Alam niyo ba ang pinagmulan ng mga pangalan ng Teenage Mutant Ninja Turtles? Bakit nais ng mga tao na pumunta sa Venice? Bakit patok ang kanta ni Taylor Swift na Love Story?
Ang pagtatapos ng Gitnang Panahon ay kinakitaan ng mga digmaan at pandemya ng Bubonic Plague. Dahil din sa tuminding katiwalian sa Simbahang Katolika, ibinaling ng mga tao ang pananalig sa kanilang sarili. Binalikan nila ang mga sinaunang kabihasnan ng Gresya at Roma. At ang muling pagsigla ng kalakalan ang naghudyat sa "muling pagsilang" ng Europa mula sa madilim na panahon nito. Sa Pranses, ito ay tinatawag na Renaissance.
Ang Renaissance ay nangangahulugang "muling pagsilang" o rebirth sa salitang Pranses. Dalawa ang pakahulugan nito: una, bilang transisyon na panahon mula sa Gitnang Panahon papuntang Modernong Panahon at ikalawa, ang kilusang kultural na inaral at tinangkang ibalik ang ganda ng sinaunang kultura ng Gresya at Roma.
Ito ay nagsimula sa Italya noong ika-13 siglo, sa mga lungsod-estado ng Milan, Florence, Genoa, Siena, at Venice. Yumaman ang mga ito dahil sa pagiging ruta ng pakikipagkalakalan sa pagitan ng Europa at Asya. Lalo na noong bumagsak ang imperyong Byzantine noong 1453, nakuha ng mga Venetian sa tulong mga crusaders ang yaman ng Constantinople at ang ilang bahagi ng Gresya. Gayundin, wala nang karibal ito sa dagat Mediteraneo.
Ang mga nagsitakas na mga artisano, mangangalakal, at iskolar sa pagbagsak ng imperyong Byzantine at sa reconquista ng Espanya at Portugal ay nakahanap ng mga patron sa mga mayayamang Italyano. Ang pinakakilalang pamilya ay ang mga Medici.
Ang mga Medici ay isang pamilya ng mga mangangalakal at mananalapi na may hawak din ng titulong duke ng Tuscany. Mula rin sa kanilang pamilya ang tatlong Papa (Leo X, Clement VII, at Leo XI), dalawang reyna ng Pransya (Catherine de' Medici at Marie de' Medici) at maraming kardinal. Ang pinakatanyag sa kanila ay si Lorenzo the Magnificent. Siya ay isang iskolar, arkitekto, at makata. Kanilang pinaganda ang Florence ng mga sining at aklatan na na sinundan ng iba pang mga lungsod sa Alemanya, Pransya, at Inglatera.
Ang humanismo ay ang pag-alam sa kalikasan ng isang tao, pagpapahusay ng kanyang kakayahan, at pagdakila sa kanyang tagumpay. Ang mga iskolar sa likod nito ay tinawag na humanista mula sa salitang Italyano na umanista o "guro ng humanidades, partikular na sa Latin".
Kumpara sa mga iskolar noong Gitnang Panahon, taliwas ang umusbong na pananaw ng mga humanista ng Renaissance.
Inaangkop ng mga iskolar sa Gitnang Panahon ang mga akda sa Katolisismong pananaw samantang ang mga humanista ay inaaral ito sa sarili nitong katangian.
Ginamit ng mga iskolar ng Gitnang Panahon ang mga pilosopiya sa pagpapatunay sa mga aral ng Simbahan habang ang mga humanista ay inaaral upang maging gabay sa kanilang pamumuhay.
Mula rito, umusbong ang sekularismo at indibidwalismo. Ang sekularismo ay pagtutuon sa material na pamumuhay samantalang ang indibidwalismo ay ang pagtutuon sa pagpapabuti ng kaalaman at kakayahan.
Si Francesco Petrarch ang tinaguriang Ama ng Humanismo. Siya ay isang Italyanong manunulat at makata sa Latin at Italyano mula sa Florence. Kaniyang iniidolo ang Romanong senador na si Cicero kung kaya madalas siya maglakbay upang maghanap ng mga sinaunang dokumento tulad ng mga liham ng nasabing mananalumpati. Noong 1374, natagpuan na lamang siyang patay sa kanilang silid-aklatan, nakasubsob sa isang aklat.
"Upon this a question arises: whether it be better to be loved than feared or feared than loved? It may be answered that one should wish to be both, but, because it is difficult to unite them in one person, is much safer to be feared than loved, when, of the two, either must be dispensed with." - The Prince, Niccolo Machiavelli
Kung narinig mo na ang mga katagang "The end justifies the means" at "It is better to be feared than to be loved", madalas ay inaakibat ito kay Niccolo Machiavelli. Siya ay ang sumulat ng The Prince. Pinapayuhan nito ang mga prinsipe na:
Maging maalam sa pakikipagdigma;
Katakutan at mahalin ng nasasakupan ngunit hindi kamuhian;
Magtalaga ng mahuhusay na taong kaagapay niya sa pamumuno;
Gumamit ng dahas kung kinakailangan para sa mabuting hangarin.
Francois Rabelais
Kung may book series na noon, ito ay ang limang-tomong aklat ng mongheng si Francois Rabelais na Gargantua at Pantagruel. Sinulat niya ito sa loob ng 20 taon. Datapwat ginawa niyang katawa-tawa ang mga taong hindi naniniwala sa humanismo, nagpahayag din siya ng mga seryosong pananaw ukol sa edukasyon at relihiyon.
Miguel de Cervantes Saavedra
Kung pangarap niyong maging knight-in-shining armor, gayundin si Don Quixote, ang pangunahing tauhan ni Miguel de Cervantes sa nobelang may parehong pamagat. Sa kanyang nakakatuwang pakikipagsapalaran tulad ng pakikipaglaban sa windmill ay tinutuligsa ni Cervantes ang code of chivalry at ang patuloy na pamumuhay ng tao sa nakaraan.
William Shakespeare
Kung kayo ay fan ni Taylor Swift, tiyak ay alam niyo ang kanyang Love Story. Ito ay kwento ni Romeo at ni Juliet, dalawang nag-iibigan na pinaghihiwalay ng kanilang magkaaway na magulang. Ngunit hindi tulad sa kanta, ito ay isang trahedya. Ito ay sinulat ni William Shakespeare. Ang pinakadakilang manunulat sa Ingles, isinulat niya rin ang mga dulang Macbeth, Hamlet, Julius Caesar, at Anthony at Cleopatra.
Raphael Santi
Si Raphael ay kilalang pintor ng Madonna at iba pang mga larawan ni Maria, ina ni Hesus. Siya rin ang nagpinta ng School of Athens sa paraang fresco sa aklatan ni Papa Julius II. Kanya ring pininturahan ang mga silid ng Vatican Palace mula 1508 hanggang kanyang pagkamatay sa 1520.
Michelangelo Buonarotti
Si Michelangelo naman ang pinakamahusay na iskultor ng Renaissance. Siya ang umukit ng Pieta at ng David. Gayundin, siya ang nagpinta sa kisame ng Sistine Chapel ng kasaysayan ng Genesis, mula sa pagkakalikha ng tao hanggang kay Noah. Sa altar naman ang pagwawakas ng mundo at pagbabalik ni Hesus. Siya rin ang nagdisenyo sa doma ng St. Peter's Basilica. Ang lahat ng ito'y nagpapakita ng kanyang pagkabihasa sa pagpinta, pag-ukit, at arkitektura.
Leonardo da Vinci
Kung may tinagurian mang Renaissance Man, iyon ay si Leonardo. Pintor, siyentista, botanist, musikero, at arkitekto - lahat iyan ay kaya niyang gawin kung kaya tila poster boy siya ng Renaissance. Siya ang nagpinta ng Mona Lisa at The Last Supper. Gayundin, gumawa siya ng mga disenyo ng helicopter, hang glider, at machine gun na maaaring hindi pa posible sa panahon niya ngunit nagsilbing modelo upang magawa ang mga ito.
Noong 1945, naimbento ni Johannes Gutenberg ang movable-type printing. Kahawig ito ng mga ginagamit ng mga Tsino na woodblock printing mula pa 800 CE, ngunit mas moderno pa rito. Ang unang nailimbag dito ay ang Bibliya. At ang teknolohiyang ito ang hudyat ng higit na paglaganap ng mga kaisipan sa Europa. At ang Bibliya ay naging bukas sa karaniwang tao, hudyat ng pagpasok ng Repormasyon.
De Viana, A.V., et. al. 2010. Pagtanaw at Pag-unawa sa Daigdig. Makati City: Diwa Learning Systems Inc. pp. 138-144.
Mateo, G.C., et. al. 2006. Kabihasnang Daigdig: Kasaysayan at Kultura. Quezon City: Vibal Publishing House, Inc. pp. 210-217.
The Project Gutenberg eBook of The Prince, by Nicolo Machiavelli. (2021). Retrieved 5 March 2021, from https://www.gutenberg.org/files/1232/1232-h/1232-h.htm
Si Bb. Mara Danica Ramos ay ang AP Coordinator ng Pambansang Mataas na Paaralang Pang-agham ng Lungsod ng San Jose del Monte. Siya ay nagtapos ng B Secondary Education (Social Studies) sa UP Diliman at ngayo'y nag-aaral ng Diploma in Social Studies Education sa UP Open University. Siya ay kasalukuyang nagtuturo ng Araling Panlipunan 8 at 9.