Tapos na nating pag-aralan ang iba't ibang mga bantas. Ngayon, aaralin naman natin ang pagkakaiba sa pagitan ng mga simbolong may halos magkakatulad na gamit at kung kailan sila nararapat gamitin. Simulan na natin!
Mga NIlalaman ng Aralin:
Ang kuwit, gatlang em, at panaklong ay pare-parehong ginagamit upang maglagay ng karagdagang impormasyon ukol sa teksto. Ngunit, depende sa emosyon at layunin ng sulatin, may mga pagkakataong nararapat na gamitin ang isa lamang sa mga ito.
Malalaman natin ang pagkakaiba ng mga ito sa pamamagitan ng pag-iisip sa kanila bilang mga boses. Mayroong mga boses na tahimik lamang, normal ang lakas, at malakas at madiin ang pagkakabigkas. Kung pagbabasehan ang mga ito, ang mga nabanggit na bantas ang nagsasabi kung paano sasabihin ang impormasyon.
Kuwit - Ginagamit ang kuwit kapag ang paraan lamang ng pagkakabigkas sa karagdagang impormasyon ay normal. Kumbaga, wala itong diin at pantay lamang ang daloy ng pangungusap.
Gatlang Em - Ginagamit ang gatlang em kapag nais na diinan o bigyang-pansin ang impormasyon. Iba ang lakas at diin ng mga salitang nasa loob nito.
Panaklong - Ginagamit ang panaklong kapag nais ng manunulat na hindi gawing parte ng pangungusap ang impormasyon. Parang "Inner thought" lamang ang mga salitang nakapaloob dito at hindi binabasa nang malakas.
Ang mga tao, babae man o lalaki, ay dapat na iginagalang.
-Sa pangungusap na ito, pantay lamang ang magiging bigkas kahit na may karagdagang impormasyon dahil kuwit ang ginamit rito. Titigil lamang nang kaunti bago at matapos basahin ang parirala ngunit pareho lamang ang tono.
Ang mga tao —babae man o lalaki— ay dapat na iginagalang.
-Sa pangungusap na ito, binigyang diin ang pariralang "babae man o lalaki" dahil sa gatlang em. Kapag binasa ito nang may boses ay may kalakasan o pagdidiin rito.
Ang mga tao (babae man o lalaki) ay dapat na iginagalang.
-Sa pangungusap na ito, muted o sa isip lamang babasahin ang pariralang "babae man o lalaki". Kapag malakas itong binasa ay hindi babanggitin ang pariralang nakapaloob sa panaklong.
Bilang palatandaan, ito ang ilang keyword upang mas tumatak sa isip ang pagkakaiba sa pagitan ng tatlong ito.
GATLANG EM
Loudspeaker
KUWIT
Normal volume
PANAKLONG
Muted/ Silent
Ngayon ay alam na natin ang pinagkaiba-iba ng tatlo! Ngayon ay magagamit na natin sila ayon sa nais nating ipahayag sa mga sulatin. Para sa huling aralin, tatalakayin natin ang pagkakaiba ng gatlang em at tutuldok.