ARALIN III:
ARALIN III:
Ang Panipi ay isa mga mahahalagang bantas na ginagamit sa pagpapahayag ng mga dayalogo sa isang pangungusap at pagdidiin ng mga salita. Mas masusi natin itong kilalanin sa pamamagitan ng araling ito.
Mga NIlalaman ng Aralin:
Ingles: Quotation Marks
Ang Panipi ay isa sa mga bantas na ang simbolo ay “ ” o kaya ay ‘ ’ (Karaniwang ginagamit kapag mayroong panipi sa loob ng panipi). Ang bantas na ito ay kadalasang nakikita sa mga istorya sa pamamagitan ng mga dayalogo na nagpapakita ng pag-imik ng tauhan. Ngunit hindi lamang ito para sa mga dayalogo.
Ito ay ginagamit sa mga saklong ng salita, parirala, o pangungusap na nasa tuwirang layon (Direct Speech).
Mga halimbawa:
“Madali lang ang leksyong ito sapagkat ito ay nagagamit sa totoong buhay,” ani ng propesor na nagtuturo sa amin.
Noong nakita ni Emanuel ang kanilang anak, hindi na niya napigilang umimik nang pahiyaw,“Anak, ako ang iyong tunay na tatay!”.
2. Ito ay ginagamit rin kapag mayroong nilahad sa pangungusap na iba ang lenggwahe, impormal o may ibang nais iparating kesa sa literal na kahulugan ng salita.
Mga halimbawa:
Sabi ni Juan ay “mangchichiks” muna siya sa cafeteria.
(mangchichiks – manunuyo)
Huwag kang mag-alala, ako na ang “magdadayag” ng plato.
(magdadayag - maghuhugas)
Para maintindihan ang isinulat niya, kailangan daw ng "reading comprehension".
Ang simulang alpabeto ng salita ay naka “uppercase” kapag ito ay pangungusap, salita o pariralang pantangi (Lalo na kung ito ay titulo ng isang libro) at “lowercase” naman kapag ito ay parirala o salitang pambalana.
Halimbawa:
“Huwag kang mangamba, madali lang ang leksyon natin ngayon,” ani ni Johny.
Gusto kong bumili ng “house and lot” para sa aking pamilya.
Nais kong malaman kung bakit namatay si Juan sa istoryang “John and The Neverworld Sirens”.
Ang parirala, salita, o pangungusap sa panipi ay nilalagyan ng kuwit sa dulo imbes na gamitin ang kanilang nararapat na bantas (Maliban kapag panipi ang nagtatapos ng pangungusap at/o tandang pananong at tandang padamdam ang gamit) kung may mga susunod pang mga salita pagkatapos nito at ang estruktura ay nasa tuwirang layon. Kapag nagtatapos sa tandang pananong o tandang padamdam ang nakapaloob sa panipi, hindi na ito nilalagyan ng kuwit pagkatapos. Ang bantas na ginamit ay hindi mababago.
Halimbawa:
“Uy tigilan mo na iyang kakakain mo ng isaw, nakakasampu ka na eh,” ani ni Juan na nag-aalala sa kaniyang kapatid.
“Ayoko na!” galit na sinabi ni Juan kay Nena.
Bago magsimula ang isang panipi ay nilalagyan ito ng kuwit kung ito ay wala sa simula ng pangungusap.
Halimbawa:
Mariing sinabi ni Yanna, “Hindi dapat tayo nakikialam sa pamumuhay ng mag-asawang iyan”.
Kapag panipi ang magtatapos ng isang pangungusap at kung ang pangungusap na nakapaloob sa panipi ay nagtatapos sa tuldok, ilalagay ang tuldok sa loob ng panipi. Para sa tandang padamdam at pananong, depende sa pagkakagamit. Kung bahagi ng sipi, ilagay sa loob ng panipi; kung hindi bahagi, ilagay sa labas ng panipi.
Mga halimbawa:
Sabi ng asawa ko na nanunuyo sa akin, “Huwag na, ako na ang maghuhugas ng plato."
Maingat na tinanong ni Cristella sa akin, “Nabuksan mo na ba ang regalo mo?"
Naiintindihan mo ba ang salitang "rendezvous"?
Ginagamit ang simbolo na ‘ ’ kapag may panipi sa loob ng isang panipi.
Mga halimbawa:
Sinagot ng titser ang tanong ni Yolo tungkol sa kanilang leksyon, “Ang ating ‘wisdom tooth’ ay isang parte ng katawang hindi na ginagamit ngunit gamit na gamit ng ating mga ninuno."
Ayon kay Kuya Kim, “Ang buhay ay ‘weather weather’ lang."
Talaga ngang interesante ang aralin! Ngayon, alam na natin kung paano ilagay ang ibang mga bantas kapag gumagamit ng panipi. Mas magiging maayos na ang ating pagsulat sa mga tekstong may diyalogo. Sa susunod na aralin ay tatalakayin namang ang kudlit at tutuldok.