Aralin VII:
Aralin VII:
Narito ang gitling, gatlang em, at gatlang en. Ang mga ito ay mga bantas na kung saan karamihan ay nalilito pagkat sila ay magkakatunog at magkakapareho halos ang itsura. Halina't talakayin ang mga ito upang maliwanagan!
Mga NIlalaman ng Aralin:
Ang Gitling
Depinisyon
Mga Gamit ng Gitling
Ang Gatlang Em
Depinisyon
Mga Gamit ng Gatlang Em
Ang Gatlan En
Depinisyon
Gamit ng Gatlang En
Noong nakaraang aralin ay natalakay natin ang elipsis. Ngayon naman ay tatalakayin natin ang gitling, ang pinakamaikli sa mga bantas na tatalakayin sa araling ito.
Depinisyon
Ang gitling ay isang maikling guhit na inilalagay sa pagitan ng dalawang patnig na pinaghahati, sa pagitan ng dalawang salita, o sa dalawang salita na pinagkakabit.
Mga Gamit ng Gitling
Ginagamit sa mga inuulit na salita.
Halimbawa:
Ano-ano
Araw-araw
Pabalik-balik
Kung minsan, ito ay ginagamit para sa ibang tambalan na binubuo ng dalawang magkaibang salita na kapag pinagsama ay magkakaroon ng bagong kahulugan.
Halimbawa:
Basang-sisiw
Lipat-bahay
Urong-sulong
Ito rin ay ginagamit sa ibang paglalarawan ng tunog.
Halimbawa:
Tik-tak
Drip-drip
Kasunod ito ng 'de' na pantig.
Halimbawa:
de-kolor
de-kahon
Kapag ang panlaping 'ika' ay iniunlapi sa numero o pamilang.
Halimbawa:
ika-anim na araw
ika-labing isang buwan
ika-pito ng umaga
Kapag ang unlapi ay nagtatapos sa katinig at ang salitang nilalapian ay nagsisimula sa patinig na kapag hindi ginitlingan ay magkakaroon ng ibang kahulugan.
Halimbawa:
mang-uto
mag-isa
Kapag may unlapi ang pangngalan ng tao, lugar, brand, o tatak.
Halimbawa:
Taga-Japan
Tatak-UFC
Maka-Duterte
Kapag may katagang kinaltas sa pagitan ng dalawang salitang pinagsama.
Halimbawa:
Pamatay-insekto
Humigit-kumulang
Maka-Duterte
Depinisyon
Ang gatlang em ay naghuhudyat ng biglang pagtigil ng daloy ng isang pangungusap.
Mga Gamit ng Gatlang Em
Ginagamit ito sa mga diyalogong bitin kapag hindi nasabi nang tuluyan ng umiimik ang kaniyang pakay o mayroong biglang sumabat sa kaniya.
Halimbawa:
"Kalix, pwede 'bang pali—"
"Hay nako, may pera ka pa d'yan. Lagi ka nalang nanghihingi ng libre sa'kin eh!"
"Luna, maari ba kitang makau—”
"Sige. Tungkol saan ba?"
Ginagamit ito bilang kahalli ng tutuldok, kuwit, o panaklong.
Halimbawa:
"Gatlang Em laban sa tutuldok:
Tutuldok:
Ito ang mga tatak ng damit na paborito ko: Plains & Prints, GAP, at Old Navy.
Gatlang Em:
Plains & Prints, GAP, at Old Navy— ayan ang mga tatak ng damit na paborito ko.
Gatlang Em laban sa kuwit:
Kuwit:
Ang ating mga guro, nakatatanda man o nakababata sa'tin, ay karapat-dapat na irespeto at igalang.
Gatlang Em:
Ang ating mga guro — nakatatanda man o nakababata sa'tin — ay karapat-dapat na irespeto at igalang.
Gatlang Em laban sa panaklong:
Panaklong:
Ang ating mga guro (kahit kalapit lang na'tin sa edad) ay dapat pa rin bigyan ng respeto.
Gatlang Em:
Ang ating mga guro — kahit matanda na — ay dapat pa rin bigyan ng respeto.
Depinisyon
Ang gatlang en ay mas mahaba sa gitling ngunit ito ay mas maiksi kaysa sa gatlang em.
Mga Gamit ng Gatlang En
Karaniwan itong ginagamit upang maihayag ang sinaklaw na ng oras, petsa, o datos pansanggunian.
Halimbawa:
1880–2000
5:00pm–9:00pm
Pahina 11–15
Pagbubuod:
.
Gitling (-) : karaniwang ginagamit sa pagdurugsong ng mga salita .
Gatlang en (–) : ginagamit para sa oras, petsa, o datos na pansanggunian.
Gatlang em (—) : naghuhudyat ng biglaang pagtigil ng daloy ng isang pangungusap.
Nawa’y natuto kayo sa leksyong ito. Paalam!