Highlights sa aralin na ito:
When in Rome, do as Romans do.
Isa iyan sa mga kilalang kataga kung saan nakikiayon ka sa sitwasyon na natagpuan mo ang sarili mo. Kapareho lamang ng mga tao noon - mapa-Griyego, Espanyol, Aleman, Briton, Ehipsyano, Hudyo, at marami pang iba - ang natagpuan ang sarili nilang nasakop na pala sila ng mga Romano.
Sino nga ba ang mga Romano? At paano nila napagbuklod ang higit 4 na milyong katao sa magkakaibang lugar sa ilalim ng kanilang pamumuno?
Ang Roma ay isa sa mga maliliit na lungsod-estado sa Italya. Ito ay makikita sa burol ng Palatine, isa sa mga pitong burol kalapit ng ilog Tiber.
Samantala, ang Italya ay tangway na mala-hugis bota na napapaligiran ng mga dagat. Ang hangganan nito sa hilaga ay ang bulubundukin ng Alps habang ang bulundukin ng Apennines ang bumagbagtas sa kahabaan nito. Ang mga dagat na nakapaligid dito ay: Adriatiko sa silangan, Mediteraneo sa timog, at Tyrrhenian sa kanluran.
Ang Roma ay nabiyayaan ng matabang lupa dahil sa klima at lokasyon nito. Naging pangunahing kabuhayan dito ay pagsasaka ng mais, butil, gulay, mansanas, oliba, ubas, wheat, barley, aul, at herbs.
Ang Roma ay may iba't ibang alamat patungkol sa pasimula nito na humubog sa paniniwala at pagpapahalagang Romano.
Si Romulus at si Remus ay mga anak ng diyos na si Marte at isang prinsesang Latin. Pinatapon sila ng kanilang tiyuhin sa ilog Tiber, ngunit inampon ng isang inahing lobo hanggang matagpuan ng isang pastol. Kanilang paglaki ay nagkasundo silang magtayo ng isang lungsod sa tabi ng ilog. Ngunit dahil sa pagtatalo kung sino ang mamumuno ay napatay ni Romulus si Remus. Naging hari si Romulus ng Roma, alinsunod sa kanyang ngalan.
Ayon sa akda ni Virgil na Aeneid, ang mga sinaunang Romano ay nagmula sa mga tumakas na Trojan laban sa mga Griyego. Pinamumunuan sila ni Aeneas, anak ni Venus at ng isang prinsipeng Trojan. Sa kanyang paglalakbay papuntang Italya ay napaibig niya ng reynang Carthaginian na si Dido, na lumaon ay iniwan niya. Sa Italya ay napangasawa niya ang isang prinsesang Latin. Siya ay pinagpapalagay na ninuno nila Romulus at Remus.
Si Cincinnatus ay isang patrician na noo'y nagsasaka sa kaniyang bukirin noong siya lapitan ng Senado upang protektahan ang Roma sa umaatakeng karatig-tribo nito. Iniwan ni Cincinnatus ang kanyang bukid at naging diktador. Pagkatapos maipanalo ang laban sa loob ng 15 araw ay iniwan niya ang kanyang pwesto at bumalik sa kanyang bukid. Ang kanyang halimbawa ng paglilingkod ang tinitingala ng republika.
Ngunit sa katunayan, ang Roma ay tinatag ng mga Latin, isang pangkat ng Indo-Europeo na bumagtas sa bulubunduking Alps noong 1000 BC. Habang sila'y naninirahan sa pampang ng ilog Tiber, nagtayo rin ng mga polis ang mga Griyego na nagdala ng kanilang kulturang Helleniko. Kinalaunan, ang mga Romano ay nasakop ng kalapit na tribong Etruskano noong 600 BC. Sa ilalim ng mga hari nito ay naiayos ang Roma bilang ganap na lungsod. Ngunit, dahil sa pagmamalupit ng huling hari nito ay nag-alsa ang mga Romano noong 509 BC. Idineklara ng mga Romano na hindi na muli silang pamumunuan ng anumang hari. Sa halip, tinatag nila ang republika. Hango ito sa Latin na res publica o pampublikong gawain.
Senatus Populusque Romanus. Ang Senado at ang mamamayang Romano. Iyan ang motto ng republikang Romano.
Sa halip na hari, may dalawang konsul ang namumuno sa republika ng isang taon. Ang isa'y namumuno sa hukbo, samantala ang isa'y sa pagpapatakbo ng pamahalaan. Sila'y maaaring mahalal ulit matapos ng sampung taon. Sila rin ay may kakayahang veto upang maisawalang bisa ang desisyon ng bawat isa. Dinisenyo ito ng mga Romano upang hindi magmalabis ng kapangyarihan ang konsul.
Sa panahon ng krisis o digmaan, maaaring magtalaga ng diktador na may pangkalahatang kapangyarihan na gumawa ng batas at mamuno sa hukbo. Ngunit anim na buwan lamang tumatagal ang kapangyarihang ito.
Ang bawat sektor ng lipunang Romano ay may mga lupon na kumakatawan sa kanila. Pinakamataas ang Senado na binubuo ng mga patricians, samantalang ang Tribunal Assembly ang sa mga plebeians at ang Centuriate Assembly para sa mga legions.
Ang mga patricians ay ang mga mayayamang may-ari ng lupa na ang mga ninuno ay mga orihinal na tagapagtatag ng Roma. Tanging sila ang maaaring mahirang sa Senado, ang pinakamakapangyarihang lupon na tagapagpayo ng mga konsul. Sila ay maaaring magdesisyon ukol sa ugnayang panlabas, paggamit ng salapi, at paggawa ng batas. Ang pagkahirang bilang senador ay panghabambuhay.
Ang mga plebeians ang bumubuo sa 80% ng populasyon ng Roma. Upang maprotektahan ang kanilang karapatan, naiukit noong 451 BC ang mga batas sa 12 malalaking tablets at inilagay sa Forum. Tinagurang Twelve Tables, pinapangalagaan nito ang karapatan ng mga patrician at plebeian. Kalaunan, nagkaroon sila ng asembleya na tawag ay Tribunal Assembly. Binubuo ng sampung tribunes, sila ay bumuboto at maaaring mag-veto sa mga panukala ng mga konsul at Senado.
Ang mga legion ay mga hukbo ng mga Romano na binubuo ng higit sa 6,000 sundalo at ilang kabalyero. Noong una, tungkulin ito ng bawat Romanong may-ari ng lupa na maglingkod sa hukbo ng Roma. Nahahati ang mga legion sa century na binubuo ng 100 na sundalo at pinangungunahan ng senturyon. Sila ay nirerepresenta ng asembleyang tinatawag na Centuriate Assembly.
Itinatag ng Roma ang Latin League upang makipag-alyansa laban sa mga ibang tribo sa rehiyon. Ngunit napigilan ang paglawak nito dahil sa pagsunog ng mga Gaul sa Roma noong 390 BC. Gayundin, tumiwalag ang mga ibang tribong Latin sa alyansa. Dahil dito, mas umigting ang takot ng mga Romano sa mga nakapaligid dito. Sinalakay nila ang ibang tribong Latin. Pagkatapos nito, tinalo rin ng mga Romano ang mga Etruskano. Panghuli, ang mga Griyego sa timog na natakot din sa lumalaking teritoryo ng Roma. Humingi sila ng tulong kay Pyrrhus, kamag-anak ni Alexander the Great. Datapwat dalawang beses siya nanalo laban sa Roma, malaki ang pinsala sa kanyang hukbo kaya pinabayaan niya na lang ang mga Griyego sa Italya. Noong 270 BC, tuluyan nang nasakop ng Roma ang buong Italya.
Sa pagnanais na makontrol ang Dagat Mediteraneo, nakatunggali ng Roma ang Carthage, isang matandang kaharian sa hilagang Aprika na ngayo'y Tunisia. Sila'y mga Phoenician na yumaman sa pakikipagkalakalan sa Corsica, Sicily, at Sardinia. May malakas na hukbong pandagat din ang mga ito, na siyang bago sa mga legion ng Roma na noo'y sanay sa pakikibaka sa lupa. Mula 264 hanggang 146 BC, nagkaroon ng tatlong digmaang Punic sa pagitan ng Roma at Carthage.
Nang may mapadpad na inabandonang Carthaginian warship sa pampang ng Italya ay pinag-aralan ito ng mga Romano. Gumawa sila ng eksaktong replika ng mga ito. Ngunit, upang mas maging epektibo, naisip nila ang corvus, o isang mahabang tabla na may pang-angkla sa dulo upang makatawid ang mga sundalong Romano sa kabilang barko. Dahil dito, nanalo ang Roma. Nakuha nito ang Sicily at Sardinia. Gayundin, sa isang kasunduan, binigay ang buong kayamanan ng Carthage sa Roma. Nasaksihan ito ng batang anak ng isang heneral na Carthaginian: si Hannibal.
Bilang higanti, sa edad na 25, pinangunahan ni Hannibal ang pagsalakay sa Italya. Kasama ang 40,000 na sundalo at 37 na elepante, tinahak nila ang bulubundukin ng Alps. Malaki man ang nasawi sa paglalakbay ay sunod-sunod na tinalo ni Hannibal ang mga legion ng Roma dahil sa angking galing nito sa taktika. Pinakatinding pagkatalo ng mga Romano ay sa Labanan ng Cannae. Isa sa mga nakaligtas dito, si Scipio, ay pinag-aralan ang mga taktika ni Hannibal at pinasyang atakihin ang Carthage upang mapabalik si Hannibal dito. Sa Labanan sa Zama, natalo ni Scipio si Hannibal. Kinuha ng Roma ang halos lahat ng barkong pandigma, elepante, at kayamanan ng Carthage. Tumakas si Hannibal sa Gresya, kung saan siya nagpatiwakal.
Tila hindi pa rin natahimik ang mga Romano kung kaya panay ang udyok ni Cato the Elder na kailangan wasakin ang Carthage. Hindi nito malimutan ang pandarambong ni Hannibal, gayundin ay naalarma ito sa muling pagbangon ng Carthage. Noong sinalakay ng Carthage ang isang kaalyado ng Roma, tuluyan nang pinabagsak ng Roma ang Carthage noong 149 BC. Pinatay o inalipin nila ang mga Carthaginian. Gayundin, binudburan ng mga asin ang lupain upang wala nang mabuhay na halaman doon.
Nagpatuloy ang pananakop ng Roma sa silangan. Mula Espanya hanggang Anatolia, hawak na ng mga Romano ang halos lahat ng lupain sa baybayin ng Dagat Mediteraneo. Kung kaya, ang taguri nila rito ay Mare Nostrum o Aming Dagat.
Ngunit dahil dito, lumawak ang agwat ng mga patrician at plebeian. Ang mga patrician, partikular na ang mga senador, ay lalong yumaman dahil sa pagbuhos ng mga panalo ng digmaan. Halos absoluto rin ang kapangyarihan nila bilang habambuhay na mambabatas. Ang mga plebeian, dahil sa pagkasira ng mga pananim noong pananambong ni Hannibal at pagdating ng mga alipin ay napilitang manglimos sa mga siyudad. At ang mga sundalong boluntaryong nagsilbi sa Roma ay nawalan ng mga lupain at walang hati sa mga panalo ng Roma. Dahil dito, lumitaw ang dalawang uri ng mga pinuno sa panahon ng digmaang sibil sa Roma.
Sa Tribal Assembly, dalawang magkapatid na tribune ang nagtangkang tulungan ang mga plebeian. Noong 133 BC, nagpanukala si Tiberius Gracchus kung saan ang mga lupang napanalunan sa digmaan ay ipamahagi sa mga mahihirap. Nais niya ring limitahan ang lawak ng lupang maaaring ariin ng mga mayayaman. Ngunit, pinapatay siya ng mga patrician. Noong 123 BC, sinubukang sundin ni Gaius Gracchus ang mga pagbabagong inihain ng kanyang kapatid. Ngunit pinatay lamang ng mga patrician ang kanyang mga tagasunod kung kaya siya'y nagpatiwakal.
Sa hanay naman ng Centuriate Assembly, mula sa pagiging boluntaryo ay naging isang propesyonal na trabaho ang pagiging sundalo. Ang pagbabagong ito ay sinimulan ni Marius Gaius. Dahil sa pag-aalaga sa kanila at pangakong lupa sa pagreretiro, ang katapatan ng mga sundalo ay napunta sa mga heneral imbes na sa Roma. Kung kaya, noong 82 BC, isang heneral ang nagmartsa sa Roma at pinagpapatay ang mga kalaban niya noong tinangkang kumpiskahin ng Senado ang kanyang mga legion. Siya ang diktador na si Lucius Cornelius Sulla. Panandalian lamang ang kanyang pamumuno ngunit nagtakda itong ehemplo sa muling pagmartsa ng susunod na diktador sa Roma.
Upang mapigilan ang ibang heneral sa pagiging diktador ay nakipag-alyansa si Julius Caesar kila Gnaeus Pompey at Marcus Crassus. Tinawag itong unang triumvirate. Sa tatlo, maagang namatay si Crassus kung kaya mas umigting ang tunggalian sa pagitan ni Caesar at Pompey. Matapos maging konsul ni Caesar ay naging gobernador siya ng Gaul kung saan pinalawak niya ang teritoryo nito. Dahil dito, natakot si Pompey at ang Senado. Pinatawag ng Senado si Caesar sa Roma ngunit inabisong iwanan ang mga legion nito. Sa pangambang mapatay ni Pompey, nagmartsa si Caesar kasama ng kanyang mga legion papuntang Roma. Tumakas si Pompey sa Gresya, kung saan nagsagupaan ang kanilang mga legion at napatay si Pompey. Tinalaga namang diktador si Caesar ng Senado noong 44 BC.
Maliban sa pagsakop sa Gaul, inayos din nila Caesar ang pamamahala sa mga probinsya dahil tuwirang mananagot sa kanya ang mga gobernador. Binaba niya ang buwis, nagpagawa ng maraming proyektong pampubliko, at binigay sa mga beteranong sundalo ang mga nasakop na lupain. Nagbigay din siya ng pagkamamamayan sa mga taong naninirahan sa mga lalawigan. Lumaki rin ang Senado dahil naghirang siya ng mga kaibigan at kaalyado.
Dahil sa takot na mawalan ng kapangyarihan ang Senado at maging hari si Caesar, pinatay si Caesar noong ika-15 ng Marso, 44 BC. Inundayan siya ng mga saksak ng mga senador sa pamumuno nila Marcus Brutus at Gaius Cassius, mga matatalik niyang kaibigan.
Upang ipaghiganti ang pagpatay sa kanyang tiyuhin, ang inampon ni Caesar na si Octavian ay binuo ang ikalawang Triumvirate kasama sila Mark Anthony at Marcus Lepidus. Matapos matalo ang hukbo nila Brutus at Cassius ay pinaghati-hatian ng tatlo ang mga teritoryo ng Rome. Si Octavian ang namahala sa Italya at ang kanluran, si Lepidus sa gitnang Aprika, at si Mark Anthony sa Ehipto at ang silangan.
Nang lumaon ay nagkaroon din ng tunggalian sa pagitan ng tatlong heneral. Unang natalo si Lepidus noong tinangka nitong pagrebeldehin ang mga sundalo ni Octavian. Samantala, umibig si Mark Anthony kay Cleopatra, ang reyna ng Ehipto. Dahil dito, nagsagupaan ang pwersa ni Mark Anthony at Octavian sa Labanan sa Actium, kung saan nanalo ang huli. Parehong nagpatiwakal si Mark Anthony at Cleopatra. Si Octavian naman ay hinirang ng Senado bilang imperator. Kinilala siya bilang Augustus, ang unang emperador ng Roma.
Pax Romana. Ang kapayapaang Romano. Pasimula ng pamumuno ni Augustus ay nagkaroon ng 200 na taong pag-unlad sa imperyo. Pinagpatuloy niya ang mga naunang gawain ng kanyang tiyuhin. Gayundin, siniguro niya na tapat sa kanya ang buong hukbong Romano, hindi sa kanilang mga heneral. Ngunit ang tanong na bumabagabag sa kanya: ano ang mangyayari sa Roma matapos niyang mamatay? Ang mga sumusunod ay iilan sa mga emperador na namuno pagkatapos ni Augustus, mapa-mabuti man o mabagsik.
Tiberius
Si Tiberius ay ang inampong anak ni Augustus sa ikatlong asawa nito. Upang masiguro ang kanyang paghalili kay Augustus ay pinilit siya ng kanyang ina na hiwalayan ang kanyang buntis na asawa. Sa halip, ang anak ni Augustus na si Julia na makalawang beses nang maging balo ang kanyang pinakasalan. Inumpisahan niya ang kanyang pamumuno sa pagsunod sa yapak ni Augustus, ngunit dahil sa bigat ng responsibilidad ay ipinagkatiwala niya ito sa kanyang praetorian guard na si Sejanus habang siya'y nanatili na lamang sa isla ng Capri. Pinapatay niya ito nang magmalabis na ito sa kapangyarihan. Namatay na lamang siya sa isla sa edad na 77.
Caligula
"Tandaan niyo na may karapatan ako na gawin ang kahit ano kaninuman." Iyan ang parating kataga ni Caligula. Pagkatapos magkasakit ilang buwan pagkaluklok sa trono, nag-iba ang ugali ni Caligula. Naglustay siya ng pera sa mga proyektong praktikal (tulad ng mga aqueduct at daungan), kultural (teatro at templo), at kakaiba (pagtatabi-tabi ng mga barko upang magkaroon ng 2-milyang floating bridge para mangabayo). Naniniwala siyang siya'y buhay na Diyos, kung kaya nagpagawa rin siya ng tulay mula sa kanyang palasyo papuntang templo ni Jupiter. Ninais niya ring ang kanyang kabayo na maging konsul bilang insulto sa Senado. Siya'y pinatay ng kanyang mga praetorian guards.
Nero
Si Nero ay anak ng kapatid na babae ni Caligula, si Agrippina the Elder. Nais ni Nero na maging aktor, ngunit ang kanyang ina ang gumawa ng paraan upang siya'y maging emperador. Dahil sa panghihimasok ng kanyang ina, pinapatay niya ito. Pinanood niya lamang na matupok ang lungsod ng Roma ng apoy at sinisi ang mga Kristiyano sa pagkasunog nito. Naipagawa niya ulit ng mas maayos, ngunit dahil sa kanyang itinayong ginintuang palasyo ay pinapapalagay ng ilan na siya mismo ang nagpasimula ng sunog. Dahil dineklarang kalaban ng estado, tumakas siya sa Gresya kung saan siya nagpatiwakal.
Sa pagkamatay ni Nero, nagkaroon ng pag-aagawan ng pagka-emperador hanggang nangibabaw ang heneral na si Vespasian. Siya, kasama ang kanyang anak na si Titus ang nanguna sa pagsira ng Jerusalem noong panahon ni Nero. Ngunit, dahil sa katandaan, namatay siya at humalili ang anak na si Titus. Si Titus ang emperador noong panahon ng pagsabog ng Vesuvius na kinasira ng mga siyudad ng Pompeii at Herculaneum. Ngunit, bumawi siya noong mabuksan ang Colosseum. Dito, nagpapatay siya ng 9,000 na mabangis na hayop. Sa kanyang pagkamatay, pinalitan siya ng kapatid na si Domitian. Ngunit dahil sa paranoia at pagkasakim ay pinatay siya. Sa kanya natapos ang maikling dinastiyang Flavian.
Nerva
Trajan
Hadrian
Marcus Aurelius
Nagsimula ang dinastiyang ito noong pinili ng Senado si Nerva bilang emperador. Siya ang nagpasimula ng adoptive system, kung saan aampunin ang emperador ng kanyang kahalili base sa kakayahan at integridad upang maging kahalili sa trono. Ang mga sumunod sa kanya ay ang produkto ng sistema nito, na tinaguriang Limang Mabubuting Emperador.
Si Trajan, ang unang emperador na pinanganak sa labas ng Italya, ay pinanganak sa Espanya. Sa kanyang kampanya laban sa Dacia, napaabot niya ang pinakamalawak na teritoryo ng imperyo. Ang kanyang labanan ay nakaukit sa Trajan Column.
Si Hadrian, imbes na palakihin pa ang imperyo ay pinag-isa ito sa kanyang sistemang postal at pinagtibay ito laban sa mga barbaro. Ang pinagawa niyang Hadrian's Wall sa Britanya ang pumoprotekta laban sa mga barbaro sa lugar na iyon. Siya ay hinalinhinan ni Antonius Pius na nagpahinto sa pagpapahirap ng mga Kristiyano.
Si Marcus Aurelius ay isang pilosopong hari. Siya ay Stoic at isinulat ang Meditations. Tinangka niyang sakupin ang kaharian ng Parthia. Sa kanilang pagbabalik ay dala nila ang plague na kanyang kinamatay at ng halos sangkapat ng populasyon ng buong imperyo. Kanyang inabandona ang adoptive system noong pinili niya ang kanyang anak na si Commodus bilang kahalili. Ito rin ang simula ng pagtatapos ng Pax Romana dahil isa si Commodus sa mga tiranong emperador ng Roma at sa pagkamatay nito ay muling nagkaroon ng pag-aagawan sa trono.
Barrett, N., Knowland, N. D., & Mayers, M. (Directors). (1999). Rome: Power and Glory [Motion picture on DVD]. USA: Discovery Channel.
De Viana, A.V., et. al. 2010. Pagtanaw at Pag-unawa sa Daigdig. Makati City: Diwa Learning Systems Inc. pp. 76-93.
Mateo, G.C., et. al. 2006. Kabihasnang Daigdig: Kasaysayan at Kultura. Quezon City: Vibal Publishing House, Inc. pp. 112-121.
Panganiban, E.S. 2008. World History: Creative Response through the Ages. Quezon City: Sibs Publishing House, Inc. pp. 96-135.
Perry, M., et. al. 1989. A History of the World. Boston, Massachusetts: Houghton Mifflin Company, pp. 63-91.
Wasson, D. L. (2011, October 18). Caligula. Ancient History Encyclopedia. Retrieved from https://www.ancient.eu/Caligula/
Wasson, D. L. (2017, April 04). Cincinnatus. Ancient History Encyclopedia. Retrieved from https://www.ancient.eu/Cincinnatus/
Wasson, D. L. (2013, April 25). Domitian. Ancient History Encyclopedia. Retrieved from https://www.ancient.eu/domitian/
Wasson, D. L. (2012, June 29). Nero. Ancient History Encyclopedia. Retrieved from https://www.ancient.eu/Nero/
Wasson, D. L. (2012, July 19). Tiberius. Ancient History Encyclopedia. Retrieved from https://www.ancient.eu/Tiberius/
Wasson, D. L. (2013, May 25). Trajan. Ancient History Encyclopedia. Retrieved from https://www.ancient.eu/trajan/
Si Bb. Mara Danica Ramos ang tagapagpayo ng KKK. Siya ay nagtapos ng B Secondary Education (Social Studies) sa UP Diliman. Siya ay kasalukuyang nagtuturo ng Araling Panlipunan 8 at 9 sa Pambansang Mataas na Paaralang Pang-agham ng Lungsod ng San Jose del Monte.