'y dumaan sa Kyber Pass at nakapasok sa lambak ng Indus noong 1500 BCE. Kanilang dala ang wikang Sanskrit na kabilang sa language family ng Indo-European.
Ang kanilang pamumuhay ay makikita sa apat na sagradong aklat na tinatawag na Vedas ("kaalaman" sa Sanskrit). Ito ay tinipong kasulatan ng mga himno (Samhitas), ritwal (Brahmanas), pagninilay (Aranyakas), at pilosopiya (Upanishads). Dito rin makikita ang kanilang mga diyos at kaayusang panlipunan na pundasyon ng Hinduismo.
Ang Hinduismo ang tinuturing na pinakamatandang relihiyon sa mundo. Naniniwala sila sa isang pinakamataas na diyos, si Brahma, na kinakatawan ng iba't ibang mga diyos at diyosa. Sa tatlong anyo siya pinakakilala, ang trimurti.
Brahma
Siya ang diyos na gumawa ng mundo at lahat ng nilalang. Ang kanyang apat na ulo ay kumakatawan sa apat na Vedas o apat na kasta.
Vishnu
Siya ang diyos na nagpapanatili sa sanlibutan. Siya ay kilala sa kanyang sampung avatars, partikular na sila Rama, Krishna, at Buddha. Sa kanyang huling avatar, si Kalki, sinasabing siya'y darating sakay ng puting kabayo.
Shiva
Siya ang diyos ng pagkasira upang buuin ulit ang mundo. Siya rin ang diyos ng pagsayaw. Sa huli niyang sayaw ang magpapagunaw sa mundo. Ito ay para mabago at maalis ang kasiraan sa sanlibutan.
Sentro sa katuruan ng Hinduismo ang ugnayan ng atman (kaluluwa ng tao) at Brahman (kaluluwa ng mundo). Upang makamit ang moksha (o ganap na pagkaunawa sa ugnayan ng atman at Brahman), kailangan matakasan niya ang samsara (o siklo ng pagsilang, pagkamatay, at muling pagkabuhay). Ang pagkabuhay-muli ng inkarnasyon ay batay sa kanyang karma o kanyang ginawa sa nakaraan niyang buhay.
Ang dalawang dakilang epiko ng India ay nagmula sa mga buhay ni Vishnu bilang avatar sa katauhan ni Krishna at Rama.
Ito ang pinakamahabang tula sa buong mundo na binubuo ng 90,000 taludtod. Ito ay kwento ng pagtatagumpay ng mga magkakapatid na Pandavas laban sa pinsan nilang Kauravas. Nakapaloob dito ang Bhagavad-Gita, ang pag-uusap ni Krishna at Arjuna. Pinapakita rito ang dharma, o tungkulin, na dapat sundin ng mga Hindu.
Ito ay kwento ni Rama, ang ikapitong avatar ni Vishnu. Ang kanyang reyna na si Sita ay dinukot ng pinuno ng mga demonyo na si Ravana. Sa kanyang pagsagip sa asawa ay nalinis niya ang mundo mula sa mga demonyo.
Ang sistemang kasta ay hango sa salitang Portuguese na ibig sabihin ay "angkan". Layunin nito na ihiwalay ang mapuputi at matatangkad na Aryano sa mga Drabidyano na maitim ang kulay. Ito ay ang mga Brahmin (kaparian), Kshatriya (maharlika at mandirigma), Vaishya (mga mangangalakal at magsasaka), at Shudras (mga hindi Aryano). Maliban pa roon, may pangkat ng tao na hindi tinuturing na kabilang sa sistemang kasta. Sila ay ang mga dalit o outcaste o untouchable. Pinakamababa ang antas nila sa lipunan sapagkat tinuturing na hindi malinis ang kanilang trabaho.
Ang Budismo ay nagmula sa mga katuruan ni Siddharta Gautama, na tinaguriang Buddha o "naliwanagan". Ang prinsipe ng tribong Shakya sa Kapilavastu, sinasabing siya'y pinaglihi mula sa lotus flower na inilagay ng puting elepante na may walong tusk sa sinapupunan ng kanyang ina. Ang marka ng gulong sa kanyang paanan ay pinagpapalagay na tadhana niya, ang maging emperador o maging Buddha.
Namatay ang kanyang ina sa panganganak, kung kaya pinalaki siya ng kanyang ama sa luho. Ngunit, minsang makalabas siya sa palasyo ay namulat siya sa pagdurusa sa mundo.
Unang beses niyang makakita ng matanda, maysakit, at namatay. Sa dulo, nakakita siya ng isang monghe na nagtulak sa kanya upang lisanin ang palasyo at maglagalag sa India. Nais niyang maliwanagan upang matakasan ang Samsara.
Sa pagninilay sa ilalim ng punong Bo sa loob ng 49 na araw, tila narating niya ang kaliwanagan. Nakabatay ito sa kanyang "Apat na Dakilang Katotohanan".
Ang buhay ay puno ng pagdurusa at kalungkutan.
Ang dahilan ng pagdurusa ay ang paghahangad at pagnanasa ng tao sa mga materyal na bagay.
Ang pagwawaksi sa pagnanasa ay kailangan upang mawakasan ang pagdurusa.
Ang pagkakamit ng nirvana ay sa pagtahak sa daan ng Eightfold Path o Middle Way.
Ang Eightfold Path ay ang mga sumusunod:
Wastong pananaw
Wastong hangarin
Wastong pananalita
Wastong kasalan
Wastong pamumuhay
Wastong pagsusumikap
Wastong pag-iisip
Wastong pagmumuni-muni
Marami ang narahuyo sa katuruan ni Buddha dahil sa ibang paraan nito sa paglaya mula sa Samsara at hindi pagtalima nito sa sistemang kasta. Kalaunan, sa pagkalat nito ay nahati ito sa dalawang pangkat.
Theravada
Naniniwala lamang sila sa makasaysayang Buddha at sa kanyang mga katuruan. Ito ay lumaganap sa Sri Lanka, Thailand, Burma, Cambodia, Laos, at iba pang bansa sa Timog-Silangang Asya.
Mahayana
Bukod sa Buddha, naniniwala rin sila sa Amithaba, Bodhisattva at mga medicine Buddha. Ito ay lumaganap sa China, Tibet, Japan, Korea, Mongolia, at sa ilan ding bansa sa Timog-Silangang Asya.
Namatay ang Buddha dahil sa katandaan at sakit na dulot ng nasirang baboy sa edad na 80. May paniniwala rin sa Hinduismo na siya ang Buddha, ang ika-9 na avatar ni Vishnu.
Ang tribong Shakya na kinabibilangan ng Buddha ang namumuno sa Kosala. Isa ito sa 16 na kahariang Aryan na sumibol. Ang isa ay ang Magadha, ang pinakamatatag at masaganang kaharian. Sa ilalim ni Bimbisara namuhay ang Buddha. Kilala siya bilang magaling na pinuno.
Ngunit sumalakay ang hukbong Achaemenid sa pamumuno ni Cyrus ang Dakila kung kaya napailalim ang lambak ng Indus at Punjab noong 518 BCE. Noong tinalo naman ni Alexander ang Dakila ang mga Persyano, nagpatuloy siya sa India noong 327 BCE. Ngunit sa madugong labanan sa Hydaspes, datapwat nanalo ay malaking pinsala ang natamo nila Alexander laban kay Haring Porus ng mga Pauravas. Nagbantang mag-alsa ang kanyang mga kawal dala ng pagod at layo ng paglalakbay kung kaya lumisan sila ng India.
Mula sa 322 BCE, nakontrol ni Chandragupta Maurya ang kaharian ng Magadha at sinakop ang mga lupain ni Alexander. Siya ay nasundan ng mga magagaling pang pinuno na sila Bindusara at Ashoka bago nagkawatak-watak ang imperyo noong 232 BCE.
Makalipas ng 500 na taon, lumitaw muli sa Magadha ang isang magaling na pinuno, si Chandragupta I noong 320 BCE. Sa ilalim ng mga Gupta naabot ng imperyo ang ginintuang panahon nito, lalo na sa matematika, agham, at pantikan.
Isa sa mga pinakamahuhusay na pinuno ng daigdig si Asoka ng Maurya. Pinagpatuloy niya ang pagpapalawak ng imperyo mula sa amang si Bindusara. Ngunit, sa digmaan laban sa mga Kalinga ng Odessa noong 261 BCE, tinatayang 100,000 ang nasawi. Magmula noon, iwinaksi niya ang digmaan at karahasan. Pinag-aralan niya ang Budismo, na noo'y paniniwala ng asawa na kabilang sa tribong Shakya. Umusbong ang kaisipang ahimsa o pag-iwas sa karahasan at paggalang sa buhay.
Itinuon niya ang kanyang pamumuni sa pagsasaayos ng imperyo. Nagpagawa ng mga kalsada at patubigan. Nagpatayo rin siya ng mga haligi at poste kung saan nakasaad ang kanyang mga kautusan ukol sa pagtaguyod ng kabutihan.
Sa kasamaang palad, sa kanyang pagkamatay noong 232 BCE ay nagsimulang humina ang imperyo sa kamay ng mahihinang hari.
Pagsapit ng ikaanim na siglo CE, humina at nasakop ng mga Hun (o White Huns) na maaaring mga Iranian o Turk mula sa Gitnang Asya. Ngunit nasadlak muli sa kaguluhang pulitikal at nagkawatak-watak ang mga estado. Ilang mga siglo pa ang dumaan bago naitatag ng mga Muslim sa pangunguna ni Babur ang Imperyong Mogul sa India noong ika-16 siglo.
Si Jalaluddin ay inapo ni Babur at anak ni Humayun. Sa edad na 13 ay kinoronahan siyang emperador. Sa kanyang pagpapalawak ng kanyang imperyo, maliban sa pakikipagdigma, ay nakipag-asawahan siya sa mga prinsesang Hindu para sa politikal na alyansa. Kanya ring nirespeto ang lahat ng relihiyon sa ilalim ng kanyang pamumuno, katunayan dito ang pilgrim tax na pinapataw sa mga Hindu upang sumamba sa kanilang mga banal na lugar. Dahil sa tila pag-iisa ng mga Muslim at Hindu ay tinagurian siyang Akbar o Dakila.
Si Shah Jahan ay inapo ni Akbar at anak ni Jahangir. Matalino at magaling sa pakikipagdigma, kanyang nakuha ang trono matapos mamatay ang kanyang ama dahil sa lulong sa bisyo. Kanyang napangasawa noong siya'y "Prinsipe Khurram" si Mumtaz Mahal, na noon di'y 14 taon gulang pa lamang. Hindi mapaghiwalay ang dalawa dahil sa kanilang pagmamahalan. Subalit, sa pagkasilang ng ika-14 nilang anak, namatay si Mumtaz Mahal. Bilang arkitekto, pinagawa ni Shah Jahan ang Taj Mahal bilang mausoleo sa kanya at kanyang asawa.
Ngunit hindi pa man namamatay si Shah Jahan ay inagaw na ng anak na si Aurangzeb ang kapangyarihan. Ikinulong siya, tanaw lamang ang Taj Mahal hanggang mamatay.
Samantala, datapwat napalawak ni Aurangzeb ang sakop ng imperyo, kabaliktaran siya ni Akbar. Nagdeklara siya ng jihad sa mga pinamumunuang Hindu. Samantala, ang mga Hindu naman ay lumaban pabalik sapagkat tinatanaw nila ang mga Mughal bilang mga dayuhang mananakop, gayundin ang pagkakaiba ng relihiyon ng mga ito.
Sa pagkamatay ni Aurangzeb, tuluyang humina ang imperyo hanggang masakop ng mga Portuguese at mga British ang India.
Alexander the Great. (2021). Retrieved 3 September 2021, from https://www.history.com/topics/ancient-history/alexander-the-great#section_10
Bhagavadgita | Definition, Contents, & Significance. (2021). Retrieved 25 August 2021, from https://www.britannica.com/topic/Bhagavadgita
BBC - Religions - Hinduism: Brahma. (2021). Retrieved 25 August 2021, from https://www.bbc.co.uk/religion/religions/hinduism/deities/brahma.shtml
BBC - Religions - Hinduism: Scripture. (2021). Retrieved 25 August 2021, from https://www.bbc.co.uk/religion/religions/hinduism/texts/texts.shtml
BBC - Religions - Hinduism: Shiva. (2021). Retrieved 25 August 2021, from https://www.bbc.co.uk/religion/religions/hinduism/deities/shiva.shtml
BBC - Religions - Hinduism: Vishnu. (2021). Retrieved 25 August 2021, from https://www.bbc.co.uk/religion/religions/hinduism/deities/vishnu.shtml
Dailymotion. (2012). The Life of Gautama Buddha. Dailymotion. https://www.dailymotion.com/video/xq46em.
Doniger, W. (2020, May 27). Mahabharata. Encyclopedia Britannica. https://www.britannica.com/topic/Mahabharata
Hindu gods – the trimurti - Nature of God and existence in Hinduism - GCSE Religious Studies Revision - Eduqas - BBC Bitesize. (2021). Retrieved 25 August 2021, from https://www.bbc.co.uk/bitesize/guides/z44bcj6/revision/3#:~:text=3%20of%205-,Hindu%20gods%20%E2%80%93%20the%20trimurti,and%20Shiva%20is%20the%20destroyer.
Lopez, Donald S.. "Buddha". Encyclopedia Britannica, 19 Feb. 2020, https://www.britannica.com/biography/Buddha-founder-of-Buddhism. Accessed 3 September 2021.
Mahal, T., Mughals, T., & Jahan, S. (2021). Biography of Shah Jahan. Retrieved 3 September 2021, from https://www.wonders-of-the-world.net/Taj-Mahal/Shah-Jahan.php
Si Bb. Mara Danica Ramos ang tagapag-ugnay ng Departamento ng Araling Panlipunan. Siya ay nagtapos ng B Secondary Education (Social Studies) sa UP Diliman. Siya ay kasalukuyang nagtuturo ng Araling Panlipunan 8 at 9 sa Pambansang Mataas na Paaralang Pang-agham ng Lungsod ng San Jose del Monte