Ang pagbagsak ng Kanlurang Imperyong Roman ang naghudyat sa panibagong yugto sa kasaysayan ng Europa. Tinatawag itong Panahon ng Kadiliman, Panahon ng Midyebal, o Gitnang Panahon. Ngunit ang simbahang Katoliko na sumibol sa Kristiyanismo na inusig ng mga sinaunang Romano ang namayani at nagpanatili sa watak-watak na mga bansa ng Europa.
Sa pagbagsak ng Kanlurang Imperyong Roman sa pangunguna ni Odoacer, nahati sa mga tribong Aleman ang mga teritoryo nito. Ito ang mga Angles at Saxon sa Inglatera, ang mga Visigoth sa Espanya, Ostrogoth sa Italya, at mga Frank sa Gaul. Ang huli'y nakapagtatag ng isang kaharian na layon ay pagbuklurin ang mga tribong Aleman na ito.
Noong 481 CE, naging hari ng mga Frank si Clovis. Sa Labanan sa Tolbiac, dahil wari niya'y dininig ang kanyang dalanging manalo, ay lumipat siya sa Katolisismo. Dahil dito, sinuportahan ng Simbahan ang kanyang pamumuno sa Gaul. Naitatag niya ang dinastiyang Merovingian. Ngunit sa kanyang pagkamatay, nahati ang kanyang kaharian sa kanyang mga kamag-anak na nauwi sa imoralidad at sigalot.
Ang tunay na namuno sa ngalan ng mga haring Merovingian ay ang mga alkalde ng palasyo. Napag-isa muli ni Pepin the Middle ang Gaul noong 697 BC. Samantala, napigilan naman ng kanyang anak na si Charles Martel ang paglaganap ng Islam sa Europa sa Labanan ng Tours noong 732 CE. Nagtagumpay naman si Pepin the Short na maagaw ang kapangyarihan mula sa huling haring Merovingian. Binansagang Carolingian ang dinastiya hango sa Carolus, ngalan ng anak ni Pepin the Short na si Charles, ang kanyang tagapagmana.
Noong 771 CE, nagsimulang mamuno si Charles, na binansagang Charlemagne o Carolus (Charles) Magnus (Great). Dahil sa kanyang pagpapatalsik ng mga Lombard sa Italya, kinoronahan siya ng Santo Papa bilang Charles Augustus, emperador ng Banal na Imperyong Roman. Hinati niya sa duchies at counties ang imperyo sa pamumuno ng mga duke at konde. Gayundin, pinaganda ang kanyang kabisera sa Aachen sa pamamagitan ng pagtangkilik sa sining at pagpapanatili ng karunungan doon.
Ang Jerusalem ang itinuturing na Banal na Lupain ng tatlong pangunahing relihiyon sa daigdig: Judaismo, Kristiyanismo, at Islam. Noong masakop ng mga Arabeng Muslim ito ng ika-7 siglo, hinayaan nila ang paglalakbay ng mga Kristiyano datapwat may karamptang buwis. Ngunit noong napasailalim ito ng mga Seljuk Turk, sinakop din ang Anatolia at nanganganib na isunod nito ang imperyong Byzantine.
Ang Unang Krusada ay pagsagot ng panawagan ni Emperador Alexius I kay Papa Urban II. Hinikayat ng Papa ang mga kabalyero na "kunin ang krus" at maging crusader. Maliban na mabawi ang Banal na Lupain, naisip niyang paraan din ito upang mapagbuklod muli ang Simbahang Roman at Orthodox. Sa pagkapanalo nila, nakapagtatag ng apat na Crusader States: Jerusalem, Edessa, Antioch, at Tripoli. Si Godfrey ng Buillon ang hinirang na "Tagapagtanggol ng Banal na Sepulkro"
Dahil sa pagsalakay ng mga Kristiyano, nagdeklara ng jihad ang mga Muslim. Muling napasakamay ng Seljuk Turk ang Edessa noong 1144. Nanawagan ulit si Bernard ng Clairvaux ng Ikalawang Krusada. Magkahiwalay na nakipagdigma ang mga Pranses at Aleman. Gayundin, ninakawan nila ang mga taga-Byzantine kaya hinaluan ng mga ito ng tisa ang kanilang harina. Panghuli, dahil magaling na pamumuno ni Saladin kaya napasakamay muli ng mga Muslim ang Palestine at Jerusalem.
Upang mabawi ang Jerusalem, nagdeklara ng Ikatlong Krusada sila Frederick Barbarossa ng Banal na Imperyong Roman, Richard the Lionhearted ng Inglatera, at Philip Augustus ng Pransya. Ngunit, nalunod si Frederick Barbarossa sa isang ilog sa Asia Minor at umuwi si Philip matapos ang Labanan ng Acre. Tanging si Richard lamang ang humarap kay Saladin. Sa huli'y nagkasundo ang dalawa na mananatili sa mga Muslim ngunit papayagan ang mga Kristiyano na magpunta roon.
Matapos ng apat na taon, nagpatawag muli ng Ikaapat na Crusade si Papa Innocent III. Pumayag ang mga Venetian na ihatid ang mga crusaders kapalit ng pagsira ng Constantinople na karibal nila sa kalakalan. Dahil napaniwalang mapag-iisa nito ang dalawang Simbahan, sinakop ito ng mga crusaders. Sinira ang Hagia Sophia, ninakaw ang mga yaman, at pinabagsak ng mga crusaders ang imperyong Byzantine.
Ang dominanteng relihiyon noon ay Katolisismo. Sumibol ito mula sa maliit na grupo ng mga Kristiyano na inusig magmula pa sa pamumuno ni Emperador Nero. Ngunit, sa ilalim ni Constantine, pinulong noong 325 CE ang Council of Nicaea upang isaayos ang doktrina ng Kristiyanismo at organisasyon ng Simbahang Katoliko.
Ang parokya ang pinamababang baitang sa hirarkiya ng simbahan. Binubuo naman nito ang mga diocese na pinamamahalaan ng mga obispo. Maaaring umangat ang obispo sa iba batay sa kaunlaran ng kanyang nasasakupan. Itinuturing silang arsobispo at nakahimpil sila sa mga cathedral. Ang pinakamahalagang arsobispo ay matatagpuan sa Roma, ang Santo Papa.
Maliban sa aspetong ispirituwal, may kakayahang humatol ang Simabahang Katolika batay sa batas nito. Ang pinakamabigat na kasalanan laban dito ay heresy o paniniwala na salungat o kakaiba sa turo ng simbahan. Upang mausig ang mga erehe ay nagsasagawa ng Inquisition.
May tatlo pang sandata ang simbahan laban sa mga sumusuway dito:
Excommunication - Pagkakait ng mga serbisyo ng simbahan. Pinagbabawal ding makihalubilo sa ibang Katoliko. Kung hindi pa rin tatalikod ang erehe sa maling paniniwala ay ipapasunog ng buhay.
Interdict - Pagkakait ng serbisyo ng simbahan sa isang buong lugar kahit isang lamang ang nagkasala. Ito ay upang mapasuko ang maysala para sa kapakanan ng buong pamayanan.
Deposition - Pagpapatalsik sa hari. Dahil sa matinding pananalig ng mga tao sa simbahan higit sa hari ay kinakatakutan at iginagalang ng mga hari ang Santo Papa at Simbahang Katolika.
Ang politikal na istruktura noon ay ang pyudalismo. Ito ay desentralisadong pamamahala saan ang panginoong maylupa ay magkakaloob ng lupa sa kanyang basalyo kapalit ng katapatan, buwis, at paglilingkod.
Ang hari ang pangunahing panginoong maylupa. Ngunit dahil hindi niya kayang protektahan ito ay ginawad niya ito sa mga dugong-bughaw bilang basalyo. Ang tawag sa lupang ito ay fief. Sa patuloy na paghati-hati ng fief, maaaring ang basalyo ay maging panginoong maylupa. Maaari ring marami siyang matanggap na fief sa magkakaibang panginoon. Ngunit kung sakaling magkaaway ang mga ito, ang kanyang katapatan ay nasa naunang naggawad ng fief.
Pinakamahalagang tungkulin ng basalyo ang maglingkod para sa panginoong maylupa sa panahon ng digmaan. Dahil dito, bata pa lang sila ay sinasanay na sila bilang kabalyero. Pagtungtong ng ika-7 taong gulang, isinasama sila sa ibang panginoong-maylupa upang maging page. Sasanayin siya nito sa pakikipaglaban, pangangabayo, at wastong asal. Ang kodigo na kanilang sinusunod ay tinatawag na Code of Chivalry. Matapos ng pitong taon, itataas ang kanyang ranggo bilang squire. Sasamahan niya ang kanyang panginoon sa mga tournament at pangangaso. Sa kanyang ika-21 na kaarawan, sa isang seremonya na tinatawag na dubbing ay ganap na siyang kabalyero.
Ang sistemang pang-ekonomiya naman noon ay manoryalismo. Ang mga mambubukid naman ay nangangailangan din ng proteksyon kung kaya pinagkaloob nila ang kanilang lupa sa mga lord. Ang tawag sa mga lupang ito ay manor.
Ang tungkulin sa kanila ng panginoong maylupa ay bigyan ng pabahay, lupang sakahan, at proteksyon. Samantala, ang mga tao ay nagbabayad ng buwis at nagtatrabaho sa mga lupain ng panginoong-maylupa.
May tatlong uri ng mga mambubukid. Una ay mga alipin. Ikalawa ay mga serf na hindi pwedeng paalisin o umalis sa manor. Ikatlo ay mga freemen. Sila ay mga pinalayang alipin na may sariling lupa.
Ang mga mambubukid ay nagtatrabaho tatlong beses sa isang linggo. Gayundin, ang lupain ay nahahati sa tatlo: una ay tatamnan ng trigo, ikalawa ay gulay, at ang ikatlo ay hindi tatamnan. Ang tawag dito ay three-field system upang hindi maubos ang mineral sa lupa.
Castaneda, J. M. (2020). Araling Panlipunan 8 Ikalawang Markahan – Modyul 5: Nasusuri ang mga pagbabagong naganap sa Europa sa Gitnang Panahon [PDF]. City of San Fernando: Kagawaran ng Edukasyon – Rehiyon III.
De Viana, A.V., et. al. 2010. Pagtanaw at Pag-unawa sa Daigdig. Makati City: Diwa Learning Systems Inc. pp. 123-133.
Mateo, G.C., et. al. 2006. Kabihasnang Daigdig: Kasaysayan at Kultura. Quezon City: Vibal Publishing House, Inc. pp. 162-183.
Si Bb. Mara Danica Ramos ang tagapagpayo ng KKK. Siya ay nagtapos ng B Secondary Education (Social Studies) sa UP Diliman. Siya ay kasalukuyang nagtuturo ng Araling Panlipunan 8 at 9 sa Pambansang Mataas na Paaralang Pang-agham ng Lungsod ng San Jose del Monte.