Kalipunan ng Sanaysay hinggil sa Oryentasyong Filipino
Ayon sa diksiyonaryo.ph, ang sabáng ay salitang nagmula sa wikang Kapampangan at Tagalog na ang ibigsabihin ay salikop o hugpungan ng dalawa o mahigit na lansangan, riles, kalye, ilog at mga katulad. Gaya ng pagbagtas sa isang ideya at konsepto sa isang partikular na kalagayan, may nangyayaring pagsalikop at hugpungan sa proseso ng pagsasaliksik. Tampok sa kalipunan ang interseksiyon at pagtatagpo ng mga paksa, konsepto at ideya hinggil sa mga isyu, kalagayan at hamon sa lipunang Pilipino sa kontemporanyong panahon. Ipinopook ang pinagmumulang disiplina at larangan ng mga mananaliksik sa gitna ng masalimuot na proseso ng pagtuklas ng mga karanasang sarili/kolektibo tungo sa pagsasangandaan ng mga talastasan hinggil sa mga potensiyal para sa pagtatamo ng aspirasyong pambansa at makabayan.
Pinagtatagpo tayo ng wikang Filipino at tinitinipon ang ating magkakaibang tinig bilang isa. Tampok sa koleksyong ito ng Sabáng: Kalipunan ng Sanaysay sa Oryentasyong Filipino, na tinipon ng mga mag-aaral ng Fil 18 THY sa pamamatnubay ni Prop. Jonathan V. Geronimo, ang gayong pagtatagpo at pagtitipon ng samo’t saring mahahalagang isyu sa wika, politika, kultura, at lipunan, habang nananatiling nakaangkla sa mga disiplina at larangang pinagmulan ng mga mananaliksik. Sa gitna ng paglalakbay tungo sa mas malalim na pag-unawa sa pansarili at kolektibong karanasang Pilipino, layunin ng mga sanaysay na mag-ambag sa aspirasyong pambansa at makabayan.
Matingkad na pinapaksa sa koleksiyong ito ang wika at pagkakakilanlang Pilipino. Tinatalakay ang wikang Filipino bilang patakaran sa mataas na edukasyon, ang pagbanyuhay ng kulturang conyo, ang pag-usbong ng panitikan ng baklang Gen Z, at kritikal na pagsipat sa neokolonyal na karanasan sa mga wika sa Pilipinas at mga bansang Francophone sa Kanlurang Aprika. Pinapaksa rin ng ilang papel ang mga susing usapin kaugnay sa ugnayang wika sa usapin ng karapatang pantao na salalayan sa pagpapalitaw ng diskursong pambansa, gaya ng saloobin ng mga netizen sa wikang ginamit sa usapin ng ICC pre-trial laban kay Duterte—na nagbubunyag ng tensiyon sa pagitan ng dominasyon ng Ingles at pambansang wika.
Bumabagtas din ang ilang sanaysay sa mga diskursong pampolitika sa bagong midya. Tampok ang mga papel na sumusuri sa retorika ng mga political vloggers, mga influencer sa kanilang politikal na pag-eendoso, komunikasyong elektoral, at ang epekto ng echo chambers sa opinyong publiko. Ipinapakita ng mga pag-aaral ang kapangyarihan ng diskursong dihital sa paghubog ng pananaw ng mamamayan at ang hamon na tumugon sa pangangailangan ng literasing pangmidya sa dihital na panahon.
Matapang na pinapaksa at itinatanghal rin sa ilang sanaysay ang mga panlipunan at kultural na isyu ng tunggalian at pagsasakapangyarihan. Kabilang dito ang kultura ng katahimikan at pagpapatahimik sa mga kasong Violence Against Women at pagsasakatawan nito sa pelikula; ang kulturang Marites at ang kapangyarihan ng pahiwatig bilang anyo ng tsismis, at ang rebolusyonaryong diskurso ng bayan sa publikasyong Agham Bayan na nag-aambag sa patuloy na radikal na tradisyong pambansa demokratiko
Inihahapag ng mga sanaysay sa kalipunang ito ang pagtatangkang ipakilala at ipakahulugan kung ano ang Oryentasyong Pilipino—mula sa paggamit ng mga konseptong lokal tulad ng dating at pahiwatig, hanggang sa pakikipagtalastasan ng mga banyagang teorya sa mga isyu, karanasan at kontekstong Pilipino. Sa kabuuan, ang kalipunan na ito ay naghahapag ng mahahalagang pananaw at matalas na pagninilay hinggil sa karanasan ng pagiging Pilipino, at sa mga posibilidad ng kinabukasan ng ating bayan. Imbitasyon ang kalipunang ito para patuloy na magtagpo at magtipon mula sa kani-kaniya nating larangan at disiplina gamit ang pambansang wika at mga karanasang nagbubuklod sa atin.
VIKTOR IRVING CHUA