Nais niyo bang manguna sa isang paglalakbay? Kagaya ni Monkey D. Luffy, maging tanyag na manlalayag at makarating sa Grand Line, kung saan naghihintay ang kayamanan? Tulad ni Luffy, nangarap din ang mga Europeo na maglakbay. Sa kanilang paggalugad, nakabuo sila ng mga bagong rutang kalakalan, nakadiskubre ng mga panibagong lupain, at nakapag-uwi ng mga laksa-laksang pampalasa. A whole New World, ika nga.
Dahil sa kaisipang merkantilismo, nais ng mga bansa na magkaroon ng maraming bullion (ginto at pilak) gayundin ang mga rekado (asukal, tsokolate, pampalasa) at seda. Dahil kontrolado ng mga Venetian ang rutang pangkalakalan papuntang Asya, ninais ng ibang Europeo na maghanap ng ibang ruta upang makinabang din mula sa Asya.
Itinuturing ng mga Kristiyano na pagsunod sa Great Commission ang pagpapalaganap ng ebanghelyo sa iba pang dako ng daigdig. Gayundin, karugtong din ito ng tunggalian laban sa mga Muslim, kagaya nang Krusada noong simula ika-11 siglo at ang Reconquista na bumawi sa Iberian Peninsula mula sa mga Muslim.
Dahil sa humanismong pananaw ng Renaissance, ang espiritu ng kuryosidad ang nagtulak sa mga bansang Europeo na magtiwala sa kanilang kakayahan at umangkin ng karangalan para sa sarili at sa kanilang bansa.
Dahil sa mga suportang nilaan ng mga hari, umunlad ang teknolohiya kaya naging posible ang mga malayuan paglalakbay.
Mapa - Sa bawat paglalakbay ay nakakagawa ng mga panibagong mapa batay sa mga nadidiskubreng bagong ruta at lupain.
Astrolabe - Sa gitna man ng karagatan, nalalaman ng mga manlalayag ang kanilang posisyon sa pamamagitan ng pagkuha ng anggulo ng araw, buwan, at mga bituin.
Compass - Kahit maulap o gabi, natutukoy ng mga mandaragat ang direksyon ng hilaga upang maiayon ang landas na tinatahak ng kanilang mga barko.
Caravel - Ito ay sasakyang pandagat ng mga Portuguese na may tatlo o apat na poste kung saan nakakabit ang mga layag. Dahil sa laki ng layag, kaya nitong itulak ang malaking barko. Kaya nitong maglulan ng mas maraming tao, gamit, at mga kanyon na nababagay sa malayuang paglalayag.
Mapa
Astrolabe
Compass
Caravel
Naging magkaribal ang makalapit-bansa na Portugal at Espanya sa pagdiskubre ng mga bagong lupain. Dahil dito, namagitan si Papa Alexander VII. Noong 1494, nagkaroon ng kasunduan na nilagdaan sa Tordesillas. Nagkaroon ng meridian na may 370 liga pakanluran ng Azores o Cape Verde Islands. Ito ang naghahati sa mundo sa dalawa, maaaring ariin ng Espanya ang mga madiskubreng lupain sa kanluran at Portugal sa silangan.
Dahil sa istratehikong lokasyon nito na nakaharap sa karagatang Atlantiko, nanguna ang Portugal sa mga bansang Europeo sa paggalugad. Nakatagpo rin ng patron ang mga manlalayag na Portuguese sa katauhan ni Prinsipe Henry the Navigator.
Prinsipe Henry the Navigator
Upang mapalaya ang mga Kristiyanong alipin sa Aprika at makahanap ng bagong teritoryo sa Asya, sinuportahan ng prinsipe ang mga manlalayag na Portuguese. Nagpatayo rin siya ng paaralan sa nabigasyon sa Sagres. Kaya, ginawaran siya ng titulong navigator dahil sa pagiging patron ng mga ito.
Mga Manlalayag sa Ngalan ng Portugal
Bartolomew Dias - Siya ang unang nakaalpas sa Cape of Good Hope noong 1488.
Vasco da Gama - Siya ang unang Europeong nakarating sa India sa pamamagitan ng dagat noong 1498.
Pedro Cabral - Siya ang nangolonya ng Brazil noong 1500.
Alfonso de Albuquerque - Nakapagtatag ng mga base sa Hormuz sa Golpo ng Persia, Goa sa India, at Malacca sa Tangway ng Malaya.
Bartolomew Dias
Vasco da Gama
Pedro Cabral
Alfonso de Albuquerque
Hindi nagpahuli ang Espanya sa kalapit-bansa nito. Kababangon pa lamang nito mula sa Reconquista ngunit agad itong sumuporta ng mga sarili nitong manlalayag. Pati ang mga dayuhang manlalayag na tinanggihan ng Portugal ay sumugal ang Espanya. Dahil dito, mas maraming nadiskubreng ruta at lupain ang mga Espanyol.
Haring Ferdinand II ng Aragon at Reyna Isabella ng Castille
Sa ilalim ng pamumuno ng mag-asawang ito napag-isa ang buong Espanya at napalayas ang mga Muslim at Hudyo sa bansa sa pamamagitan ng Reconquista. Dahil dito, nabaling na nila ang atensyon sa pagpapalawak ng kanilang teritoryo. Nagsimula ito sa pagpopondo sa ekspedisyon ni Christopher Columbus na lumaon ay nagtaguyod sa Espanya bilang isang global empire.
Mga Manlalayag sa Ngalan ng Espanya
Christopher Columbus - Siya ay isang Italyano na naglayag pakanluran upang marating ang India. Narating niya ang mga isla ng San Salvador, Cuba, at Hispaniola noong 1942. Tinawag niyang Indian ang mga katutubo. Ngunit noong 1521, napatunayan ni Amerigo Vespucci na bagong kontinente ang narating ni Columbus na tinawag niyang Bagong Mundo na lumaon ay pinangalan sa kanya, ang Amerika.
Ferdinand Magellan - Siya ay isang Portuguese na nanguna sa ekspedisyon na unang nakaikot sa mundo. Narating niya ang Pilipinas noong 1521 ngunit napaslang siya ng mga katutubo sa Mactan sa pangunguna ni Lapu-lapu.
Hernando Cortez - Siya ang nanguna sa mga conquistador papuntang Mehiko noong 1519. Dahil sa maputing nilang balat, napagkamalang diyos ang mga Espanyol ng pinuno ng mga Aztec na si Moctezuma II. Bumagsak ang Tenochtitlan dahil sa epidemya ng bulutong, pang-aalipin, digmaan, at pagsasamantala ng mga Espanyol.
Francisco Pizarro - Siya naman ang nanguna sa mga conquistador papuntang Timog Amerika noong 1532. Nabihag nila ang pinunong si Atahuallpa at pinatubos ng tatlong silid na puno ng ginto at pilak. Datapwat. binitay pa rin nila ito at tuluyang sinakop ang imperyo.
Christopher Columbus
Ferdinand Magellan
Hernando Cortez
Francisco Pizarro
Binigyan ng karapatan ng Inglatera ang English East India Company upang isulong ang interes nito sa pakikipagkalakalan. Ngunit hindi agad ito nakapagtatag ng kolonya sa Hilagang Amerika dahil sa digmaan nito laban sa Espanya. Noong 1607, nakapagtatag ng unang pamayanang Ingles na tinawag na na Jamestown. Lumaon, nagkaroon ng 13 kolonya sa silangan ng Amerika. Ito ay ang Virginia, Maryland, North Carolina, South Carolina, Georgia, Delaware, New Jersey, Pennsylvania, New York, Rhode Island, Connecticut, Massachusetts, at New Hampshire. Sila ang magiging orihinal na United States of America.
Kung ang mga Espanyol ay nakahanap ng ruta sa ilalim ng Timog Amerika, tinangka namang hanapin ito sa hilaga ng Hilagang Amerika. Kung kaya, sa paggalugad ni Jacques Cartier ay narating niya ang silangang bahagi ng Canada. Pinangalanan niyang St. Lawrence River ang binagtas na ilog. Sinundan siya ni Samuel de Champlain na nagtatag sa Quebec noong 1608. Pinangalanan naman ni Rene-Robert Cavelier ang teritoryong naggalugad sa ilog Mississippi na Louisiana bilang alay kay Haring Louis XIV.
Noong nakalaya ang Netherlands sa pananakop ng Espanya noong 1581, tinatag nila ang Dutch East India Company upang agawin ang kontrol ng Portuguese sa kalakalan sa Asya. Noong nagtagumpay sila, kanilang tinawag ang mga kolonyang ito na Dutch East Indies na kasalukuyang Indonesia. Samantala, nakuha naman ng Dutch West India Company ang New Netherlands (kalaunang tinawag na New York City) at ang mga pulo ng Guyana at Suriname.
Higit pa sa pagkakalakalan ang ibinunsod ng paggalugad ng mga Europeo sa Bagong Mundo. Tinagurian itong Columbian Exchange, kung saan nagkaroon ng pagpapalitan ng mga halaman, hayop, lahi, at sakit.
Dahil sa palitan ng halaman at hayop, mas dumami ang dami at pagpipiliang pagkain. Mas dumami tuloy ang populasyon sa Europa.
Dahil sa lumolobong populasyon ng Europa, nahikayat ang iba na manirahan sa mga kolonya. Naging posible ang pagpapangasawahan ng magkakaibang lahi na tinatawag na mestizo. Ngunit, dahil sa mataas na tingin ng mga Europeo sa kanilang mga sarili, nagbunsod din ito sa racism laban sa mga katutubo.
Ang mga katutubo naman ay bumaba ang populasyon dahil sa mga sakit, digmaan, at pang-aalipin na bunsod sa pagdating ng mga Europeo. Datapwat hindi alintana ng mga imperyong Asyano tulad ng Tsina at India ang presensya ng mga Europeo, bumagsak naman ang mga imperyo sa Amerika tulad ng Aztec at Inca.
Tumaas naman ang presyo dahil sa pagdami ng bullion. Nabuwag din ang monopolyo ng mga Venetian sa kalakalang Asya-Europa. Kung kaya naging sentro ng kalakalan ang Europa.
Maraming karagdagan sa kaalaman ang binunsod ng panahon. Sa circumnavigation ng ekspedisyong Magellan-El Cano napatunayan na bilog ang mundo. Ang mga bagong halaman, hayop, at lahi ang nagpaunlad sa pag-aaral sa mga ito. Ngunit dahil sa mababang pagtingin ng mga Europeo at sa ngalan ng relihiyon, halos nabura naman ang kultura ng mga katutubong kanilang sinakop.
Azcona, T. de (2021, March 6). Ferdinand II. Encyclopedia Britannica. https://www.britannica.com/biography/Ferdinand-II-king-of-Spain
De Viana, A.V., et. al. 2010. Pagtanaw at Pag-unawa sa Daigdig. Makati City: Diwa Learning Systems Inc. pp. 163-168.
Mateo, G.C., et. al. 2006. Kabihasnang Daigdig: Kasaysayan at Kultura. Quezon City: Vibal Publishing House, Inc. pp. 232-240.
Si Bb. Mara Danica Ramos ay ang AP Coordinator ng Pambansang Mataas na Paaralang Pang-agham ng Lungsod ng San Jose del Monte. Siya ay nagtapos ng B Secondary Education (Social Studies) sa UP Diliman at ngayo'y nag-aaral ng Diploma in Social Studies Education sa UP Open University. Siya ay kasalukuyang nagtuturo ng Araling Panlipunan 8 at 9.