Pagbusal sa Kababaihan: Pagdalumat sa Kultura ng Katahimikan, Pagpapatahimik at Paglaban
sa Peministang Trilohiya nina Marilou Diaz-Abaya at Ricky Lee
Pagbusal sa Kababaihan: Pagdalumat sa Kultura ng Katahimikan, Pagpapatahimik at Paglaban
sa Peministang Trilohiya nina Marilou Diaz-Abaya at Ricky Lee
AJ Cancejo
ABSTRAK
Malalim at malawakan ang pananalaytay ng kultura ng katahimikan o “culture of silence” at pagpapatahimik sa lipunang Pilipino lalo sa mga kababaihan. Binibigyang-kahulugan ito ni Paulo Freire bilang malay na malawakang pananahimik laban sa binabanggang makapangyarihan, madalas dahil sa sari-saring kahihinatnan ng pagiging bokal. Sa papel na ito, nais dalumatin ang kultura ng katahimikan, pagpapatahimik at paraan ng paghamon/pagbali sa pagpapatahimik bilang diskurso sa itinuturing na Feminist Trilogy nina Marilou Diaz-Abaya at Ricky Lee sa mga pelikulang Brutal (1980), Moral (1982), at Karnal (1983). Bilang ang tatlong pelikula ay pinangungunahan ng isa o higit pa sa isang babaeng karakter, partikular na susuriin ang mga kaligirang kondisyon, panahon at lunan sa pelikulang nagtatangkang patahimikin ang mga babaeng karakter at ang kanilang tugon/paraan ng paghamon sa namamayaning pagpapatahimik sa pelikula, na may pagsaalang-alang sa taon ng produksyon ng mga pelikula na nilikha sa mga huling bahagi ng Batas Militar sa ilalim ni Ferdinand Marcos Sr. Gagamitin ang Panunuring Malay sa Kasarian (PMK) na binuo ni Lilia Quindoza-Santiago upang masuri ang mga pelikula na may konsiderasyon sa kondisyon at ugnayang panlipunan ng babae at/sa lalaki sa panahong iyon. Sa pagtunton sa pananalaytay ng kultura ng katahimikan at pagpapatahimik, inaasahang makapag-aambag ang papel sa pag-unawa hinggil sa konstruksyon ng babae sa pelikula at ang kaugnayan nito sa namamayaning kalagayan ng mga babae sa kinasasangkutang lunan at panahon.
Mga susing salita: Kababaihan, Kultura ng katahimikan, Paglaban, Pagpapatahimik, Peministang Trio
AJ Cancejo
Si AJ Cancejo ay isang estudyante ng programang BA Malikhaing Pagsulat sa Filipino sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Pinag-iisipan niyang mag-M.A., ngunit ang kaniyang pilosopiya ay hirap bago ginhawa (corporate job survivor muna bago bumalik sa akademya). Ang natatanging paksa niya lagi sa pananaliksik ay pelikula at kababaihan, ngunit nais din niyang subukang manaliksik ukol sa social work.
Hangarin ni AJ na makapag-direct ng pelikula sa hinaharap at ipalabas ito sa sariling kapihan kasama ang 13 na alagang pusa. Looking forward siya sa Hulyo kung saan magkakaroon siya ng bagong titulo: unemployed. #SalamatUP