Pagsipat sa Kahulugan, Karanasan at Aspirasyon ng Baklang Gen Z sa Unang Zine ng Kinaiya
Pagsipat sa Kahulugan, Karanasan at Aspirasyon ng Baklang Gen Z sa Unang Zine ng Kinaiya
Euane Jonh Fernald T. Collado at Yvo Gabriel D. Asis
ABSTRAK
Ang salitang bakla ay buhat sa pinagdugtong na mga salitang babae at lalake, na nagpapakita ng kabaklaan bilang isang penomenong sumasalungat at humahalo sa dalawang panig na binaryo. Ito ay isang pinagsama-samang kategorya na kinapapalooban ng homosexuality, transgenderism, transvestism, at effeminacy (Garcia, 1996). Sa kasaysayan ng Pilipinas, karaniwang iniuugnay ang bakla sa pagiging effeminate o sa cross-dressing—mga elementong maaaring ipakahulugan bilang “transgenderal". Ayon sa ilang iskolar, ang bakla ay naiiba dahil bitbit niya hindi lamang ang bigat ng mga itinatakdang gender representation, kundi maging ang kanyang sekswal na oryentasyong laging sabjek sa panghuhusga ng lipunang macho-pyudal. Itinuturing itong isang “biomedical ascription” o taguring medikal na may kakayahang tukuyin ang kanyang pagkatao—hindi lamang sa panlabas kundi bilang isang malalim na aspekto ng kanyang sarili (Garcia, 2013). Kung kaya, layunin ng pag-aaral na masuri ang nagbabagong kahulugan, karanasan, at aspirasyon ng mga baklang Gen Z na tampok sa unang zine ng organisasyong “Kinaiya”, isang samahan ng mga manunulat na kabilang sa LGBTQIA+, na naitatag noong taong 2023. Ito ay pinili gamit ang purposive sampling, na binigyang konsiderasyon ang demograpiks, gaya ng edad at kasarian, ng mga miyembro nito. Sa maikling panahon, nakapokus ang pagsusuri sa dalawang piling akda upang masigurong mabibigyan ang mga ito ng sapat na atensyon. Upang mapagtibay naman ang pagsusuri, gagamit ang pag-aaral ng Queer Theory, ayon sa kung paano ito inilapat ng Pilipinog iskolar at queer na si Jay Neil Garcia sa kaniyang libro na Philippine Gay Culture: Binabae to Bakla, Silahis to MSM, na tiningnan ang “bakla” bilang isang konseptong naiiba sa kanluraning konsepto ng “gay”, sa pamamagitan ng lenteng sosyokultural.
Mga susing salita: Pilipinas, bakla, Gen Z, kahulugan, karanasan, aspirasyon, Kinaiya, Queer Theory
Euane Jonh Fernald T. Collado
Siya ay isang mag-aaral mula sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman kung saan kaniyang kasalukuyang kinukuha ang programang BA Malikhaing Pagsulat sa Filipino, sa ilalim ng Kolehiyo ng Arte at Literatura. Noong taong 2024, nagtapos siya sa Batasan Hills National High School nang may Pinakamataas na Karangalan sa strand na Humanities and Social Sciences, siya rin ay nakatanggap ng parangal sa larangan ng social science. Noong taong 2023, isa rin siya sa mga naging representante ng kanilang paaralan para sa Center for Research and Excellence na pinangunahan ng Quezon City Youth Development Office, kung saan naman nakapasok sa Top 10 ang kanilang pananaliksik na nakatuon sa kasarian at kababaihan. Sa ngayon, interesado siyang palawakin ang kaniyang kaalaman sa mga kultural na pag-aaral na nakapokus sa malawakang lipunang Pilipino.
Yvo Gabriel D. Asis
Siya ay nasa unang taon ng kolehiyo sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman at nag-aaral ng kursong BA Malikhaing Pagsulat sa Filipino sa ilalim ng Kolehiyo ng Arte at Literatura. Nagtapos nang May Karangalan sa Paaralang Sekondaryang Pang-agham ng Lungsod Quezon sa track na Science, Technology, Engineering, Mathematics. Sa kabuuan ng hayskul, si Yvo ay isang kampus-mamamahayag na may karanasan sa iba’t ibang istilo ng pagsusulat at paggawa ng peryodiko. Noong 2023, naitalaga bilang Ikalawang Punong Patnugot ng Banyuhay, ang Opisyal na Pamahayagang Pangkampus sa Filipino ng QCSHS. Sa kasalukuyan, patuloy niyang pinapalawak ang karanasan sa pagsusulat at ginagawang inspirasyon ang mga napulot na aral sa lipunan sa kanyang mga likha.