IKAW ANG TITULO

Romarie Car Dela Rosa

iniiBIG kita, tinatangi at sinisinta

at ang lahat ng taba na mayroon ka

hindi ka krayola, o pintura

pero binigyan mo ng kulay ang mundo ng katulad kong obra maestra

Hindi ka si kupido pero nabihag mo na ang puso ko.

Hindi ka si Jollibee pero kapag sayo sumasaya ako.

 

IniiBIG kita,ibang klase kasi ang dating mo.

Hindi ko alam kung dahil sa mabango mong pabango kaya naakit ako o para sayo lang talaga ako.

Marahil nahihibang lang ako,

o baka sadyang sa'yo nahulog na 'to

 

Teka mali,

Maling mahulog ako.

Maling mahulog sa'yo.

Kasi una palang alam kong sa'yo kaibigan lang ako.

At ayon lang naman diba talaga yung pwesto ko sa'yo at sa buhay mo.

 

Batid kong hindi ako.

Ang natatanging sinisigaw at nagiging dahilan ng bawat pagtibok at paglipad ng mga paru-paro sa tiyan mo.

Pero kung sakaling pipili ka ng magpapalipad ng bawat paru-paro, ako naman sana ang mapili mo.

Hindi ko na rin mabatid kung bakit sa dinami-daming ngiti ang natatanaw ko sa bawat araw, ang ngiti mo pa rin ang hinahanap-hanap ko.

 

Sa huling kabanata, ikaw pa din.

 

Hinding hindi mawawala.

Huwag Kang mag-alala,

Hindi ko isasara ang pahina mo sa kwento ng buhay ko dahil kahit kaunti

kahit kaunti,umaasa ako na gugustuhin mo din ako.

Hindi bilang kaibigan dahil ilang taon na ako sa pwesto na 'yon sa buhay mo.

 

Nais kong maramdaman na maging espesyal naman sa'yo.

Gusto kong malaman mong iniiBIG kita ano man ang maging sukat mo.

Dumoble man ang maging timbang mo.

Ikaw at Ikaw pa din ang gugustuhin ko.

 

At sa panahong hindi ka na pinipili ng mundo,

isa lang ang pakatatandaan mo, hindi man ako mundo, pipiliin kita ng paulit-ulit hanggang sa ako na ang maging mundo mo.

 

Kaya nawa'y sa pagtatapos nitong tula,

Kung napakinggan mo man sa simula't simula

Sana kahit konti lamang sa puso mo

Ay may tibok, at pangalan ko ang sinasambit nito.